Tuesday, February 23, 2021

-PASADO NA SA KAMARA ANG EMERGENCY VACCINE PROCUREMENT BILL

Inaprubahan na kahapon sa Mababang Kapulungan sa pangatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 8648 o ang “Emergency Vaccine Procurement Act of 2021,” na nauna nang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang ‘urgent’.


Ang panukala ay inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, at ito ay inaprubahan sa botong 225, 0 negative at anim na abstensyon.


Kapag naging ganap na na batas, pahihintulutan ng panukala ang mabilisang pagbili at pagbabakuna para sa COVID-19, na magpapagaan sa mga rekisitos ng pagbili ng bakuna, ng mga lokal na pamahalaan.


Nakasaad din sa panukala na ililibre ang mga Local Government Units o LGUs mula sa import duties, buwis at iba pang mga kabayaran sa pagbili, pag-aangkat, pamamahagi, at administrasyon ng mga bakuna.


Magkakaroon ng kapangyarihan ang mga LGUs na direktang makabili ng mga bakuna, gayundin ang iba pang kagamitan at serbisyo, sa pinakamakatarungan, mura at mabilis na paraan.

Free Counters
Free Counters