Tuesday, November 23, 2010

Pagdinig ng tax cases, eksklusibong gagawin ng BIR

Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang panukalang magbibigay ng eksklusibong kapangyarihan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng paunang imbestigasyon, pagsasampa ng kaso at pagdinig ng mga kasong may kinalaman sa buwis.

Sinabi ni Isabela Rep Giorgidi Aggabao na ang mga batas hinggil sa pagbubuwis ay tunay na napakakumplikado at nangangailangan ng espesyal na kaalaman, kakayahan at karanasan.

Ayon sa kanya, hindi naman umano sa minimenos niya ang kakayahan at kapasidad ng mga prosecutor sa Department of Justice o DOJ at kung ang hahawak ng mga kaso sa pandaraya sa pagbubuwis ay mismong mga taga BIR, malaki daw ang posibilidad na mahawakan ang mga kaso ng gobyerno ng mga taong mas may karanasan at kakayahan hinggil sa pagbubuwis.

Idinagdag pa ni Aggabao na nahihirapan umano ang DOJ na agad harapin ang lahat ng kasong may kinalaman sa pagbubuwis na dumarating sa kanilang mga tanggapan kahit na ito ay paunang pagdinig pa lamang.

Sa kasalukuyang sistema, ang DOJ ang eksklusibong sumasakop at nagsasagawa ng preliminary investigation sa lahat ng kasong kriminal na nag-ugat sa paglabag sa batas hinggil sa National Internal Revenue Code at iba pang batas na pinapairal ng BIR.
Free Counters
Free Counters