Sunday, January 31, 2021

-HEALTH PROTOCOL SA KAMARA, PINAHIGPIT SA GITNA NG BAGONG TUKLAS NA VARIANT NG COVID-19

Kahit pa bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi nagpapa-kumpyansa ang Mababang Kapulungan laban sa coronavirus sa gitna ng bagong banta sa mas nakakahawang variant nito.


Sinabi ni House Secretary General Mark Leandro Mendoza na ang pagkakatuklas sa bagong variant ng COVID-19 ang nag-udyok kay Speaker Lord Allan Velasco na magpalabas ng kautusan sa mas mahigpit na pagpapatupad ng health at safety protocols sa loob ng Batasang Pambansa Complex sa Lungsog ng Quezon, kahit pa bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo sa Kapulungan sa ikatlong bahagi, batay sa resulta ng pangalawang malawakang pagsusuri na idinaos sa mga mambabatas at mga kawni ng Kamara, simula ika-18 hanggang ika-27 ng Enero ngayong taon.


Ayon kay Mendoza, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng coronavirus sa Kamara, subalit dahil sa bagong strain ay hindi natin ito ipagwawalang-bahala.


Idinagdag pa ng opisyal na sinabi umano Speaker Velasco na dapat ipagpatuloy at pag-ibayuhin ang pagsisikap ng Kamara na mahinto ang paglaganap ng COVID-19, lalo na ngayong kumakalat na sa bansa ang natuklasang bagong variant ng coronavirus.

Friday, January 29, 2021

-PAG-ALIS SA ECONOMIC RESTRICTIONS SA KONSTITUSYON, MALAKI ANG MAITUTULONG SA EKONOMIYA NG BANSA

Malaki ang maitutulong sa potensyal na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kapag inalis ang economic restrictions sa Konstitusyon.


Ito ang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez sa pagpapatuloy ng public hearing ng House Committee on Constitutional Amendments hinggil sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 2. 


Ayon kay Lopez maka-aakit ng maraming foreign investors ang bansa kapag inalis ang hadlang sa ekonomiya.


Aniya, kinilala ang ekonomiya ng bansa bilang pangalawa sa pinakamabilis sa pag-unlad ng ekonomiya sa Southeast Asia hanggang 2019 bago pa man tumama ang pandemiya, na umabot sa average growth na 6 percent para sa 14 na consecutive quarters.


Mas lalo pa aniyang lalago ang growth rates kung maaalis ang basic restrictions, gaya ng foreign ownership of businesses sa ilang sector na nakasaad sa Konstitusyon.


Bago pa ang pandemiya, sinabi ni Lopez na mayroon ng 90 investment leads, o serious investors ang DTI na nagpahayag ng kanilang kagustuhang mag-negosyo sa Pilipinas.

Thursday, January 28, 2021

-SENADO HINIMOK NI VELASCO NA MAGPASA RIN NG WASTE-TO-ENERGY BILL

Hinimok ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Senado na magpasa ng panukala na naglalayong gumamit ng teknolohiya ng waste-to-energy (WTE) upang malutas na ang matagal nang problema sa basura ng bansa.


Sinabi ni Velasco na panahon na upang ituring ng pamahalaan ang paggamit ng teknolohiya ng WTE sa pagtrato at pagdispatsa ng mga basura dahil darating ang araw na maraming tambakan sa bansa ang mapupuno na.


Punto pa ni Velasco na ang malaking bulto ng basura na ating itinatapon ay nagiging banta na sa mga tambakan, na kalaunan ay magdadala sa atin ng malaking suliranin sa basura. 


Bago daw ito mangyari ay dapat na tayong maghanap ng malinis na paraan na makakapagsustine sa pagtatapon natin ng basura, tulad ng WTE.


Nauna nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7829 o ang “Waste Treatment Technology Act” noong nakaraang Nobyembre 2020.

-PAGPAPALAWIG NG PROGRAMANG SAAD NG DA, TINALAKAY NG KOMITE

Sinimulan na ang deliberasyon sa kapsyahang nananawagan sa liderato ng Kamra de Representantes na palawigin ang implementasyon ng programa para sa Special Area for Agricultural Development o SAAD ng Kagawaran ng Agrikultura sa loob ng anim na taon mula 2023 hanggang 2028.


Sinabi ni Senior Vice Chairman at Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred delos Santos ng Committee on Rural Development sa kanyang pambungad na pananalita na nilalayon ng pagpapalawig na tugunan ang kahirapan sa mga kanayunan, batay sa House Resolution 1421.


Idinadagdag ng kinatawan na ang pagpapalawig ay alinsunod na rin sa pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang pinsalang idinulot ng mga nagdaang malalakas na bagyo – ang Quinta, Rolly at Ulysses.


Iniulat naman ni DA Special Area for Agricultural Development Director Myer Mula sa komite na ang kagawaran ay kasalukuyang nagdaraos ng program impact assessment na makukumpleto umano sa kalagitnaan ng taong 2021.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, January 26, 2021

-AMIYENDA SA HEIGHT EQUALITY ACT, PASADO NA

Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8261 o ang  'PNP, BFP, BJMP and BuCor Height Equality Act naglalayong babaan ang minimum height requirement para sa mga aplikante sa  Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at  Bureau of Corrections (BuCor).

Sa ilalim ng panukala, inaamyedahan ang  RA 6975 o ang "Department of the Innterior and Local Government Act of 1990", ang RA 9263 o ang “Bureau of Fire Protection and Bureau of Jail Management and Penology Professionalization Act of 2004 at ang RA 10575 o "Bureau of Corrections Act of 2013"

Nakasaad sa bill na  mula sa kasalukuyang 1.62 meters  ay ibaba sa 1.57 ang height requirement ng mga male applicants sa PNP, BFP, BJMP at BuCor habang  sa mga female  applicant ay ititakda na 1.52 meters mula sa kasalukuyang 1.57 meters naman para sa kababaihan.

Matatandaang sa mga nakaraang pagdinig ay naging paksa sa debate  ang pagkakaroon ng limit sa minimum height requirement na tinawag pa ng iba na isang discriminatory act. 

Samantala, sa  mga bansang tulad ng Estados Unidos, Ingglatera, Australia at New Zealand, ay inalis nila ang panuntunan sa sukat o tangkad at pinalitan nila ito ng ibang indicator tulad ng body mass index at physical aptitude test na mas mahusay na pamamaraan ng pagtaya sa kakayahan ng isang aplikante.

Monday, January 25, 2021

-MAGNA CARTA PARA SA MGA OUT-OF-SCHOOL-YOUTH, TINALAKAY SA KAMARA MULI

Pinahayag ni Manila City 

Rep. John Marvin Nieto na inaprubahan na sa Committe on Youth and Sports sa Kamara, ang pagsasama-sama ng mga panukala na bubuo sa Magna Carta of Out-of-School-Youths (OSY).


Ayon kay Nieto, chairman ng naturang komite na isang katulad na panukala ang inaprubahan na sa pangatlo at huling pagbasa at naipadala na sa Senado noong nakaraang 17th Congress.


Binanggit naman ni Cagayan de Oro Rep. at Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa pagdinig na ang doktrina ng katagang Latin na ‘Parens Patriae’, na ang kahulugan ay “tungkulin ng pamahalaan na tulungan at protektahan yaong mga hindi kayang tulungan ang kanilang mga sarili at yaong mga mahihirap.”


Dahil dito, iminungkahi ni Rodriguez ang pagtatatag ng Commission for OSYs, imbes na advisory council para sa OSYs sa mungkahing pagsasabatas.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Sunday, January 24, 2021

-MAMAMAYAN AT HINDI KONGRESO ANG MAGPAPASYA SA PAG-AMIYENDA NG KONSTITUSYON—GARBIN

Sa kamay ng mga mamamayan nakasalalay ang pagpapasya sa pag-aamiyenda sa Saligang Batas, ito ay ayon sa Chairman ng Committee on Constitutional Amendments sa Kamara de Representantes, na kasalulukuyang nagdaraos ng pagdinig sa mga panukalang amiyenda sa mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon.

Ayon kay AKO Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., dapat lamang maunawaan ng publiko na sa pinal na pag-aanalisa, ang taumbayan naman talaga ang may pagmamay-ari ng Konstitusyon, dahil kahit na anupaman ang aprubahan sa Komite at sa plenaryo, ay mananatiling panukala lamang ang mga ito hangga’t hindi ito niraratipikahan ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng plebisitong ipatatawag para sa naturang layunin.


Dagdag pa ni Garbin kung hindi naman naratipikahan, wala rin daw mangyayari doon sa mga panukala dahil mananatili lamang itong panukala.


Binigyang diin ng Chairman ng Komite na ang panukalang amiyenda sa Konstitusyon ay limitado lamang sa mga probisyon sa ekonomiya na nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 2.


Nilinaw ng mambabatas na kapag naratipikahan na ang amiyenda sa Konstitusyon ay hindi ito magreresulta sa otomatikong pagpapagaan ng mga paghihigpit sa ekonomiya, kundi igagagawad sa susunod na Kongreso, o sa 19th Congress, ang kalayaan na magsabatas na tutugon sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Thursday, January 21, 2021

-PABOR SA PILIPINAS ANG PAGKA-PANALO NI BIDEN BILANG PRESIDENTE NG US AYON SA DALAWANG KONGRESISTA

Makabubuti para sa Pilipinas ang pagkapanalo ni  US President Joseph Biden Jr. bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos. 


Ayon kina AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr at Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, ngayong si Biden na ang Pangulo ng Amerika ay umaasa silang  huhusay ang foreign policy ng US para sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya .


Ito ay sa kadahilanang  prayoridad anila sa agenda ni Biden ang environment, anti-corruption, kalakalan, agham, teknolohiya, at governance. 


Samantala, naniniwala naman si Garbin na magkakaroon din ng mas malaking tsansa na makapagtrabaho sa Amerika ang maraming mga  health professionals lalo na ngayong panahon ng pandemya. 


Hiling naman  Fortun sana  hindi lamang hanggang salita ang mga adbokasiya na ito ng adminstrasyon  ni Biden kundi ang maihatid ang mga makabuluhan at kongrektong hakbang na makatutulong sa ibang mga bansa tulad  ng Pilipinas.

-PAGKUKULANG SA COVID-19 VACCINATION PLAN NG PAMAHALAAN, TUTULUNGAN NG KAMARA

Nagpahayag ng kahandaan ang Kamara de Representantes na punan ang mga pagkukulang” sa COVID 19 vaccination plan ng pamahalaan.

Sinabi ni Bataan Rep. Jose Enrique Garcia III na ang ginanap na paunang pagdinig ng House Committee on Health kaugnay sa COVID 19 vaccination  plan ng gobyerno  noong  lunes  ay hindi lamang nakapagdulot ng sapat na impormasyon sa kahalagahan ng programa sa bakuna, kundi nailabas din dito ang mga kakulangan na dapat punan. 

Dagdag pa ng kongresista,  na siya ring Vice Chairman ng komite ay kanilang sinisikap na makuha ang inventory  sa vaccination plan para malaman  kung ano pa ang mga gaps na kailangang punan. 

Una nang sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na kanilang titiyakin na ang bilyon-bilyong halaga na inilaan para sa bakuna ay magagamit para sa pinaka-epektibo at pinakaligtas na bakuna laban sa virus.

Tuesday, January 19, 2021

-GAGAMPANAN PA RIN NIYA ANG KANYANG ATAS BILANG MAMBABATAS KAHIT INALIS SIYA SA KOMITE AYON SA ISANG KINATAWAN

Sinabi ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na ipagpapatuloy at gagampanan pa rin niya ang kanyang tungkulin bilang mambabatas kahit na inalis siya bilang vice chair ng ilang mahahalagang komite sa dahilang halal siya ng taumbayan.


Ayon kay Defensor hindi nasusukat sa titulo, pangalan at posisyon ang serbisyong ibinibigay sa taumbayan.


Masaya daw siya sa mga trabahong naisagawa niya habang Vice Chair ng Committees on Health, on Good Government and Public Accountability, on Dangerous Drugs, on Public Information, at on Strategic Intelligence. 


Si Defensor pa rin ang Vice Chair ng Committees on Legislative Franchises at Welfare of Children, subalit inaasahan din niyang aalisin siya sa pwesto sa darating na mga araw.


Inakusahan ni Defensor si Speaker Lord Allan Velasco sa kakulangan nito ng kaukulang kaalaman at pamumuno upang tahakin ang tamang direksyon ng Kamara.

-MEDIA WORKERS WELFARE ACT, PASADO NA SA KAMARA

Pasado na sa third and final reading Kamara de Representantes ang House Bill No. 8140 o ang Media Workers Welfare Act na inakda ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran.


Inoobliga ng panukala ang makatarungang pagpapasahod, hazard at overtime pay, insurance at lahat ng benepisyo para sa media workers.


Kasama rin ang pagbibigay ng security of tenure, SSS, PAGIBIG, at Philhealth coverage ang maging mandatory na rin, batay sa panukala.


Pinabibigyan din ng karagdagang insurance ang media workers na ₱200,000 death benefits at P200,000 disability benefits, at P100,000 medical insurance benefits.


Tiwala si Rep. Taduran na mabibigyan na ang lahat ng manggagawa sa media ng karampatang proteksyon at seguridad sa kanilang trabaho.

-MGA COMELEC PERSONNEL, PINASASAMA SA COVID-19 VACCINATION PRIORITY LIST

 Pinasasama ni Ako-Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. sa priorty list ng mga mababakunahan kontra COVID 19 ang lahat ng kawani ng Commission on Elections o Comelec. 


Ayon kay Garbin, sa pamamagitan nito ay  mahihikayat ang karamihan  partikular ang milyon-milyong kabataang botante at dormant voters na magparehistro  at bumoto sa susunod halalan. 


Sinabi pa ng mambabatas  dapat din aniya na sikapin ng gobyerno na makapagsagawa  ng nationwide vaccination program bago sumapit ang  April 2022 upang masiguro na ligtas ang gaganaping halaan sa  Mayo dos mil bente dos ( 2022). 


Kaugnay nito ay hindi rin pinalagpas ni Garbin ang naging suhestyon ng isang DILG official na limitihan lamang ng mga LGUs ang kanilang COVID 19 vaccination program sa kalahati ng populasyon ng kanilang  nasasakupan dahil hindi aniya ligtas ang lahat  sa sakit  kung hindi lahat mababakunahan.

Monday, January 18, 2021

-HALAGA NG BAKUNA AT PAGKAKAROON NG SUPLAY NITO, AALAMIN NG KAMARA

Nais ng House Committee on Health na alamin sa Lunes, sa idaraos na public hearing nito  hinggil sa pagbabakuna ng pamahalaan para sa COVID-19, ang tunay na halaga ng mga binibiling bakuna, kabilang na ang pagkakaroon ng suplay nito na mabibili para sa mga mamamayan.


Sinabi ni Committee Chair at Quezon Rep. Angelina Tan na aalamin ng Komite ang tunay na halaga ng mga bakuna sa isang executive session, dahil aniya sa ipinahayag ng mga opisyal na may umiiral na kasunduan na lihim ang pag-uusap sa pagitan nila ng mga gumagawa ng bakuna.


Mayroon kasing mga ulat na ang bakunang gawa ng Sinovac ay mas murang nabili ng Indonesia, kesa sa halagang iniulat na pagkakabili nito ng Pilipinas.


Sinabi ni Tan na mahalaga umanong malaman nila kung ang mga binibiling bakuna ay wasto ang halaga, at kung ligtas at epektibo ba ang mga ito.


Nais din nila umanong alamin kung ang mga Pilipino ba ay may karapatang pumili at bumili ng sarili niya at mas gusto niyang bakuna sa sarili niyang pera, at kung magkano ang mga ito kung ito ang kanilang pipiliin.

-BALIK-SESYON NA ANG KAMARA, PRAYORIDAD ANG BAKUNA SA COVID SA AGENDA

Balik-sesyon na ang Kamara de Representantes ngayon at nangunguna sa agenda ang mga panukala na may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 tulad ng bakuna.


Layon ding pabilisin ang pag-apruba sa 34 na priority measures, kabilang na ang dalawang panukala ni House Speaker Lord Allan Velasco, na maggagawad ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na isuspindi ang nakatakdang pagtataas ng kabayaran sa kontribusyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS) sa panahon ng pambansang kagipitan.


Nauna nang inatasan ni Velasco ang Committee on Health sa Kamara na simulan ang pagdinig sa pambansang COVID-19 Vaccine Roadmap, at ang pagka-epektibo ng mga bakuna na nakatakdang ipairal sa buong bansa.


Nais ng pinuno ng Kamara na matiyak na ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa pagbabakuna ay magagamit ng wasto sa pagbili ng mga pinaka-epektibo at pinakaligtas na bakuna laban sa COVID-19.


Matatandang na naglaan ng P72.5-bilyon ang Kongreso para sa pambili, pag-iimbak, transportasyon at pamamahagi ng bakuna para sa COVID-19, sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong ika-28 ng Disyembre 2020.

Friday, January 15, 2021

-MANIPESTO NG SUPORTA SA PANAWAGAN NI SPEAKER VELASCO NA AMIYEDAHAN ANG IILANG PROBISYONG PANG-EKONOMIYA NG KONTITUSYON, NILAGDAAN NG MGA LIDER NG KAMARA

Lumagda ang iba’t ibang lider ng mga partido politikal sa Kamara de Representantes sa isang manipesto na sumusuporta sa panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na pagaanin ang mga probisyong pang-ekonomiya sa 1987 Saligang Batas upang tulungan ang bansa na makaahon sa pananalasang idinulot ng pandemya sanhi ng coronavirus.


Sa naturang manipesto, nangako ang mga lider ng Kamara na kanilang tatalakayin sa deliberasyon ang mga probisyong pang-ekonomiya lamang na nakasaad sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 na inihain ni Velasco na kasalukuyan ngayong tinatalakay sa Komite ng Constitutional Amendments sa Kamara.


Ang mga lider ng ibat ibang partido politikal sa Kamara na lumagda sa manipeto ay sina Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez para sa Lakas-NUCD, Deputy Speaker at Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon para sa Nationalist People’s Coalition


Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers para sa Nacionalista Party, Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. para sa National Unity Party, Davao City Rep. Isidro Ungab para sa Hugpong Pagbabago, Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael Romero para sa Party-list Coalition Foundation, Inc., at Aurora Rep. Rommel Rico Angara para sa independent bloc.


Ayon sa mga lider, mananatiling naninindigan sila sa kanilang posisyon na kapag ipinanukala na ng Kongreso ang amyenda sa 34 na taong-gulang na Saligang Batas, ay magkahiwalay na pagbobotohan ito ng Mababang Kapulungan at ng Senado.


Ang panukalang amiyenda ay isusumite sa sambayanan para sa ratipikasyon, kasabay ng pambansang halalan na idaraos sa Mayo 2022, anila.

Sunday, January 10, 2021

-DELIBERASYON SA PAG-AMIYENDA SA MGA MAHIHIGPIT NA PROBISYON SA KONSTITUSYON, SISIMULAN NA—VELASCO

Ipinahayag kahapon (10 Jan) ni House Speaker Lord Allan Velasco na inutusan na niya ang Committee on Constitutional Amendments sa Kamara na buksan at simulan na ang deliberasyon sa pag-amiyenda sa mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya na nakasaad sa ilalim ng 1987 Constitution batay sa Resolution of Both Houses (RBH) 2 na kanyang inihain.


Sinabi ni Speaker Velasco na noong inihain niya ang RBH 2 noong July 2019 ay tinatahak umano ng ating bansa ang landas upang tayo ay maging isa sa pinaka-maunlad na ekonomiya sa rehiyon ng Asya kung kaya’t ginawaran ng World Bank ang Pilipinas ng pagtaya na 6.6% na pag-unlad ng ating GDP o gross domestic product para sa taong 2020 at 2021.


Ayon sa kanya, layunin ng kanyang RBH 2 na pagaanin at paluwagin ang mga mahihigpit na probisyon sa ekonomiya ng ating Saligang Batas na nagiging sagabal upang tayo ay magkaroon ng ganap na kakayahan na makipag-kumpitensya sa ating mga kapit-bansa sa Asya.


Kaya hiniling umano niya na amiyendahan ang mga seksyon ng National Patrimony and Economy, sa Education, Science and Technology, sa Arts, Culture and Sports at sa General Provisions ng Konstitusyon at idaragdag ang mga katagang “unless otherwise provided by law.”


Ang pagdaragdag ng mga katagang ito ay magpapahintulot umano sa Kongreso na magsabatas na paluwagin ang ekonomiya para sa mga dayuhang mamumuhunan at pairalin ang status quo.


Napakalaki daw ng ginagampanang papel ng dayuhang pamumuhunan sa ekonomiya ng bansa dahil magdudulot ito ng mahalagang suporta sa mga lokal na trabaho at kabuhayan, at ang pagtatatag ng mga pisikal at puhunang karunungan sa iba’t ibang industriya.



Ugnayan sa Batasan


Magandang araw sa lahat at welcome sa ating weekly media briefing, Ugnayan sa Batasan.


Ang ating pag-uusapan ngayong araw ay ang pagtalakay ng Kongreso sa Resolution of Both Houses Number 2, o RBH 2, ni Speaker Lord Allan Velasco na naglalayong amyendahan ang restrictive economic provision ng ating Saligang Batas. Pag-uusapan din natin ang iba pang legislative agenda ng Kongreso ngayong taon.


Ang ating mga panauhin ngayong araw ay si Deputy Speaker at Oriental MIndoro 1st District Representative Salvador “Doy” Leachon at Rizal 1st District Representative Congressman MIchael John Duavit.


Magandang araw, mga Cong.

Thursday, January 07, 2021

-IMBISTEGASYON SA PAGPUSLIT NG ANTI-COVID19 VACCINE SA BANSA, DAPAT I-FOCUS SA SMUGGLER AT MGA KASABWAT NITO SA BOC—BARBERS

Inudyok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga nag-iimbestiga na bigyang prayoridad at ituon ang kanilang pagsisiyasat sa pag-identify at pag-prosecute sa smuggler at ang kanyang mga kasabwat sa Bureau of Customs o BoC sa pag-puslit ng hindi rehistradong China-made anti-Covid19 vaccines na kasalukuyang ibinibenta sa drug market ng bansa.


Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang smuggler ng diumano’y isang Chinese-state-owned pharmaceutical company ay maaaring siya rin ang napaulat na nag-donate ng naturang gamot sa may 300 mga miyembro ng Presidential Security Group PSG na diumano’y binakunahan nito.


Ayon kay Barbers, ang National Bureau of Investigation NBI na siyang investigating arm ng Department of Justice DOJ ay dapat mag-focus sa kanilang imbistegasyon sa pagtukoy at pag-usig sa smuggler at mga BOC cohorts nito na nag-puslit ng Sinopharm vaccines sa bansa.


Kung matukoy na ng NBI ang tunay na sirkumstansiya sa likod ng illigal na importasyon ng bakuna, malamang ay merong mga tao na kumita ng limpak-limpak na salapi at naloko ang sambayanan at ang pamahalaan sa gitna ng pandemya na ating kinakaharap sa kasalukuyan.


Sa parte naman ng PSG, pinapurihan ni Barbers ang naging pasya nito na magpa-bakuna ang mga ito bilang mga frontliner sa pag-secure at safety ng Presidente sa posibleng pagka-hawa nito sa Covid-19.

-INISYATIBONG CHARTER CHANGE, HINDI UUBRA NGAYONG PANDEMYA, AYON KAY DEFENSOR

Iginiit ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na hindi uubra ang pagsusulong ng Charter Change o Cha-cha ngayong panahon ng pandemya.


Ang reaksyon ay ginawa ni  Defensor matapos magpahayag ng pagsusulong ng Cha-cha sina Senators Ronald dela Rosa at Francis Tolentino sa Mababang Kapulungan.


Nais kasi ng dalawang senador na amiyendahan ang democratic representation at economic provisions ng 1987 constitution.


Ayon kay Defensor, suportado niya ang hakbang ngunit nakikita daw niya na pahirapan ang pagpasa nito dahil sa hamong dala sa pamahalaan ng COVID-19 pandemic.


Tingin ni Defensor na magkakaroon ng impresyon ang mga mamamayan na insensitive sa paghihirap ng taumbayan ang kongreso at lalabas na arogante silang mga opisyal kung ipipiliit ang Cha-cha.


Diin ng kongresista, hindi Cha-cha ang solusyon sa epekto ng pandemya sa ekonomiya  ng bansa.


Matatandaang nais din ng liderato ng Kamara na isulong ang economic provisions sa kasalukuyang saligang batas lalo na ang foreign ownership sa lupa at mga negosyo sa bansa para makahihayat pa ng mas maraming investors.

-PAGPAPALIBAN NG CONTRIBUTION INCREASE NG SSS AT PHILHEATH ISINUSULONG NI SPEAKER VELASCO

Naghain ng dalawang panukalang batas ngayong umaga si House Speaker Lord Allan Velasco para ipagpaliban ang contribution hike sa SSS at Philhealth ngayong taon.


Ang nakatakdang increase ay nakasaad sa charter ng SSS at sa Universal Health Care law kung saan ang Philhealth ang implementing insurance agency.


Sa ilalim dalawang panukala, bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para suspendihin ang rate increase sa premium contributions sa dalawang tanggapan.


Ayon kay Velasco, ang hakbang ay bilang tulong sa lahat ng miyembro ng SSS at Philhealth na naghihirap ang kabuhayan dahil sa pandemya.


Ani Velasco, hindi akma sa mga panahong ito ang umento sa kontribusyon.


Dahil ang house speaker mismo ang naghain ng panukala, asahan ang mabilis na tugon dito ng Kamara.




-End

-DATING MINDORO REP. REYNALDO UMALI, PUMANAW NA

Sumakabilang buhay na si dating Mindoro Rep Reynaldo Umali sa edad na 63. 

Ito ay ayon sa kanyang kapatid na si Oriental Mindoro 2nd District Rep. Alfonso "Boy" Umali Jr.


Aniya, kaninang alas otso ng umaga pumanaw ang kanyang kapatid sa St. Luke's sa BGC, Taguig dahil sa cardiac arrest.


Subalit nauna nang tinamaan ng COVID-19 ang dating kongresista disyembre pa noong nakaraang taon at naging malubha ang kaniyang kalagayan.


Ito ay ayon sa kanyang kapatid na si Oriental Mindoro 2nd District Rep. Alfonso "Boy" Umali Jr.


Aniya, kaninang alas otso ng umaga pumanaw ang kanyang kapatid sa St. Luke's sa BGC, Taguig dahil sa cardiac arrest.


Subalit nauna nang tinamaan ng COVID-19 ang dating kongresista disyembre pa noong nakaraang taon at naging malubha ang kaniyang kalagayan.

Wednesday, January 06, 2021

-KATOTOHANAN AT HUSTISYA PARA KAY CHRISTINE DACERA, PANAWAGAN NG ACT-CIS

Nanawagan si ACT-CIS Partylist Rep Rowena Niña Taduran sa lahat ng posibleng may alam o kinalaman sa pagkamatay ni Christine Angelica Dacera na lumabas na. 


Ito ay kasabay ng pag-anunsyo ng kapwa ACT-CIS Rep na si Eric Yap na magbibigay siya ng ₱100, 000 na pabuya sa ika-aaresto ng siyam na iba pang suspek sa pagkamatay ni Dacera. 


Kinondena ni Taduran, isang anti-crime advocate, ang brutal na pagkamatay ng 23 anyos na flight attendant makaraang matagpuan ng mga otoridad na mayroon itong mahabang sugat, mga bugbog at pasa at semilya ng lalaki na ebidensiya ng sexual contact sa isang hotel sa Makati noong Bagong Taon. 


Nanawagan din ang mambabatas sa mga netizen na ihinto ang paninisi sa biktima sa nangyari rito. 

Tuesday, January 05, 2021

-MAGRE-REFILE SI VILMA SANTOS-RECTO NG PANIBAGONG FRANCHISE PARA SA ABS-CBN SA KAMARA

Nagpahayag si Batangas Rep Vilma Santos-Recto kamakalawa (Jan 4) na mag-refile siya ng panukalang batas na maglalayong magbigay ng isang panibagong prangkisa sa ABS-CBN ng dalawampu’t-limang taon matapos mag-expire ang lisensiya nito at maibasura ng isang panel ng Kamara de Representantes ang aplikasyon para sa panibagong prangkisa nito noong nakaraang taon.


Ito ay matapos maghain si Senate President Vicente Sotto III ng SB 196 na may layuning maggawad ng isang panibagong lisensiya sa ABS-CBN na makapag-operate ng television at radio broadcasting stations nito.


Sinabi ni Santos-Recto na kailangan natin ito upang makapap-umpisa na tayo sa ating rebuilding effort ng ating akonomiya.


Sa pamamagitan ng panukalang ito, aasahan umano natin na ito at makakatulong na mai-promote ang healthy competition sa mga network sa bansa.


Umaasa siya na maaaktuhan kaagad ng Committee on Rules ng Senado ang panukala ni Sotto upang ito ay maipasa na sa Legislative Franchise Committee sa lalong madaling panahon.

-PAGSUSPINDE NI PANGULONG DUTERTE SA PAGTATAAS NG KONTRIBUSYON SA PHILHEALTH, PINAPURIHAN NG KAMARA

Pinupurihan ni House Speaker Lord Allan Velasco si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagsuspinde nito sa pagtataas sa kontribusyon ng PhilHealth sa gitna ng krisis sa COVID-19.


Sinabi ni Speaker Velasco na muling pinatunayan na naman ng ating Pangulo ang kanyang tapat at tunay na pagmamalasakit para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino lalo na sa panahong ito ng pandemya.


Ayon sa lider ng kapulungan na ang Kamara de Representantes ng Kongreso ay nakahandang repasuhin ang Universal Health Care Act at ang Implementing Rules and Regulations nito, lalo na ang mga probisyon na nagtataas sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth.


Kaugnay nito, nanawagan si Velasco sa PhilHealth at sa Department of Health na makipagtulungan sa Kongreso upang matiyak na ang ating mga mamamayan at mga masisipag na Pilipino ay hindi na mahihirapan pa sa anumang bayarin, habang tayo ay nakikipaglaban sa pandemya.

-DAPAT I-ENCOURAGE NI VELASCO ANG MGA PAGSISIYASAT, HINDI ANG PAGPAHINTO NG MGA ITO—DEFENSOR

Sinabi kahapon (4 Jan) ni Anakalusugan Rep Mike Defensor na dapat i-encourage ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagsagawa ng mga imbistigasyon sa Kamara de Representantes kaysa sa ihinto ang mga ito.


Ito ay matapos isiwalat, kahit walang pang sapat na ebidensiya, ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga pangalan ng mambabatas na kasama sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission PACC na nagbanggit sa iilan ding government officials na diumano ay sangkot sa katiwalian.


Matatandaang ang anunsiyo ng Pangulo ay ang nag-udyok ng mga panawagang imbistigasyon sa mga lawmaker na kabilang sa tala.


Ayon kay Defensor, tila umiiwas yata si Velasco sa mga pagsisiyasat ng kanyang sinabi na nauna na niyang hiniling ang imbistigasyon, noon Oktubre pa ng nakaraang taon, ang hinggil sa ibat ibang mga isyu, kagaya ng tower sharing ng mga telecommunication company at ang paglilinaw sa mga palisiya kaugnay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth SALN.


Ngunit, ayon kay Defensor, humiling umano si Velasco sa kanya na ipagpaliban muna ang mga hearing sa Enero ngayong taon.


Matatandaang nagsilbe si Defensor bilang chairperson ng 

House committee on public accounts noong panahon ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ngunit ito ay sinibak ni Velasco sa kanyang posisyon noong December 2020.

-AIRLINE COMPANIES, HINIMOK NA BOLUNTARYONG IPATIGIL ANG BIYAHE SA UK

Hinimok ni BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co ang lahat ng airlines, na may direkta at connecting flights papunta at mula United Kingdom, na boluntaryong itigil ang kanilang mga biyahe.


Ito ay bunsod na rin ng pagkakadiskubre at pagkalat ng bagong variant ng COVID-19, na 70 percent na mas mabilis makapanghawa.


Sinabi ni Co na dapat masakop ng travel ban mula sa United Kingdom ang lahat ng airlines at lahat ng pasahero na galing UK, kabilang ang mga Pilipino para sa kapakanan ng mga pasahero at maging ng kanilang mga crew.


Naniniwala din ang mambabatas, na may moral responsibility ang bansa na pigilang bumiyahe ang mga posibleng carrier ng COVID-19 virus mula sa Pilipinas.


Sa kasalukuyan, batay sa ulat ng UK officials, hindi bababa sa 1,000 bagong kaso ng bagong variant ang naitala sa England.

Monday, January 04, 2021

-KARAPATAN NG BAWAT BUMIBIYAHENG MAMAMAYAN, ISINUSULONG SA KAMARA

Pinahayag ni DUMPER PTDA partylist Rep Claudine Diana Bautista na siya, bilang isang masugid na taga suporta ng transport sector, ikinalulungkot daw niya ang pangyayari sa nasunog na bus kamakalawa, ika-3 ng Enero ng taong kasalukuyan, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City, na humantong sa pagkamatay ng dalawang katao, isang pasahero at ang konduktora ng bus.


Dahil dito, nakiusap si Bautista na patuloy itong imbestigahan ng mga oturidad upang malaman ang puno’t dulo ng insidenteng ito.


Pinayuhan ng mambabatas ang mga mamamayan na iwasan ang makipag alitan sa mga taong hindi nila kilala upang makaiwas sa anumang aksidente at mas mainam, dagdag pa niya, na ipagbigay alam na lamang sa mga otoridad kung mayroong hindi pagkakaunawaan.


Kaugnay nito, sinabi ni Bautista na siya ay naghain ng HB05992 na kilalaning Magna Carta of Commuters na may layuning magbibigay ng karapatan para sa kaligtasan ng bawat mamamayang bumibiyahe at kaseguruhang walang sinumang pasahero ang tumatayo at maglalakad sa loob ng sasakyan habang ito ay umaandar. 

-BOLUNTARYONG PAGPAPAHINTO NG BIYAHE SA UNITED KINGDOM, IPINANAWAGAN SA MGA AIRLINE COMPANY SA KAMARA

Nanawagan si BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co sa lahat ng mga airlines companies  sa bansa na boluntaryong ipatigil na ang kanilang mga byahe papasok at palabas  ng United Kingdom o UK. 


Ginawa ni Co  ang pahayag kasunod narin NG pagkalat sa UK ng bagong variant ng COVID-19 na  70 porsyentong mas mabilis na nakakahawa. 


Ayon kay Co, dapat masakop ng travel ban mula sa United Kingdom ang lahat ng airlines at lahat ng pasahero na galing UK, kabilang ang mga Pilipino, para sa kapakanan ng mga pasahero at maging ng kanilang mga crew. 


Giit pa ng mambabatas  mayroon din aniyang  moral responsibility ang bansa na pigilang bumiyahe ang mga posibleng carrier ng COVID-19 virus mula sa Pilipinas. 


Sa ngayon ay pumalo na sa  hindi bababa sa 1,000 ang naitatalang kaso ng  bagong COVID 19 variant  sa England batay sa pinakuhuling datos ng UK officials.

Free Counters
Free Counters