Friday, July 30, 2010

Libreng almusal para sa mga paslit na mag-aaral

Isinusulong ngayon ni Cebu City Rep Rachel Marguerite del Mar ang isnga panukalang magyatatag ng programa sa Department of Education (DepEd) na magbibigay ng libreng almusal para sa mga
mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Sinabi ni del Mar, ang programang ito ang magiging sagot upang mabawasan kung di man tuluyang mawawala ang na malnutrisyon sa bansa at bilang pagsunod na rin ng pamahalaan sa World Declaration on Nutrition and Global Plan of Action for Nutrition na sinusunod sa buong mundo base na rin sa ginanap na International Conference on Nutrition (ICN) sa Rome, Italy
noong December 1992.

Sa ilalim ng HB00027, ang DepEd, sa pakikipagtulunagn ng Parents-Teachers Associations (PTA), ay magbibigay ng mga libreng almusal sa mga mag-aaral sa pampublikong eskwelahan at isasama ang programang ito bilang bahagi ng public education system.

Ang ihahaing almusal sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa ay dapat na naglalaman ng fortified instant noodles o iron-fortified rice o fortified biscuits o iba pang pagkain na tama at naglalaman din ng kinakailangang sustansiya at makakasagot sa gutom at problema sa
malnutrisyon.

Ang pondong kakailanganin sa pagpapatupad ng programang ito ay manggagaling sa taunang alokasyon ng DepEd.

Ayon kay del Mar, papaanong umanong makakapag-aral ng maayos at maiintindihan ng mga bata ang
kanilang leksiyon sa kanilang eskwela kung ang mga batang mag-aaral na ito ay pumapasok sa eskwela kung kumakalan ang kanilang sikmura at walang laman ang tiyan o walang almusal?

Thursday, July 29, 2010

Mga mamayan, hinikayat na makilahok sa pagsasabatas ng pambansang badyet

Maaari nang lumahok ang ordinaryong mamamayan kagaya ng mga magsasaka, manggagawa, mangangalakal, guro, traysikel at dyipne drayber, estudyante basurero at mga propesyunal sa pag-apruba ng pambansang budyet at sa proseso ng pagsasabatas sa ilalim ng panukalang inihain sa Mababang Kapulungan.

Sinabi ni Quezon Rep Lorenzo Tanada III, may-akda ng HB00219, na ang kanyang panukala ay magtatatag ng people’s participation sa mga deliberasyon ng badyet sa nasyunal, panglalawigan, pambayan at pambarangay na antas.

Ayon kay Tanada, ang layunin umano ng kanyang panukala ay bilang pagtanaw sa karapatan ng mga mamamayang makilahok sa pag-desisyon sa lahat ng antas na panlipunan, pulitikal at pang-ekonomiya na hindi na kailangang pang bale-walain ang kapasidad ng mga nahalal na mga representante sa pagsasabatas.

Noong nakaraang 14th Congress, nagpasa umano sila, ayon pa sa kanya, ng HR00120 na nagtakdang payagan ang mga non-governmental organizations (NGOs) at mga people's organization na lumahok sa deliberasyon ng panukalang pambansang badyet at iba pang mga panukala.

Itinakda ng 1987 Constitution na ang mga people’s organization ay ituturing bilang bona fide associations ng mga mamamayan na nagpapahayag ng kanilang kakayahang ipagpaibayo ang kanilang interes na mayroong payak na mga lider, miyembro at estruktura ng kanilang kupunan.

Tuesday, July 27, 2010

Dating PAGCOR chairman Genuino, iimbestigahan

Hinamon ngayon ng isang mambabatas ang mga bagong opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na imbestigahan nito si dating chairman Efraim Genuino, na posible umanong may kinalaman sa ilang kwestiyunableng transaksiyon sa loob ng ahensiya.

Sinabi ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito na dapat umanong mabusisi ang kabuhayan ni chairman Genuino at ng mga taong malalapit na sa kanya. Kailangang magsagawa ng malalimang auditing sa PAGCOR sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Ejercito, malaki daw ang maitutulong ng imbestigasyon kay Genuino sa adhikain ng Administrasyong Aquino na labanan ang korapsiyon, lalo na makaraang mabunyag ang umano’y P21-M na halaga ng burgers at chicken.

Ang paghabol sa mga tauhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nasasangkot sa mga umano’y kuwestiyunableng transaksiyon ay isang mahalagang hakbang upang tuluyang putulin ang korapsiyon sa ahensiyang nabanggit, ayon pa kay Ejercito.

Nagpahayag din ng suporta si Ejercito sa panukala ni Pangulong Aquino na gawing pribado ang PAGCOR.

Ayon sa mambabatas ang pagsasapribado ng PAGCOR ay makakatulong pa upang mabawasan ang alalahanin ng pamahalaan. Posibleng mawala na ng tuluyan ang korapsiyon sa ahensiya, at ang kinikita nito ay maaaring makatulong upang makapuno sa mga pagkukulang na nagawa ng nakaraang administrasyon.

Malilimitahan na rin umano ang pagmamanipula ng gambling agency laban sa mga kalaban nito.

Thursday, July 22, 2010

Mga bulag, maaari nang gumamit ng ATM

Isinusulong ngayon ni Quezon Rep Lorenzo Tanada III ang pagpapalawing ng karapatan ng mga bulag na magkaroon ng modernong kasangkapan kung ano man mayroon at kombinyenteng ginagamit ng isang normal na tao bagaman at pinagkaitan sila ng paningin.

Sa HB00221 na inihain ni Tanada, layunin nito na magkaroon ng access sa Automated Teller Machine ang mga bulag sa pamamagitan ng audio transmission system sa pagdala at pagtanggap ng impormasyon na ang ibig sabihin, maririnig ng bulag ang ibibigay na impormasyon na sasabihin ng ATM machine.

Tatawagin itong ATM Access for the Visually Impaired Act at maglalaan ng ATM machines sa pamamagitan ng Audio Transmission System ang lahat ng bangko.

Ayon kay Tanada, karamihan umano sa mga bulag ay gumagamit na ng cellular phones kung kaya at puwede rin sila umanong gumamit ng ATM para mapadali ang kanilang financial transactions pati na rin ang kompiyansang makihalobilo sa publiko.

Hindi dapat umanong pagkaitan ang mga maykapansanan kung ano man ang mayroon tayo ang mga normal na tao.

Tuesday, July 20, 2010

Malilinis pangalan ni GMA dahil sa Truth Commission: Lakas solons

Naniniwala si Maguindanao Rep Simeon Datumanong na malilinis ang pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay kinatawan ng Pampanga, sa kabi-kabilang ibinibintang ditong katiwalian sa oras na lumalabas na ang resulta ng imbestigasyon ng Truth Commission.

Sinabi ni Datumanong na kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ang pagbubuo ng Truth Commission dahil marami na namang insitusyon ng pamahalaan na maaaring magsagawa ng ganuong tungkulin.

Ayon sa kanya, hindi umano niya nakikita ang pangangailangang bumuo pa ng isang Truth Commission dahil naririyan din naman umano ang Ombudsman at ang Department of Justice na maaaring magsagawa ng imbestigasyon.

Naniniwala rin si Quezon Rep Danilo Suarez na maipagtatanggol at malilinis ni Arroyo ang kanyang pangalan kahit na saan mang legal na paraan.

Sinabi ni Suarez na hindi umano gumawa at walang ginawang mali ang dating pangulo nang siya pa ay nanunungkulan bilang pangulo ng bansa at nagsilbi mano siya ng tapat at buong puso sa mamamayan at sa bansa.

Ayon naman kay Agusan del Norte Rep Jose Aquino II, kapag natapos na ang gagawing imbestigasyon ng Truth Commission ay lalabas ang buong katotohanan at malilinis na nang tuluyan ang pangalan ng dating pangulo laban sa mga paninirang ginagawa ng kanyang mga kalaban sa pulitika dahil ang lahat ay puro alegasyon lamang at walang sapat na katibayan upang patunayan ang kanilang bintang.

Pawang paninira lamang umano ang mga ito at ang layunin lamang ay masira ang kredibilidad ni Arroyo sa mata ng mga tao at upang mawalan daw ng saysay ang lahat ng mga mga magagandang naiambag at nagawa ng kanyang administrasyon, ayon pa kay Aquino.

Makailang ulit na ring itinanggi ni Arroyo ang mga ibinibintang sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika partikular na ang umano'y graft and corruption sa isyu ng NBN-ZTE deal, Hello Garci election fraud at ang fertilizer fund scam.

Kamakailan lamang ay nagbuo ng isang Truth Commission si Pangulong Benigno C. Aquino na pamumunuan ni dating Supreme Court chief justice Hilario Davide Jr.

Mananatili pa rin si Atty Marilyn Yap bilang Secretary General ng 15th Congress

Sinuportahan ng ilang mambabatas ang pananatili ni Atty. Marilyn Barua-Yap sa posisyon bilang Secretary General ng kamara de Representantes sa pagbubukas ng 15th Congress.

Sinabi ni Quezon City Rep Feliciano Belmonte na siyang inaasahang susunod na lider ng Kapulungan na hindi na magbabago ang aking isip niya na manatili si Atty. Yap sa kanyang dating posisyon.

Kabilang sa sumuporta kay Yap sina Mandaluyong Rep Neptali Gonzales, an Waray Rep Bem Noel at Albay Rep Edcel Lagman.

Si Gonzales ang inaasahang magiging majority floor leader at si naman Lagman ang maging minority floor leader.

Si Yap na nag-umpisang manungkulan bilang House Secretary General sa panahon ni dating Speaker Prospero Nograles ay tubong Ilocos Norte at nagtapos ng Doctorate in Public Administration sa UP-National College of Public Administration; MBA in fiscal Administration (PSBA); at Masters in Education, SPED, UP.

Isang lawyer-career executive service official ng mahigit 35 taon nagsilbi sa gobyerno, 28 taon sa lehislatura, naging Deputy Executive Director din siya sa House Rules Committee bago siya itinalaga ni Nograles sa kanyang kasalukuyang posisyon.

Si Yap ang kauna-unahang babae na naging secretary general sa Kamara.

Thursday, July 15, 2010

Cash subsidy ni PNoy para sa mahihirap, suportado ng mambabatas

Pinuri ni Tarlac Rep Susan Yap ang naging desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III na ituloy ang pagbibigay ng pera sa mga mahihirap na pamilya upang makaagapay sa mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni Yap na nagsumite na rin siya ng panukala, ang HB00081 na naglalayong itatag ang cash subsidy program ng pamahalaan upang makatulong sa kahirapang nararanasan ng maraming pamilya sa bansa.

Ayon pa sa kanya, layunin ng panukala niya na itatag ang National Conditional Fund Transfer Program na siyang magpapatibay ng programa upang masiguro ang mapagkukunan ng pondo na siyang gagamitin sa pagsasaayos at pagtulong sa mga mahihirap na pamilya sa bansa, particular na sa mga batang may idad 0 hanggang 14 at mga mga babaeng nagdadantao.

Batay sa talaan, nitong Marso 2010 ay t mayroong 956,000 na pamilya ang nakatanggap ng buwanang cash grants mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kikilalanin ang panukala bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act of 2010, na siyang magbibigay ng P500 kada buwan bawat bahay o pamilya para sa gamot o pangkalusugan at pagkain, at P3,000 kada taon bawat bata para pantulong sa pag-aaral ng mga bata na labis na naghihirap.

Batay sa panukala, maglalaan ng P15 bilyon kada taon para sa programa upang maging tuloy-tuloy na matulungan ang bawat naghihirap na pamilya ng bansa.

Kamara, handa na sa SONA ni PNoy

Handa na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas para sa kauna-unahang gaganaping State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa ika-26 ng Hulyo alinsabay sa pormal na pagbubukas ng 15th Congress.

Sinabi ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap na bibigyan nila ng maganda at maayos na presentasyon ang unang SONA ni PNoy tulad nang ibinigay nilang presentasyon sa mga kongresistang nagtapos ng kanilang termino, tatlong linggo na ang nakakaraan.

Ayon naman kay Lt Col Isabelito Flores, Executive Director ng LSB, pinaghahandaan umano ng kanyang opisina ang Security Car Pass at Temporary Identification Card para sa SONA at bukas pa rin ang kanilang tanggapan hanggang Hulyo 22 para doon sa nagnanais na iparehistro ang kanilang sasakyan sa araw ng SONA.

Idinagdag pa ni Flores na magiging katulong din umano nila sa pangangalaga ng seguridad ng buong Batasab complex ang Presidential Security Group (PSG) kasama ang kanilang mga bomb-sniping dog.

Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Media Relations Service (MRS) Director Diony Tubianosa, patuloy pa rin sila sa pagtanggap ng application for accreditation para sa foreign at local reporters na kokober sa SONA.

Di lamang security matters ang pinaghahandaan nila kundi ang buong programa na binubuo ng lahat ng departamento at bureau ng House Secretariat.

Compensation system para sa pinanatilihang watershed, igpapaibayo

Ang lahat na mga nauugnay sa pagpapalawig at pagprotekta ng mga watershed na nagsu-suplay ng tubig sa mga dam lalu na sa mga hydroelectric power generating facility sa buong bansa ay mabibigyan na ng sentibong pinansiyal sa sandaling maipasa ang panukalang itinulak ngayon sa Mababang Kapulungan.

Sa HB01428 na inihain ni Ifugao Rep Teddy Brawner Baguilat, layunin nito na i-redefine at i-extend ang compensation program ng pamahalaan para mabigyang pansin ang malaking itinutulong ng mga pamahalaang local o rehiyon kung saan ang mga watershed ay natutukoy at nakakatulong sa rural electrification program ng gobyerno.

Sinabi ni Baguilat na ang compensation system sa naturang usapin na nakasaad sa kasalukuyang mga pinaiiral na batas ay iginagawad lamang umano sa mga host community kung saan ang hydroelectric power generating facility naitatag kung kaya’t hindi masyadong naipapagibayo ang kooperasyon sa mga kasapi ng host community.

Sa sandaling maging na batas ang nabanggit na panukala, kasama na sa compensation system ang mga barangay, bayan, lalawigan o rehiyon na nagsasagawa ng pagmimintina at proteksiyon sa mga watershed na nagsu-suplay ng tubig sa dam.

Tuesday, July 13, 2010

Cha-cha resolution ni GMA, sinuportahan ng iilang mga mambabatas

Nagpahayag ng suporta ang iilang mga mambabatas sa panukala ni Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo na may layuning magdaos ng constitutional convention upang maamiyendahan ang 1987 Constitution.

Sinabi ni Quezon Rep Danilo Suarez na suportahan niya ang naturang panukala dahil mula’t mula pa naman umano ay pabor na siyang baguhin ang iilang mga probisyon sa Saligang Batas lalo na yaong mga hindi na angkop sa kasalukuyang sitwasyon.

Ayon naman kay Maguindanao Rep Simeon Datumanong, matagal na siyang nagsusulong at pumapabor sa pagbabago ng Konstitusyon dahil marami umanong mga probisyon dito na magulo at nakakalito.

Maging si Cavite Rep Elpidio Barzaga ay nagpahayag din ng pagsuporta sa resolusyon ni Macapagal-Arroyo at nagsabing maging siya man ay magsusumite rin ng panukala hinggil sa pagbabago ng Konstitusyon.

Sa pagsusumiti ni Macapagal-Arroyo ng HR00008, sinabi nito na ang kanyang panukala ay hindi magiging sanhi ng pagkakaroon ng pagkakahati ng Kamara dahil ito ay pag-uusapan naman ng bukas sa publiko at sa malayang pamamaraan.

Monday, July 12, 2010

Freedom of information bill, ipupursige sa 15th Congress

Ipupursige ni Quezon Rep Lorenzo Tanada ang agarang pagkakapasa ng panukalang Freedom of Information (FOI) upang maging pinaka-unang legacy ito ng 15th Congress sa loob ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ni Tanada na ang nabanggit na panukala ay matagal nang naging produkto ng iilang mga diskusyon noong mga nakaraang Kongreso batay sa mga ediyang natamo sa NGOs, POs, media practitioners, academe at mga mambabatas.

Matatandaang ang FOI bill ay pumasa na sa bicameral conference committee noong 14th Congress ngunit bigong naging ganap na batas sa pinaka-huling araw ng sesyon dahil sa kakulangan ng quorum sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay tanada, ang FOI bill na maipapasa ng 15th congress ay maging karagdagan at makapagpapaibayo sa democratic ideals ng bansa at ibayong makapag-empower sa mga mamamayan sapagkat ipapalawig ang magiging saklaw nito kung ang pag-uuspan ay ang mga ahensiyang pamahalaan ganun na rin sa mga impormasyon nito.

Itutulak din ng panukala ang pagkakaroon ng malinaw, pantay-pantay at mabilis na procedure para matamo ang impormasyon at pagkakaroon ng isang pamantayan laban sa excessive costs to information, dagdag pa kay Tanada.

Pagtatag ng dalawang magkahiwalay na peace panels, inayunan sa Kamara

Ang pagkakatatag ng dalawang peace panels ng pamahalaang Aquino na aatasang magkahiwalay na magni-negotiate sa Moro Islamic Liberation Front at sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa pagnanais na makipag-kasundo sa mga grupong ito ay isang magandang desisyon ng bagong administrasyon.

Sinabi ni Maguindanao Rep Simeon Datumanong, tama lamang na magtatag ng dalawang kupunan ang gobyerno upang magkaroon ito ng hiwalay na pag-uusap sa MILF at sa CPP-NPA-NDF at makapag-trabaho ang mga ito ng hiwalay ngunit sabay-sabay.

Ayon kay Datumanong, sa pagbuo ng mga peace panel sa isyung usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF, marapat lamang umano na isama ang kinatawan ng mga apektadong komunidad at mga local government unit, kasama na ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), para maiwasan ang mga alegasyon na ni wala man lamang kosultasyon at pag-uusap sa mga stakeholder.

Sa panig naman ni Bayan Muna Party-list Rep Teddy Casino, umaasa siyang ihirang ni Pangulong Aquino ang mga miyembro sa panel na kapani-paniwala at katanggap-tanggap sa ibang panig at karamihan sa mga stakeholder.

Nauna rito, sinabi ni Malacanang Palace Spokesman Edwin Lacierda na nagpasya na sina Pangulong Aquino at Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na magtatag ng dalawang kupunan, isa ang makikipag-ugnayan sa CCP-NPA-NDF at ang isa naman ay sa MILF at ang bawat grupo ay magkakaroon ng tig-lilimang kasapi, ngunit si Deles ay hindi kabilang sa negotiating panel dahil siya ang mag-oversee ang buong progression ng dalawang grupo.

Robredo bilang DILG chief, ikinagagalak ng mga kongresista

Ikinagagalak ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang pagkakahirang kay dating Naga City Mayor Jesse Robredo bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government na anila ay may taglay na kakayahan, eksperiyensiya at integridad para mamuno sa mga local government units at magpaibayo ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, mga atas na napabilang sa kanyang pagiging department head.

Sinabi ni Oriental Mindoro Rep Rodolfo Valencia na taglay ni Robredo ang mga yaman ng eksperiyensiyang handang kaharapin ang pangangailangan ng mga LGU batay na rin kanyang pagiging isang local executive mismo at ang kanyang appointment bilang DILG chief ay isang magandang pangyayari.

Ayon pa kay Valencia, ang pinaka-magandang asset ni Robredo ay ang kanyang transparency at straight forwardness sa pakikitungo sa mga mamamayan.

Si Robredo aniya ay ang pinaka-unang Filipinong mayor na tumanggap ng pinaka-prestihiyusong award na Ramon Magsaysay Award for Government Service noong taong 2000.

Sa panig naman ni Tarlac Rep Jeci Lapus, sinabi nito na ang naging desisyon ni Pangulong Aquino na ihirang si Robredo bilang DILG chief ay batay na rin sa tiwala ng pangulo sa dating mayor sa kanyang pagiging pamilyar sa trabaho ng DILG secretary.

Si Robredo ay nahirang bilang mayor noong taong 1988 at tinanghal bilang pinaka-batang mayor sa bansa sa edad na 29 at ang kanyang magandang pamumuno ay naging bantug sa buong Asya kung kaya’t ang siyudad ng Naga ay tinanghal na isa sa Most Improved Cities in Asia ng Asiaweek Magazine noong 1998.

Wednesday, July 07, 2010

Pagbuo ng isang task force para sa media killings, iminungkahi

Hinikayat ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara ang mga ahensyang pamahalaan na bumuo ng isang task force na tutugon sa mga suliraning may kaugnayan sa pamamaslang sa mga kagawad ng pamamahayag sa bansa.

Sinabi ni Angara na nararapat lamang na magtatag ang Department of Justice (DoJ)at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng task force upang matugunan ang hindi napipigilang mga pamamaslang ng mga media practitioner habang kanyang kinondina ang pagpatay sa pinaka-unang media worker sa loob ng kasalukuyang administrasyon noong nakaraang ika-3 ng Hulyo na si Jose Daguio.

Ayon kay Angara, ang iminungkahi niyang task force ay magkakaroon ng mga kinatawang manggagaling sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Commission on Human Rights (CHR) at ng mga media organization.

Idinagdag pa ni Angara na dapat nang tuldukan ang mga media killing, arestuhin at usigin ang mga killer para mabigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima at tanging ang pananatili lamang ng mga law enforcement at mga pulis ang pinakamabisang solusyon sa naturang problema.

Napapanahon na umano na magkakaroon ng long term solution para mahadlangan na ang pag-ibayo ng mga media killing sa hinaharap na mga panahon.

Matatandaang iniulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na mahigit sa 103 mga media men ang pinatay sa ilalim ng Arroyo administration.

Mediamen, aarmasan

Sinuportahan ng mga mamababatas sa Kamara de Representantes ang panukalang payagan na ang mga lehitimong kagawad ng media, mga mamamahayag, na magdala ng baril para sa kanilang sariling proteksyon.

Ito ay bunsod na rin sa sunod-sunod na mga insidenteng pagmamaslang sa iilang mga kagawad at mga miyembro ng pamamahayag sa ating bansa

Batay sa Center for Media Freedom and Responsibility, umabot sa 103 mga media practitioner ang pinaslang sa panahon ng administrasyong Arroyo at sa iilang araw pa lamang sa panunungkulan ang administrasyong Aquino, binaril at napatay na naman si Jose Daguio, 72, dating anchorman ng Radio Natin-Kalinga sa pamamagitan ng shotgun sa loob ng kanyang bahay sa barangay Tagu.

Sinabi ni Quezon Rep Lorenzo Tanada III na kailangan nang maglunsad ang Department of Justice ng malawakang kampanya upang ma-aresto at kasuhan ang mga salarin para matigil na ang pagpatay sa mga kagawad ng media.

Ayon kay Tanada, kung pinayagan ng pulisya na magdala ng baril ang mga negosyante, dapat din umanong payagan ng pulisya ang mga kagawad ng media dahil nahaharap din sila sa seryosong sitwasyon.

Iminungkahi naman ni Laguna Rep Dan Fernandez na ang responsableng kagawad lamang ng media ang dapat payagan na magdala ng baril makaraan silang sumailalim sa pagsasanay at mag-comply sa lahat ng mga requirement nito.

Sa panig naman ni Buhay Partylist Rep Irwin Tieng, sinabi niya na dapat sumailalim sa wastong pagsasanay ang mga kagawad ng media na ipapatupad naman ng Philippine National Police bago sila payagang magdala ng baril.

Thursday, July 01, 2010

Mga dating artistang naging mambabatas, naglatag na ng kanilang agenda

Inilatag na ng dalawang dating mga artista na naging mambabatas ang kanilang mga legislative agenda para sa 15th Congress sa pamamagitan ng pag-draft ng kanilang mga pet bill na may kaugnayan sa environment, women, children, tourism at agrikultura.

Sinabi ni Cavite Rep Lani Mercado Revilla na nangunguna sa listahan ng kanyang mga pet bill ay ang cityhood ng bayan ng Bacoor upang tuparin ang kanyang ipinangako sa kampanya bagamat ang kanyang concern at adbokasiya ay tutuon sa mga isyung pangkalikasan at proteksiyon para sa mga kababaihan at mga kabataan.

Ayon kay Revilla, maghahain din umano siya ng panukala na magtatatag ng disaster and rescue groups para tutugon sa mga kalamidad kagaya ng pagbaha at pananalasa ng El Nino; magtatatag ng isang open high school para sa mga out-of-school youth.

Si Revilla na nanalo bilang kongresista sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nanawagan sa susunod na ruling party sa Mababang Kapulungan na kung maaari ay itrato naman ng parehas ang mga neophyte at iba pang mga mambabatas na kasapi ng opposision party.

Sinabi naman ni Leyte Rep Lucy Torres Gomez na ang kanyang kagyat na pagtutuonan ng pansin ay ang pagbababa ng bayad sa kuryente sa kanyang distrito dahil karamihan naman umano sa mga geothermal plant sa bansa ay matatagpuan sa kanyang lalawigan.

Mariing tinutulan ni Gomez ang pagsasapribado ng mga electric cooperative sa buong bansa ng kanyang sinabi na magiging dahilan umano ito sa pagtataas ng electricity rates.

Sinabi ni Gomez na kabilang din sa kanyang adbokasiya ang agriculture, tourism, welfare of women and children.
Free Counters
Free Counters