Monday, April 24, 2017

Dagdag sa mga trial court, inaksyunan ng House

Tinalakay ng House sub-committee on Judicial Reforms ang mga panukalang batas na may layuning lumikha ng karagdagang Regional Trial Courts (RTC) sa iba’t ibang panig ng bansa para mapabuti ang pangangasiwa at pag-usad ng hustisya.

Sa deliberasyon ng sab-komite na pinamunuan ni Letyte Rep Vicente Veloso, pinahayag nito ang kahalagahan na dapat matugunan ang kakulangan ng mga court salas na isa sa pangunahing problema ng hudikatura.

Binigyang-diin ni Veloso, dating Court of Appeals Justice, ang kakulangan sa bilang ng trial courts ang nagiging sanhi ng pagka-antala sa resolusyon o hatol sa mga kaso.

Kasama sa paunang pagtalakay ng sub-committee ang HB00652, na may layuning maglikha ng karagdagang sangay ng Regional Trial Court (RTC), isang Municipal Trial Court (MTC), at isang Municipal Circuit Trial Court (MCTC) sa Misamis Occidental na iniakda  ni Misamis Oriental Rep Henry Oaminal at paglikha ng karagdagang sangay ng RTC sa Mountain Province, na nakapaloob sa HB00285 na ipinanukala ni Mountain Province Rep Maximo Dalog.

Samantala, ang HB03492 na akda ni Pambpanga Rep Juan Pablo Bondoc ay layong maglikha ng tatlong sangay ng RTC sa Pampanga at HB03565 ni Zamboanga City Rep Manuel Jose Dalipe at HB03749 ni Zamboanga City Rep Celso Lobregat na parehong maglilikha ng apat na sangay ng RTC sa Zamboanga City.

Ayon kay Oaminal, ang chairman ng Sub-committee on Correctional Reforms, layon ng HB00652 na maibsan ang pasanin ng mga korte at  magpapabilis ang resolusyon ng mga kaso. Layunin ng panukala na maglikha ng karagdagang sangay ng RTC sa Ozamis City; ang gawing MTC ng Clarin ang  MCTC na binubuo sa kasalukuyan ng Munisipalidad sa Clarin at Tudela; at ang pagtatag ng isang MCTC sakop ang mga munisipyo ng Sinacaban at Tudela, sa ikalawang distrito ng Misamis Occidental.

Ayon kay Oaminal masikip na ang mga docket at na-aantala ang resolusyon ng mga kaso dahil na rin sa pagtaas ng bilang krimen at inihaing kasong legal.

Ayon sa mambabatas ang kanyang panukala ay alinsunod sa panuntunan ng estado na magbigay ng epektibong mekanismo para sa pamamahala ng hustisya.

Ipinaliwanag naman ni Dalog na ang kanyang HB00286 na layong maglikha ng karagdagang sangay ng RTC sa munisipalidad ng Paracelis, Mountain Province ay tiyak na tutugun  sa mga usaping kawalan  ng hustisya at pagkapantay-pantay dahil na rin sa kalayuan ng  pinakamalapit na RTC. Ayon sa kanya, kailangan pang bumiyahe  ng mahigit 10 oras ang may-usapin sa kaso mula sa Paracelis, daraan sa mga probinsya ng Ifugao, Isabela, at Nueva Vizcaya para lamang makadalo sa pagdinig sa Bontoc, Mountain Province kung saan naroroon ang korte.

Dahil sa kalayuan ng byahe at gastusin ay nabibigong makapunta sa RTC sa Bontoc ang mga nagrereklamo at mga testigo na nagiging  dahilan ng pagka-dismiss ng karamihan sa mga kaso ayon kay Rep Dalog.

Sa kanyang HB03492, sinabi ni Deputy Speaker Bondoc, layon nito na maglikha ng tatlong sangay ng RTC sa Macabebe, Pampanga. Pakay nito na mapabuti ang pagpasya at pangangasiwa ng hustisya, tiyakin ang karapatan ng akusado sa mabilis na pag usad ng hustisya at pagtaguyod ng mahusay na serbisyo publiko.

Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang maglikha ng karagdagang korte dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kasong inihahain sa korte.
Free Counters
Free Counters