Pinangunahan ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagsusulong ng panukalang Filipino Volunteerism in National Building (VNB) Act,” na may layuning mag-aahon sa bansa Pilipinas mula sa labis na kahirapan sa taong 2024.
Sinabi ni Belmonte na sa ilalim ng HB04374 na inihain ng mga makabayang mambabatas, hindi umano madali ang hangaring ito subalit magagawa daw na mapaunlad ang bawat mamamayang Pilipino at maging tagapagtaguyod ng bansa.
Ayon sa kanya, ang hamon ay tugon sa napakataas umano na antas ng kahirapan na umaabot sa 26 porsiyento, katumbas ng 34 porsiyento ng populasyon na walang trabaho, at pambansang utang na umabot sa 325 bilyon piso sa pagtatapos ng taong 2010 na may negatibong epekto sa anumang programang kasalukuyang ipinatutupad upang maiangat ang antas ng pamumuhay.
Layunin ng HB04374 na hikayatin ang pribadong sektor na tulungan at suportahan ang pamahalaan, imbes na tumuligsa, upang maibalik ang pagtitiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pakikipag-uganayan at pakikipagtulungan ng pribadong sektor, at ang pagsasaisantabi ng usaping pulitika, relihiyon, ideolohiya at paniniwala, at kumpitensya sa negosyo.
Nakatakda ng balangkasin ng Committee on People’s Participation, na pinamumunuan ni Manila Rep Benjamin Asilo ang unang pagdinig hinggil sa usapin sa ika-11 ng Mayo, dalawang araw matapos ang muling pagbabalik ng regular na sesyon ng Kamara.
Ginagarantiya ng Saligang Batas at ng Local Government Code ang mahalagang tungkulin ng sambayanan, mga NGO o non-government organization, volunteer groups at people’s organizations ang paggamit ng limitadong likas-yaman sa pakikibaka laban sa kahirapan at iba pang suliraning panglipunan.
Inihalimbawa ni Belmonte na sa Pilipinas ay ipinatutupad ang programang GK o Gawad Kalinga na naglalayong paigtingin ang socio-economic-political frontiers sa pamamagitan ng kakaibang sistema na tinawag na Social Engineering, kahalintulad ng tradisyong Pinoy na bayanihan o pagboboluntaryo na may kasamang kalinga, na maiuugat natin mula sa ating mga ninuno.
Ang GK ay isa na ngayong Asian Model of Development at naging sanhi ng converging point for multi-sectoral partnerships at Template for Good Governance dahil sa pagtataguyod ng mga komunidad sa pamamagitan ng proyektong pabahay at imprastraktura, pangangalaga sa kalusugan ng mga kabataan at nagdadalang-tao, edukasyon ng mga kabataan, samut-saring kabuhayan at pamuhunan, sapat na pagkain, pantay na karapatan ng kasarian at kapangyarihan ng kababaihan, pagsusulong ng kapayapaan, kultura, turismong pangkalikasan at pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.
Kasama ng Speaker sa nagtataguyod ng HB04374 sina Reps. Freddie Tinga, Neptali Gonzales II, Rufus Rodriguez, Rodolfo Valencia, Juan Edgardo Angara, Hermilando Mandanas, Deputy Speakers Raul Daza, Jesus Crispin Remulla and Ma. Isabel Climaco, Minority Leader Edcel Lagman, Reps. Lucy Torres-Gomez, Winston Castelo, Henedina Abad, Amado Bagatsing, Jorge John Banal Jr, Bernadette Herrera-Dy at Fatima Aliah Dimaporo.