Wednesday, January 26, 2022

-PAGPAPALAKAS SA INTERNET AT LIGTAS NA NILALAMAN PARA SA KALIGTASAN AT PROTEKSYON NG MGA BATA, APRUBADO NA SA KAMARA

Pinagtibay kahapon, Miyerkules, ng Committee on the Welfare of Children sa Kamara, sa pamumuno ni TINGOG SINIRANGAN Rep. Yedda Marie Romualdez, ang panukalang magpapatibay sa kaligtasan sa internet at nilalamang digital at online na proteksyon para sa mga bata. 


Bahagi rin sa panukala ang probisyong maggagawad ng mga parusa sa mga paglabag nito, at paglalaan ng pondo para sa panukala. 


[Pinalitan nito ang House Bill 2203 na inihain ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado; HB 2517 ni Deputy Speaker Divina Grace Yu; HB 5307 ni Laguna Rep. Dan Fernandez; HB 5407 ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon; HB 5542 ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes; at House Resolution 342 ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta.]


Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Romualdez na isinama na sa nasabing panukala ang mga pasya at ang mga kontra-mungkahi mula sa mga nagsusulong. 


Maraming mga tampok na proteksiyon ang panukala, ngunit hindi rin nito binabalewala ang umuusbong na kapasidad ng bata na matuto, magsiyasat, at tamasahin ang mga umuusbong na teknolohiya, ayon sa kanya.






Binanggit din niya ang pinakamahalagang katangian ng panukalang batas, na nagdedeklara sa mga pagkilos na labag sa online na proteksyon ng mga bata. 


“We have made a lot of progress from a very diverse proposal from our authors to this cohesive and comprehensive bill we have at hand," ani Romualdez. 


Dagdag pa niya, na ang kapalit na panukala ay tunay na kumakatawan sa pagnanais ng mga nagsusulong na magbigay ng matibay na online na polisiya, para sa proteksyon ng mga bata, na lahat ay nanganganib mula sa hindi maiiwasang mga pagbabanta na kasama ng pag-unlad ng inter-koneksyon at teknolohiya. 


Kabilang dito ang pang-aabuso sa bata at mga materyal sa pang-aabuso; paglikha ng high risk viral challenge; cyberbullying; cyberstalking; cyber mob attack; online na trafficking ng bata; online na pagpapanggap; online grooming; online na publikasyon ng batang terorista at marahas na ekstremismo; mga materyales sa pangangalap at pagsasamantala; online na pagbebenta ng hindi mahahalagang materyales, produkto at serbisyong nakakapinsala sa pisikal at sikolohikal na kaligtasan at kapakanan ng mga bata; at pagbebenta ng mga larawan ng pagtatalik pati na rin ang pag-stream ng sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa bata, at iba pa. 


Ang mga ahensya ng pamahalaan at mga nagsusulong ay nagmungkahi ng mga susog sa panukalang batas sa pagdinig, kabilang ang mga rekomendasyon mula sa Department of Justice (DOJ); National Privacy Commission (NPC); End Child Prostitution in Asian Tourism (ECPAT) Ph; at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at iba pa. 


Ang panukalang batas ay isusumite na ngayon sa Komite ng Appropriations para sa mga probisyon ng pagpopondo para dito.

 

#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Sunday, January 16, 2022

-MAHIGPIT NA MGA PROTOCOL, IPATUTUPAD SA PAGBABALIK-SESYON NG KONGRESO SA GITNA NG PAGTAAS NG COVID-19

Balik-sesyon na ang Kamara mamayang hapon matapos ang bakasyon at isasailalim ang Kongreso sa mahigpit na health and safety protocols dahil sa kasalukuyang banta ng mas nakakahawang Omicron coronavirus variant.


Ipinahayag ni Speaker Lord Allan Velasco na ang mga protocol na ito ay kinakailangan upang maprotektahan ang mga mambabatas at mga kawani ng lehislatura na maipagpatuloy na gampanan ang mandato nitong magsagawa ng mga batas upang maipagpaibayo ang buhay ng mga Filipino.


Matapos magbalik-sesyon ang Kapulungan ay muli itong mag-aadjourn sa ika-5 ng Pebrero, na maghuhudyat sa pagsisimula ng panahon ng pangangampanya para sa pambansang halalan para sa mga posisyon sa ika-8 ng Pebrero.


Ayon pa kay Velasco, mayroon na lamang tatlong linggo o bale siyam na araw ng sesyon na lamang upang kanilang tapusin ang ilang mga priority measures bago sila mag-adjourn para sa eleksiyon.






[“This is not the time to be complacent. We needed to step up our health and safety protocols in the House so we could keep the legislative mill running even in the midst of what has been described as the worst surge in COVID-19 cases in the country,” ani Velasco. ]


[“We only have three weeks or nine session days to finish some priority measures before we adjourn for the election period,” ani Velasco.]


Sinabi niya na inaasahan ng Kapulungan na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10582 o ang panukalang Rural Financial Inclusion and Literacy Act, na naglalayong iangat ang buhay ng mga mahihirap na sektor – ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda, at mga impormal na manggagawa – sa pamamagitan ng pagtugon sa malawak na agwat upang maabot ang inklusibong pinansya.


Naghihintay rin sa huling pagbasa ang HB 10579, na naglalayong patatagin ang mga karatig tanggapan ng Commission on Elections, sa pamamagitan ng pagpapaunlad at paglikha ng ilang posisyon, at mag-aamyenda sa Seksyon 53 ng Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code, na inamyendahan, at paglalaan ng pondo para dito.


Sinabi ng pinuno ng Kapulungan na pag-iibayuhin ng mga kinauukulang Komite ang kanilang trabaho para maisapinal ang panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers at ang National Development Act, gayundin ang panukala na nagtatalaga ng mga manggagawa sa kalusugan, sa lahat ng barangay sa buong kapuluan.


Nanawagan si Velasco sa Senado na aksyunan ang mahigit-kumulang na sandosenang panukala na pasado na sa huling pagbasa sa Kapulungan.


Ito ay kinabibilangan ng panukalang Internet Transactions Act at ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises o GUIDE Act; ang panukala na lilikha sa Medical Reserve Corps, Philippine Virology Institute, at ang Center for Disease Prevention and Control; ang pagbibigay trabaho sa mga manggagawa sa kalusugan sa basic education; ang pagtataas ng social pension sa mga mahihirap na senior citizen; at ang pagpapalakas ng proteksyon sa data privacy.


“We urge the Senate to expedite the deliberations and approval of these measures so we can pass them into law before the campaign period,” ani Velasco.


Matapos ang dalawang linggong lockdown ng Kapulungan, inaasahang paiigtingin ng Kapulungan ang pagpapatupad ng HousePass System, habang ang sesyon sa plenaryo ay idaraos pa rin sa pamamagitan ng online. 


Sinabi ni Velasco na mananatiling 20 porsyento lamang ng mga kawani sa bawat tanggapan ang pahihintulutang makapasok sa trabaho simula sa Lunes.


Sa ilalim ng HousePass System, magtatalaga ang bawat tanggapan ng health and safety officer (HSO) na magnonomina ng mga staff members na pisikal na papasok sa trabaho kada araw. Ang mga kawani ay magsusumite ng online na rehistrasyon at digital na kopya ng health declaration form, at matapos nito ay bibigyan sila ng QR code.


Ang code na ito ang ini-scan bago pumasok sa mga gusali at tanggapan sa Batasang Pambansa complex. Ang mga otorisadong kawani lamang ang pahihintulutang makapasok sa loob ng Batasan complex.


Magsasagawa rin ng Antigen test sa mga pisikal na papasok sa trabaho sa simula ng bawat linggo. Ang mga may sintomas o ang mga magpopositibo sa test ay aabisuhan na kumunsulta sa manggagamot at mag self-isolate sa loob ng 7 araw, ayon sa pinakahuling patakarang ipinaiiral ng Kagawaran ng Kalusugan.


Idaraos ang sesyon mula Lunes hanggang Miyerkules, na may limitadong bilang lamang ng mga mambabatas at kawani ang pisikal na nasa loob ng bulwagan. Ang mga mambabatas ay makadadalo sa sesyon sa pamamagitan ng videoconference.


Lahat ng pagdinig, pampublikong pagpupulong at mga aktibidad ng mga Komite ay isasagawa sa pamamagitan ng plataporma ng videoteleconference. #

Friday, January 14, 2022

-PAGTATALAGA NG MGA PULIS BILANG PROTEKSYON SA MGA TAGA-MEDIA, NAPAPANAHON

Pinapurihan ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena Niña Taduran ang Philippine National Police (PNP) sa agarang pagtatalaga ng mga pulis na magbibigay ng proteksyon sa lahat ng mga mangaggawa sa media, lalo na sa panahong ito ng eleksyon. 


Pinasalamatan din ni Taduran si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Secretary Joel Sy Egco dahil sa pagdulog nito sa Department of Interior and Local Government, na agad namang inatasan ang PNP na magtalaga ng Media Security Focal Persons sa mga probinsiya at siyudad sa buong bansa.


Nababahala si Taduran na habang papalapit ang araw ng halalan, naiipit ang mga manggagawa sa media sa gitna ng karahasan at kaguluhan.


Ito ay makaraang barilin ang isang komentarista sa radyo at dating manager ng istasyon, na tumatakbo rin sa halalan sa Sultan Kudarat at ang isa pang dating station manager ng radyo ng pagbabarilin ito ng dalawa kataong nakasakay sa motorsiklo habang ito ay nagta-trabaho bilang isang komentarista.


Naniniwala si Taduran na ang pagtatalaga ng PNP focal person para sa seguridad ng media ay makakatulong upang mahadlangan ang anumang karahasan laban sa mga manggagawa sa media.

Tuesday, January 11, 2022

-PAGBABAYAD NG PHILHEALTH SA MGA OSPITAL, TINALAKAY SA KAMARA


Sa gitna ng planong “PhilHealth holiday” at pagkalas sa PhilHealth na pansamantalang ipinagpaliban ng mga pribadong ospital, nagsagawa kanina ng pagdinig ang Committee on Health ng Kamara sa pangunguna ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan ukol sa mga pinakabagong kaganapan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital.


Sa virtual meeting, sinabi ni Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President and Chief Operations Officer of PhilHealth na nagkakahalaga P25.45 billion claims ang dapat bayaran sa mga ospital sa pammagitan ng Debit-Credit Payment Method (DCPM), isang mekanismo upang iproseso ang pagbabayad sa mga ospital sa panahon ng State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 pandemic upang tiyakin ang patuloy na pagbibigay serbisyong kalusugan.


 Sinabi ni PhilHealth President Atty. Dante Gierran na kanyang inutusan ang lahat ng regional conciliation and mediation branches ng PhilHealth upang tutukan ang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa mga partner hospitals patungkol sa kalagayan ng kanilang mga claims o reimbursements at kagyat itong solusyunan.


Ayon sa PhilHealth, pabibilisin ng DCPM ang pagbabayad sa mga kwalipikadong ospital sa buong bansa na nais sumailalim sa nasabing mekanismo habang pinoproseso ng PhilHealth ang pagbabayad.





 Sa ngayon, tatlong ulit nang nakapagbayad ang PhilHealth sa mga ospital sa pamamagitan ng DCPM na nagkakahalaga sa kabuoang P12.06 billion. 


Sinisi naman ni Atty. Gierran ang mabagal na pagbabayad sa mga ospital dahil sa problema ng kakulangan sa manpower at information technology (IT) sa harap ng COVID-19 pandemic. 


Nilinaw naman ni Philippine Hospitals Association president Dr. Jaime Almora na ang planong pagkalas ng mga ospital sa PhilHealth dahil sa bilyon-bilyong piso na halaga ng mga hindi pa nababayaran ay nangangahulugan na hindi na pauutangin ng mga private health care providers ang PhilHealth para sa pagpapagamot ng mga Pilipino. Ngunit kanyang tiniyak na tutulungan ng mga ospital ang mga pasyente na makapaningil sa PhilHealth para sa kanilang mga gastusin.

 

Samantala, tinalakay rin ang House Bill No. 7429 o ang “Social Health Insurance Crisis Act of 2020” ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa harap ng maraming reklamo laban sa PhilHealth.


Sinabi ni Quimbo na ang panukala ay nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na balasahin at ireorganisa ang alin man o lahat ng sangay ng PhilHealth upang gawin itong epektibo, mabisa, at makabago sa paglalaan ng social health insurance.


Kapag naging batas, ito ay magtatayo ng isang Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission na syang magpapatupad ng lahat ng hakbang patungo sa tuluyang reorganisasyon ng PhilHealth.


Ang panukala ay mariing tinutulan ng PhilHealth. Ayon kay Atty. Gierran, ang pagre-organisa ng PhilHealth ay minamandato sa ilalim ng Republic Act 11223 o ang “Universal Health Care Act” tulad ng outsourcing ng ilang tungkulin upang tiyakin ang maayos na operasyon alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9184 o ang "Government Procurement Reform Act".


Binigyang diin rin nya na ang pagtatayo ng Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission ay hindi na kailangan dahil itinatakda na ng batas ang isang Joint Congressional Oversight Committee on Universal Health Care na syang magsasagawa ng pagsusuri patungkol sa pagtupad ng tungkulin ng mga ahensya na kabahagi sa UHC law.


Ang Committee on Health ay magbubuo ng isang Technical Working Group (TWG) upang pag-aralan ang panukala.#

Free Counters
Free Counters