Thursday, April 20, 2017

Airline passengers protection bill, pinamamadali

Hinimok ni Negros Oriental Rep Arnolfo Teves Jr. ang Kamara na ipasa na ang passenger rights bill na may layuning poprotekta sa karapatan ng mga air passengers.

Ito ay kasunod ng maling pagtrato ng mga airline companies sa kanilang mga pasahero kabilang na ang kontrobersiyal na pagkaladkad palabas ng eroplano sa isang doktor ng United Airlines.

Sinabi ni Teves, miyembro ng House Committee on Public Order and Safety, iko-co-author umano niya ang panukala na magi­ging mandatory ang pagkakaroon ng instructional­ manuals o films sa mga eroplano na nagdedetalye ng rights and responsibilities ng mga pasahero.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat mangyari sa Pilipinas ang kinasapitan ng biktimang si Dr. David Dao na ­kitang-kitang duguan ang mukha matapos sapilitang pababain sa overbooked na air flight.

Ipinahayag ni Teves na sa kasalukuyan ay may 7 panukala para sa air passenger rights protection ang nakabinbin sa Kamara at hiniling niya kay House Speaker Pantaleon Alvarez na isama rin ito sa mga panukala na bibigyang prayoridad ng House leadership.

Sa kasalukuyan, tanging Administrative Order na inisyu ng Department of Transportation at Department of Trade and Industry lamang ang nagdedetalye ng bill of rights ng mga air passengers at ng mga airline suba­lit aminado si Teves na marami sa nakasaad dito ang hindi nasusunod partikular na ang overbooking incidents, cancellation/flight delays at pagkawala ng mga bagahe.

Iginiit pa ni Teves na mahalagang malaman ng mga pasahero ang kanilang karapatan gayundin ang obligasyon ng mga airline carrier sa kanilang pasahero.
Free Counters
Free Counters