Tatapyasan ng Kamara ang sobrang interes sa mga credit cards
Sa HB01235 o “Credit Card Users Protection Act of 2010”, layun nityo na limitahan ang interes na 1% kada buwan o 12% bawa’t taon, gayun din ang multa ng mga hindi nakakabayad sa takdang oras, sa 1% kada buwan o 12% bawa’t taon at ang kumpanyang mapapatunayang lalabag sa patakarang ito ay sasampahan ng kaso at pagmumultahin ng P500,000.00 bukod pa sa pagkabilanggo ng anim na taon at suspensyon o pagsasawalang bisa ng kanilang lisensya para makapagnegosyo.
Nababahala si Yap sa ulat na umabot na sa apat na milyong Pilipino ang nagtatangan ng anim at kalahating milyong credit cards, katumbas ng limang porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa.
Ayon kay Yap, karamihan dito ay suwelduhan lamang at walang ibang karagdagang kita bukod sa suweldo at malaking bahagi nito ang walang disiplina sa paggamit ng credit cards.
Imbes na gamitin ito bilang kapalit ng salapi sa biglaang pangangailangan ay ginagamit nila itong pambili ng hindi naman nila kailangan kahit wala silang pera, kaya’t nauuwi silang lahat sa pagkakabaon sa utang, dagdag pa ni Yap.
Dahil umano sa mga agresibong patalastas at panghihimok ng mga kumpanya ng credit cards tulad ng mga promo at kung anu-anong gimik ay lalo pang tataas ang bilang ng mga nababaon sa utang dahil sa paggamit ng credit cards at hindi nila alam na napakataas pala ng interes na ipinapataw ng mga kumpanya sa paggamit nila ng credit card, bukod pa sa penalty, finance charges, at iba pa.