* Bahagi ng real property taxes, mapapakinabangan na ng LGUs
Sinabi ni Negros Oeiwntal Rep George Arnaiz, chairman ng ways and means committee, bumuo na sila ng isang technical committee na siyang magsasagawa ng masusing pag-aaral hinggil sa panukala na isinumite ni Cebu Rep Pablo John Garcia.
Sa nakaraang pagdinig ng komite ni Arnaiz hinggil sa HB02000 ni Garcia, iminungkahi ni Arnaiz na magkaisa ang lahat ng mga lokal na pamahalaan upang magkaroon sila ng mas mataas na bahagi ng internal revenue allotments.
Iminungkahi naman ni Batangas Rep Hermilando Mandanas ang pagpapalit ng pamamahagi ng shares ng buwis ng mga LGU o dili kaya naman ay ang pagpapalit ng klasipikasyon ng mga lungsod.
Ayon kay Garcia, kailangan munang pag-aralan ang suhestiyon hinggil sa component cities upang matukoy kung ano ang magiging epekto dito dahil nakasaad umano sa Local Government Code na hindi ito maaaring makibahagi sa real property taxes na kinukulekta ng lalawigang sumasakop dito.
Idinagdag pa ni Garcia na ang mga component city ay hindi kasama sa pinapasan ng national government sa pamamagitan ng pagbubuwis kahit na sila ay may karapatang bumuto kapag may mga halalan para sa mga provincial positions.
Paliwanag pa ni Garcia na sa kasalukuyang sitwasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng bahagi ng component cities sa buwis mula sa real property sa mga lalawigang kinasasakupan nito dahil hindi naman naaalis sa lalawigang kinasasakupan nito ang obligasyong panatilihing maayos ang mga kalsada sa loob ng mga component city at maging ang pagtulong sa mga barangay na nasasakupan nito.
Ayon pa sa kanya, dapat ay pantay na nakakatanggap ng bahagi o porsiyento ang mga probinsiya at maging ang mga munisipalidad dahil napakaliit ng kanilang kita upang matugunan ang kanilang pangangailangan samantalang nakaatang pa rin sa mga munisipalidad at lalawigan ang responsibilidad na mapanatiling maganda ang mga inprastraktura dito.
Sa ilalim ng panukala, 30 porsiyento ay mapupunta sa probinsiya, 40 porsiyento ay mapupunta sa general fund ng lungsod at ang 30 porsiyento ay ipamamahagi naman sa lahat ng barangay ng lungsod kung saan naroroon ang ari-ariang ipinagbayad ng buwis.