Thursday, February 25, 2021

-PROGRAMANG PABAHAY PARA SA MGA GURO, TATALAKAYIN NA KAMARA

Binuo ngayong araw ng Komite ng Housing and Urban Development sa Kamara ang isang technical working group na pagsasama-samahin at pagkakasunduin ang mga probisyon ng mga panukalang naglalayo na isulong ang programang pabahay para sa mga pampublikong guro.


Sa ginanap na online hearing, sinabi ni Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, chairman ng komite na ang mga guro sa bansa ay sobra sa trabaho ngunit kulang sa sweldo.


Nararapat lamang para sa pamahalaan na kilalanin ang mga paghihirap ng mga guro, sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang sariling tahanan, na isang pangunahing karapatang pantao, ayon kay Benitez.


Sinuportahan ng ilang ahensya ang panukala, kabilang ang Kagawaran ng Edukasyon, Department of Public Works and Highways, Government Service Insurance System, Pag-IBIG, at iba pa.


Hiniling din ng mga mambabatas sa Department of Human Settlements and Urban Development at DepEd na tingnan ang mga lupang pag-aari ng gobyerno na nakatiwangwang lamang at hindi nagagamit, na maaaring gamitin sa programang pabahay para sa mga guro.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Wednesday, February 24, 2021

-OSPITAL PARA SA MGA SENIOR CITIZEN, ITATATAG

Bumuo kahapon ng isang technical working group (TWG), batay sa rekomendasyon ng dalawang komite sa Kamara, ang Committee on Government Reorganization at Committe on Health, upang balangkasin ang mga panukalang naglalayong palitan ang National Center for Geriatric Health (NCGH) at gawing isang korporasyon na tatawaging National Geriatric Health and Research Institute.


Ang TWG na pamumunuan nina Laguna Rep. Ruth Mariano-Hernandez at KABAYAN Rep. Ron Salo ay may atas na pagsasama-samahin ang mga panukalang magkaka-ugnay sa pangunguna ng panukala ng Deputy Speaker Bienbenido Abante, Jr., ang HB03949.


Ang NCGH ay kasalikuyang pinatatakbo bilang isang ekstensyon ng Out-Patient Geriatric Department ng Jose Reyes Memorial Medical Center.


Sa rekomendasyong ito, tiniyak ng kagawaran ang kalidad at abot-kayang serbisyo ng geriatric specialty para sa lahat ng Pilipino na nakalinya sa Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040 ng nabanggit na ospital.


Ipinanukala ito sa Kamara dahil sa loob umano ng siyam na taon, ang serbisyo ng NCGH ay hindi napalawig para sa mga matatanda na siyang dapat mga benepisyaryo ng naturang pasilidad.

Tuesday, February 23, 2021

-USAPING PRANGKISA NG ABS-CBN, ISINANTABI NA NG KOMITE SA KAMARA

Isinantabi na ang usapin hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN na na naging desisyon ng Committe on Legislative Franchises matapos na tanggihan sa botong 70-11 ang aplikasyon ng network sa kanilang prangkisa noong ika-10 ng Hulyo 2020.


Sa ilalim ng House Rules, sinuman sa 70 mga miyembro ng Kamara na bumoto laban sa aplikasyon ng prangkisa ay maaaring maghain ng mosyon sa rekonsiderasyon para sa ABS-CBN upang hamunin ang desisyon ng Komite. Sa kasawiang palad, wala ni isang mambabatas ang naghain ng mosyon, kaya’t naging pinal na ang desisyon ng Komite.


Ang usapin sa unfinished business ng plenaryo ay ang House Bill 6732, na naglalayong gawaran ng pansamantalang prangkisa ang ABS-CBN na magiging epektibo hanggang ika-31 ng Oktubre 2020. Walang alinlangan na ito ay wala nang saysay.


Batay sa pagkakaunawa ng komite at mula sa liderato ng Kamara, ang usapin sa prangkisa ng ABS-CBN ay nababagay na lamang sa susunod ng Kongreso.#

-DELIBERASYON SA AMYENDA SA PANG-EKONOMIYANG PROBISYON SA SALIGANG BATAS, UMARANGKADA NA SA PLENARYO

Sinimulan na kahapon sa Mababang Kapulungan ang deliberasyon sa panukalang amyenda sa mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya sa Konstitusyon, habang iginigiit ni AKO-BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr., chairman ng Committee on Constitutional Amendments sa Kamara, ang magandang hangarin sa pagpapasa ng Resolution of Both Houses No. 2 (RBH 2), upang gawaran ang pamahalaan ng kalayaan na pagtibayin ang mga panulaka na magbibigay daan sa kaunlaran ng ating ekonomiya.


Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Garbin na karapat-dapat lamang umano para sa Kongreso na idagdag ang mga katagang “unless otherwise provided by law,” upang bigyan ang pamahalaan ng sapat na kakayahan na umangkop, upang ituring ang iba’t ibang kalagayan na umiiral sa iba’t ibang antas tungo sa landas ng kaunlaran ng ekonomiya, bago magbalangkas ng mga polisiya na angkop sa panahon.


Iginiit ni Garbin na ang kalagayan ng ekonomiya ay hindi kailanman pirmihan o permanente, gayundin ang mga pangunahing batas, na dapat ay malaya sa pagpigil sa kahigpitan.


Bagama’t ito ay dapat na nasusulat, dagdag pa ng mambabatas, hindi ito dapat na hubad sa nilalaman ng kakayahan para umangkop.


Ayon kay Garbin, ipinunto ng mga tagamasid na ang mga mahihigpit na probisyon ng ekonomiya sa Konstitusyon ay napatunayang sagabal, imbes na nakakatulong sa bansa, dahil nililimitahan nito ang daloy ng foreign direct investments.

-PASADO NA SA KAMARA ANG EMERGENCY VACCINE PROCUREMENT BILL

Inaprubahan na kahapon sa Mababang Kapulungan sa pangatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 8648 o ang “Emergency Vaccine Procurement Act of 2021,” na nauna nang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang ‘urgent’.


Ang panukala ay inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, at ito ay inaprubahan sa botong 225, 0 negative at anim na abstensyon.


Kapag naging ganap na na batas, pahihintulutan ng panukala ang mabilisang pagbili at pagbabakuna para sa COVID-19, na magpapagaan sa mga rekisitos ng pagbili ng bakuna, ng mga lokal na pamahalaan.


Nakasaad din sa panukala na ililibre ang mga Local Government Units o LGUs mula sa import duties, buwis at iba pang mga kabayaran sa pagbili, pag-aangkat, pamamahagi, at administrasyon ng mga bakuna.


Magkakaroon ng kapangyarihan ang mga LGUs na direktang makabili ng mga bakuna, gayundin ang iba pang kagamitan at serbisyo, sa pinakamakatarungan, mura at mabilis na paraan.

Friday, February 19, 2021

-PANUKALANG MANDATORY IMMUNIZATION, PASADO NA SA KAMARA

Aprubado na sa 2nd reading Kamara ang “Mandatory Immunization Program Act,” na naglalayong repasuhin ang Republic Act 10152 o ang “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011.


Sa ilalim ng panukala, ipinasasama sa mandatory vaccination ang mga bakuna na pipigil sa mga sakit para sa Tuberculosis, Diphteria, Tetanus at Pertussis, Poliomyelitis, Measles, Mumps, Rubella o German Measles, Hepatitis-B, at iba pa.


Nakasaad din sa panukala na isama ang mandatory immunization services sa benefit package ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na dadaan muna sa pagsusuri na naaayon sa “Universal Health Care Act.”      


Ang HB 8558 ay pangunahing iniakda nina House Deputy Speaker Strike Revilla at House Committee on Health chairperson Rep. Angelina Tan.

Tuesday, February 16, 2021

-VOLUME NG PAG-ANGKAT NG KARNENG BABOY, TATAASAN

Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA)  Secretary William Dar na  kanila ng isinumite sa palasyo ng Malacañang ang resolusyon na layong itaas ang importasyon ng karneng baboy ngayong taon. 


Sa joint hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry,  sinabi ni Dar na kanilang inerekomenda sa  Pangulo na itaas sa 404,210 metric tons ang minimum access volume (MAV) sa pag-angkat ng baboy mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons. 


Ito ay bilang tugon aniya sa kakulungan ng suplay ng karneng baboy sa bansa  na nagreresulta sa mataas na bentahan nito sa mga pamilihan. 


Batay sa Republic Act 8178, ang Pangulo ng bansa ang may kapangyarihan na magpanukala sa Kongreso ng revisions, modifications o adjustment sa MAV tuwing may kakulangan o abnormal na pagtaas sa presyo ng mga agricultural products.

Monday, February 15, 2021

-PANUKALANG AMIYENDA SA CONTRACTORS’ LICENSE LAW, PASADO NA SA KAMARA

Pasado na sa pangatlo at huling pagbasa ang House Bill 7808 o ang “Contractors’ License Law” sa plenaryo ng Kamara de Representantes kahapon sa botong 200.


Ang panukala na pangunahing iniakda ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. ay naglalayong isulong ang kaunlaran sa pagni-negosyo ng pangungontrata sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kakayahan sa konstruksyon sa mga pampubliko at pribadong sektor at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga lumalabag sa batas.


Batay sa panukala, ang mga kontraktor na napatunayang nagkasala na tinutukoy ay pagmumultahin ng hindi bababa sa halagang P100,000.00 o 0.1% ng halaga ng proyekto.


Bukod pa sa hatol, hindi na sila maaaring makakuha ng lisensya sa pangungontrata sa loob ng hindi bababa sa isang taon.


Kapag ito ay naisabatas na, bibigyan ng kapangyarihan ang Philippine Contractors Accreditation Board na mangolekta o magpatupad ng mga kabayaran at multa upang mapaunlad ang kanilang mga operasyon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Thursday, February 11, 2021

-PANIBAGONG CASH ASSISTANCE PROGRAM, MAY SAPAT NA PONDO AYON SA GRUPONG BTS NG KAMARA

Iginiit ng Grupong Back To Service o BTS sa Kamara na mayroong sapat na pondo ang gobyerno para sa pagpapalawig ng cash assistance nito ngayong panahon ng pandemya.


Sa isang pulong balitaan kahapon sinabi ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na may pera ang pamahalaan na paghuhugutan para mabigyan ng karagdagang ayuda ang mga pamilya, mga negosyante at mga mahihirap na apektado ng COVID 19 pandemic. 


Ayon kay Cayetano ang pondo ay maari  aniyang kunin sa loans at savings ng 2020 budget o kaya ay katulad sa ginawa sa Bayanihan 1 kung saan pinondohan ito sa mga items na hindi naman importante sa 2021 budget. 


Batay sa cash balance ng pamahalaan, mayroon pa umanong P204 Billion na unobligated funds hanggang December 31, 2020 sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA) na sobra-sobra para pondohan ang isinusulong nilang Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program.


Matatandaang sa ilalim ng House Bill 8597 o  BPP Assistance Program  na inihain ng grupo, ang bawat pamilyang apektado ng pandemya ay pinabibigyan ng 10,000 cash assistance   1,500 pesos per family member.

Wednesday, February 10, 2021

-CHILD CAR SEAT LAW, POSIBLENG MAGAMIT SA KATIWALIAN

Ibinunyag ngayong (Jan 10) araw ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon na mayroong pagkakasunduan sa pagitan ng mga miyembro ng Committee on Transportation sa Kamara na irekomenda ang suspensyon sa implementasyon ng Republic Act 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act, at nais nilang maghain ng panukala para isuspindi ang naturang batas.


Bagamat binigyang-diin ni Biazon ang pangangailangan na magkaroon ng patakaran at panuntunan upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata, nais ng mambabatas na maging malinaw ang usapin hinggil sa kung papaano ito ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Office (LTO).  


Ayon pa kay Biazon, isang point na nais niyang linawin sa implemetasyon ng batas ay ang nilalaman ng Implementing Rules and Regulations (IRR) na pinatupad ng DOTr at LTO, specifically ang pagbubuo ng tinatawag na fitting stations.


Sinabi niya na ang fitting stations ay maaaring lugar o opisina kung saan ay ginagawa ang inspeksyon ng pagkakabit at wastong paggamit ng child seat restraints, ngunit ang pagbuo nito ay hindi kasama sa batas.

-MAINIT NA SAGUTAN SA PLENARYO SA PAGITAN NI CONG DEFENSOR AT ILANG KONGRESISTA HINGGIL SA LOAN NG MGA LOPEZ SA DBP

Nagkaroon ng mainit na debate si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa  ibang kongresista sa plenaryo ng Kamara kahapon. 


Ito'y matapos na kwestsyunin ni Defensor sa kanyang privilege speech ang liderato ng kamara kung anong aksyon ang gagawin sa isyu ng utang ng Lopez Group of Companies sa Development Bank of the Philippines o DBP. 


Sa kanyang talumpati binanggit  ng mambabatas na wala aniyang elegibility ang loans ng mga Lopez sa DBP  batay sa naunang paguusap nila ng BSP at maging ang  kakulangan ng mga dukomento. 


Pero kinontra ito ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera at sinabihan si Defensor na sumunod sa Rules  at hindi dapat ginagamit ang oras sa plenaryo para talakayin ang usapin sa Lopez loans  dahil  nakabinbin na ang isyu sa  Committee on Good Government . 


Kaugnay nito ay kinwestyon naman ni Deputy Speaker Buhay Party-list Rep. Lito Atienza  ang pagbanggit ni Defensor  ng collective privilege sa kanyang talumpati dahil  very personal aniya ang  atake nito sa ABS-CBN at sa mga lopez. 


Dahil dito ay nagmosyon si Deputy Minority Leader at Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte na alisin sa records ng plenaryo ang mga statement ni Defensor sa paniniwalang na carried away lamang ito ng kanyang emosyon na agad  namang kinatigan ni  Deputy Majority Leader Sharky Palma. 


Samantala, sa Feb. 17 ay ipagpapatuloy  ng Comittee on Good goverment ng Kamara ang  imbestisgasyon  sa isyu ng umanoy pinaburang loans ng Lopez Group sa DBP na unang naungkat sa panahon ni Defensor bilang chairman ng komite.

Tuesday, February 09, 2021

-PAGGAMIT NG PONDO SA BAYANIHAN 2, SISIYASATIN SA KAMARA

Isinusulong ngayon ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin, sa Kamara ang isang resolusyon na layong imbestigahan  ang paggamit ng pondo  sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act. 

Sinabi ni Garin, partikular na bubusiin ng House Resolution Number 1558 ang umanoy pagkabalam sa pag rerelease ng pondong inilaan para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa ngayon panahon ng pandemya. 


Bilang miyembro ng bicameral conference committee sa Bayanihan 2, iginiit ni Garin na ang pagkaantala sa pag rerelease ng pondo  ay maituturing na disservice sa sambayang Pilipino lalo pa at ang mga programa at proyektong nakapaloob sa Bayanihan 2 ay nakikitang solusyon ng Kongreso na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya.


Matatandaan na batay sa ulat na inilabas ng Office of the President  noong November 3, 2020 ay P76.2 billion pa lamang  na pondo ang nairerelease mula P140 billion na  appropriated funds . 


Sa ngayon nasa mahigit 30 kongresista  ang lumagda  sa HR 1558 na humihimok sa  House committee on public accounts na imbestigahan ang isyu in aid of legislation.

Monday, February 08, 2021

-ONLINE NA BENTAHAN NG MGA PEKENG COVID-19 VACCINE, PINASUSUGPO SA PAMAHALAAN

Nanawagan si Deputy Speaker Wes Gatchalian sa mga otoridad na tugisin ang mga nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccine online.


Ayon kay Gatchalian, dapat magkaroon ng crackdown laban sa mga unregistered vaccines na ibinebenta sa internet.


Diin nito, asahan naraw ng mga otoridad na maglilipana ang mga pekeng bakuna sa nakatakdang pagdating ng COVID-19 vaccine sa bansa.


Sinabi pa ng kongresista na ang mga pekeng bakuna na hindi aprubado ng FDA ay banta sa kalusugan ng tao kaya dapat masawata ang pagkalat nito.


Sa ngayon, ang mga bakuna pa lamang na gawa ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca ang tanging binigyan ng emergency use authorization ng pamahalaan para magamit sa vaccination program.

-PANUKALANG BAYANIHAN 3, PINASISERTIPIKAHANG URGENT MEASURE KAY PANGULONG DUTERTE

Nanawagan kahapon si Marikina Rep. Stella Quimbo sa Malacanang na irekonsidera ang naunang pagtutol sa pagpasa sa panukalang Bayanihan 3.


Nobyembre nitong nakaraang taon nang sabihin ni Presidential Spokesman Harry Roque na premature ang planong pagpasa sa Bayanihan 3.


Ayon kay Quimbo, hindi sapat ang P145-B stimulus package na hatid ng Bayanihan 2 kaya kailangan ng panibagong Bayanihan Law.


Diin ng ekonomistang mambabatas, kailangan ngayon ng mas malaking pondo para sa mga sektor na naaapektuhan ang kabuhayan ng pandemya kaya mahalaga ang P420-B na dalang pondo ng Bayanihan 3.


Nanawagan din si Quimbo kay Pangulong Duterte na sertipikahang urgent ang Bayanihan 3 para maisabatas ito sa lalong madaling panahon.

Sunday, February 07, 2021

-PANUKALANG P420-B BAYANIHAN 3 LAW, ISINUSULONG SA KAMARA

Dahil sa lugmok na ekonomiya ng Pilipinas at walang kalinawan sa maagang pagtatapos ng pandemyang dulot ng COVID-19, isinusulong ngayon ni Speaker Lord Allan Velasco ang pondong nagkakahalaga ng P420-bilyon para mas lalo pang pagaanin ang pagbawi ng bansa sa ekonomiya.


Kasama si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, inihain ni Velasco noong nakaraang Huwebes ang House Bill 8628 o ang “Bayanihan to Arise as One Act,” na tatawaging Bayanihan 3.


Bagama’t nakapagpasa na ng dalawang batas sa Bayanihan – ang Bayanihan to Heal as One, at Bayanihan to Recover as One – na nagpataas sa kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa mga pangangailangan ng krisis dulot ng COVID-19, sinabi ni Velasco na “hindi pa sapat ito upang tunay na makabawi ang bansa.”


Batay sa nabanggit na mga datos mula sa Philippine Statiscitcs Authority, sinabi ng mambabatas mula sa Marinduque, na ang ekonomiya ng Pilipinas ay nakapagtala ng 9.5 porsyentong kabuuan noong 2020, ang pinakamalalang kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.


Sa kasalukuyan ay may 115 na mga mambabatas mula sa mga nangungunang partido politikal at power blocs, na kinabibilangan ng mga miyembro ng supermajority sa Kamarama de Representantes ang nagpahayag na ng kanilang suporta at nagpahiwatig na maging isa sa mga may-akda ng HB 8628.

Tuesday, February 02, 2021

-PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN, TINALAKAY SA ISANG ONLINE JOINT COMMITTEES

Magkasanib na tinalakay kahapon sa isang online hearing ng Committee of Agriculture and Food at ng Committee on Trade and Industry sa Kamara ang mga hakbang na isinasagawa ng Department of Agriculture o DA sa pagpapatatag ng presyo ng mga bilihin na patuloy na tumataas.


Ang pagdinig ay idinaos, isang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Executive Order 124, na nagpapahinto sa loob ng 60-araw ang pagtataas sa presyo ng mga piling karne ng baboy at manok sa National Capital Region (NCR).


Sinabi ni Committee on Trade and Industry Chairman Rep. John Reynald Tiangco sa kanyang pambungad na pananalita, na ang walang katiyakang presyo ng mga bilihin ay labis na nakakaapekto sa kalagayan ng mga Pilipino habang patuloy na nakikipaglaban sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Ayon kay chairman Wilfrido Enverga ng Committe on Agricultulture and Food na tungkulin ng Kongreso, katuwang ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, na tuloy-tuloy na talakayin at suriin ang mga tunay na kadahilanan kung bakit hindi mapigil ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


Tiniyak ng mga komite na ang Kongreso ay nakahandang makialam sa usapin upang matugunan ang kaganapan.


Iniulat ni DA Secretary William Dar sa hearing na ang mga natural na kalamidad noong nakaraang taon, magkakasunod na lockdown dahil sa pandemya, sunod-sunod na malalakas na bagyo at ang paglaganap ng African Swine Flu (ASF) ang labis na naka-apekto sa suplay ng pagkain, na dahilan ng pagtataas ng halaga nito.


Ayon sa Kalihim, inuuna ng kagawaran ang pagpaparami ng suplay sa lokal na produksyon kesa sa pag-aangkat ng pagkain, na para sa kanila ay “last option”, upang mabalanse ang suplay at pangangailangan sa pagkain.

-DEBATE SA PLENARYO NG AMIYENDA SA SALIGANG BATAS, AARANGKADA NA

Matapos na pagtibayin kahapon sa House committee on constitutional amendments sa boto na 63 - 3 at tatlong abstention ay aarangkada na sa plenaryo ng Kamara ang pagtalakay Resolution of Both Houses No. 2 o RBH No. 2 na naglalayong amyendahan ang  restrictive economic  provisions sa ilalim ng 1987 constitution. 


Sinabi ni AKO BICOL PARTYLIST Rep. at committee chairman Alfredo Garbin Jr. na target nilang maisalang ang RBH 2 sa plenaryo ng Kapulungan sa kalagitnaan ng kasalukuyang buwan para sa mga gagawing debate. 


Matatandaang lumagda ng manifesto ang mga lider ng mga major political parties at blocs sa Kamara para suportahan ang panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon. 


Kabilang sa mga pumirma sa 'manifesto of support' ang walong mga liders na sina Majority Leader Martin Romualdez ng LAKAS-NUCD, Deputy Speaker Salvador Doy Leachon ng PDP-LABAN, Rizal Rep. Michael John Duavit ng Nationalist People’s Coalition (NPC),  Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng Nacionalista Party (NP), at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr, ng National Unity Party (NUP). 


Kasama rin sa lumagda sina Davao City Rep. Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago, Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael Mikee Romero ng Party-list Coalition Foundation Inc., at Aurora Rep. Rommel Rico Angara na kumakatawan sa independent bloc.

-DEBATE SA PAG-AAMIYENDA SA SALIGANG BATAS, UUMPISAHAN NA SA PLENARYO

Ipinagtibay na ng House committee on constitutional amendments kanina sa pagdinig nito, ang Resolution of Both Houses No. 2 o RBH No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco.


Batay sa RBH No. 2, ang mga katagang “unless otherwise provided by law” ay idaragdag sa mga constitutional restriction na naglilimita sa partisipasyon ng mga foreign investor sa governing body ng mga kumpanya alinaunod sa kanilang proportionate share in capital ng negosyo.


Ang nasabing mga kataga ay idaragdag din sa mga probisyon na nagsasabing ang mga Filipino citizen lamang ang puwedeng mag-kontrol, magmamay-ari, at magpa-upa ng mga public utilities, educational institutions, mga kumpanyang mass media at advertising company sa bansa.


Ang pinagtibay ng komite na resolusyon ay isusumite na sa plenaryo upang ito ay ibayong pagdi-debatehan na ng lahat na mga mambabatas sa kapulungan.

-PANUKALA NA MAGLILIBRE NG BUWIS SA KITA NG MGA FRONTLINERS, APRUBADO

Bilang pagkilala at parangal sa hindi matatawarang paglilingkod ng mga medical frontliners sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19, inaprubahan na ng Kamara de Representantes kahapon sa pangatlo at huling pagbasa ang House Bill 8259, na naglalayong ilibre sa buwis sa taong 2020 ang mga manggagawa sa kalusugan.

Ang panukalang “Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act,” na pangunahing iniakda ni Deputy Speaker Michael Romero ay naglalayong hindi pagbayarin ng 25 porsyentong buwis sa kita ang mga medical frontliners.


Itinuturing sa panukala na ang mga medical frontliner ay kinabibilangan ng mga manggagawa sa kalusugan na naglilingkod sa mga ospital, klinika at mga institusyong medikal, maging pribado o pampubliko, na pangunahing gumagamot sa mga pasyenteng nahawaan ng COVID-19.


Kabilang dito ang mga kawani ng administrative office, support personnel at staff, anuman ang estado ng kanilang trabaho.

Monday, February 01, 2021

-PAGGAWAD NG KAPANGYARIHAN KAY PRRD SA PAGSUSPINDE SA PAGTATAAS NG BAYAD SA PHILHEALTH AT SSS, APRUBADO NA

Aprubado na sa Kamara ang dalawang mahahalagang panukala na maggagawad ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspindihin ang nakatakdang pagtataas ng bayad sa kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Socal Security System (SSS) sa panahon ng pambansang kagipitan tulad ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Dahi dito, pinapurihan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa mabilis nilang pagpasa sa mga naturang panukala.


Ipinasa ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bills 8461 at 8512, na pangunahing iniakda Speaker Velasco.


Ang kambal na panukala ay nagbibigay ng pahintulot sa Pangulo sa pakikipag-ugnayan sa mga Kalihim ng Department of Health at ng Finance bilang mga ex-officio chairpersons ng Philhealth at SSS na suspindihin ang implementasyon ng nakatakdang pagtataas ng mga kabayaran sa kontribusyon sa panahon ng pambansang kagipitan, para sa kapakanan ng publiko kung kinakailangan.


Ang pagpasa ng naturang mga panukala ay tumagal lamang ng kulang sa isang buwan matapos na ihain ni Velasco ang dalawang panukala na inaasahang pakikinabangan ng may 30 milyong miyembro ng PhilHealth at 37.7 milyong miyembro ng SSS.

Free Counters
Free Counters