Mabigat na parusang multa na aabot sa P100,000.00 ang kakaharapin ng mga negosyante na hindi tutupad sa batas hinggil sa wastong pasahod.
Ito ang layunin ng panukalang batasang, ang HB01889 na inihain ni Estaern Samar Rep Ben Evardone bilang tugon sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino na biktima ng mababang pasahod na hindi naaayon sa umiiral na batas.
Matutupad ang layuning ito sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng RA06727 o ang Wage Rationalization Law, na nagpapataw lamang ng multang P25,000.00 bilang paglabag sa batas.
Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga lalabag na negosyante ay magbabayad ng moral damages na hindi lalampas ng P30,000.00 bawat apektadong manggagawa, kasama na ang bayad sa kaso at serbisyo ng abogado.
Ayon kay Evardone, sa 19,539 negosyong ininspeksyon kamakailan lamang ng DOLE o Department of Labor and Employment, umaabot sa 3,660 ng bilang na ito ang hindi sumusunod sa minimum wage law ngunit ang 15,879, katumbas ng 81% ng mga inispeksyong negosyo ay tumatalima naman sa ipinaiiral na batas hinggil sa pasahod.
Batay daw sa pag-aaral, mayroong mahigit na 800,000 negosyo sa bansa ang nag-eempleyo ng may 6.5 milyong manggagawa at ang wastong pasahod ay napakalaking tulong sa mga ito kung naipapatupad lamang ito ng wasto at maayos.
Iginiit ni Evardone na ang sahod umano ng ordinaryong manggagawa ay hindi sapat upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya tulad ng pagkain, damit, upa sa bahay at iba pa kayat dapat lamang daw na mahigpit na magpatupad ng minimum wage rate ang mga korporasyon at iba pang negosyo.
Sinabi pa ng mambabatas na ang tanging paraan lamang para matugunan ang problemang ito ay dagdagan ang multa laban sa mga negosyanteng hindi tumutupad sa ipinaiiral na batas nang sa gayun ay mapanangalagaan ang mga karapatan ng manggangawang Pilipino hinggil sa wastong pasahod.