Tuesday, January 11, 2022

-PAGBABAYAD NG PHILHEALTH SA MGA OSPITAL, TINALAKAY SA KAMARA


Sa gitna ng planong “PhilHealth holiday” at pagkalas sa PhilHealth na pansamantalang ipinagpaliban ng mga pribadong ospital, nagsagawa kanina ng pagdinig ang Committee on Health ng Kamara sa pangunguna ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan ukol sa mga pinakabagong kaganapan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital.


Sa virtual meeting, sinabi ni Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President and Chief Operations Officer of PhilHealth na nagkakahalaga P25.45 billion claims ang dapat bayaran sa mga ospital sa pammagitan ng Debit-Credit Payment Method (DCPM), isang mekanismo upang iproseso ang pagbabayad sa mga ospital sa panahon ng State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 pandemic upang tiyakin ang patuloy na pagbibigay serbisyong kalusugan.


 Sinabi ni PhilHealth President Atty. Dante Gierran na kanyang inutusan ang lahat ng regional conciliation and mediation branches ng PhilHealth upang tutukan ang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa mga partner hospitals patungkol sa kalagayan ng kanilang mga claims o reimbursements at kagyat itong solusyunan.


Ayon sa PhilHealth, pabibilisin ng DCPM ang pagbabayad sa mga kwalipikadong ospital sa buong bansa na nais sumailalim sa nasabing mekanismo habang pinoproseso ng PhilHealth ang pagbabayad.





 Sa ngayon, tatlong ulit nang nakapagbayad ang PhilHealth sa mga ospital sa pamamagitan ng DCPM na nagkakahalaga sa kabuoang P12.06 billion. 


Sinisi naman ni Atty. Gierran ang mabagal na pagbabayad sa mga ospital dahil sa problema ng kakulangan sa manpower at information technology (IT) sa harap ng COVID-19 pandemic. 


Nilinaw naman ni Philippine Hospitals Association president Dr. Jaime Almora na ang planong pagkalas ng mga ospital sa PhilHealth dahil sa bilyon-bilyong piso na halaga ng mga hindi pa nababayaran ay nangangahulugan na hindi na pauutangin ng mga private health care providers ang PhilHealth para sa pagpapagamot ng mga Pilipino. Ngunit kanyang tiniyak na tutulungan ng mga ospital ang mga pasyente na makapaningil sa PhilHealth para sa kanilang mga gastusin.

 

Samantala, tinalakay rin ang House Bill No. 7429 o ang “Social Health Insurance Crisis Act of 2020” ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa harap ng maraming reklamo laban sa PhilHealth.


Sinabi ni Quimbo na ang panukala ay nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na balasahin at ireorganisa ang alin man o lahat ng sangay ng PhilHealth upang gawin itong epektibo, mabisa, at makabago sa paglalaan ng social health insurance.


Kapag naging batas, ito ay magtatayo ng isang Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission na syang magpapatupad ng lahat ng hakbang patungo sa tuluyang reorganisasyon ng PhilHealth.


Ang panukala ay mariing tinutulan ng PhilHealth. Ayon kay Atty. Gierran, ang pagre-organisa ng PhilHealth ay minamandato sa ilalim ng Republic Act 11223 o ang “Universal Health Care Act” tulad ng outsourcing ng ilang tungkulin upang tiyakin ang maayos na operasyon alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9184 o ang "Government Procurement Reform Act".


Binigyang diin rin nya na ang pagtatayo ng Joint Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission ay hindi na kailangan dahil itinatakda na ng batas ang isang Joint Congressional Oversight Committee on Universal Health Care na syang magsasagawa ng pagsusuri patungkol sa pagtupad ng tungkulin ng mga ahensya na kabahagi sa UHC law.


Ang Committee on Health ay magbubuo ng isang Technical Working Group (TWG) upang pag-aralan ang panukala.#

Free Counters
Free Counters