Monday, July 12, 2010

Robredo bilang DILG chief, ikinagagalak ng mga kongresista

Ikinagagalak ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang pagkakahirang kay dating Naga City Mayor Jesse Robredo bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government na anila ay may taglay na kakayahan, eksperiyensiya at integridad para mamuno sa mga local government units at magpaibayo ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, mga atas na napabilang sa kanyang pagiging department head.

Sinabi ni Oriental Mindoro Rep Rodolfo Valencia na taglay ni Robredo ang mga yaman ng eksperiyensiyang handang kaharapin ang pangangailangan ng mga LGU batay na rin kanyang pagiging isang local executive mismo at ang kanyang appointment bilang DILG chief ay isang magandang pangyayari.

Ayon pa kay Valencia, ang pinaka-magandang asset ni Robredo ay ang kanyang transparency at straight forwardness sa pakikitungo sa mga mamamayan.

Si Robredo aniya ay ang pinaka-unang Filipinong mayor na tumanggap ng pinaka-prestihiyusong award na Ramon Magsaysay Award for Government Service noong taong 2000.

Sa panig naman ni Tarlac Rep Jeci Lapus, sinabi nito na ang naging desisyon ni Pangulong Aquino na ihirang si Robredo bilang DILG chief ay batay na rin sa tiwala ng pangulo sa dating mayor sa kanyang pagiging pamilyar sa trabaho ng DILG secretary.

Si Robredo ay nahirang bilang mayor noong taong 1988 at tinanghal bilang pinaka-batang mayor sa bansa sa edad na 29 at ang kanyang magandang pamumuno ay naging bantug sa buong Asya kung kaya’t ang siyudad ng Naga ay tinanghal na isa sa Most Improved Cities in Asia ng Asiaweek Magazine noong 1998.
Free Counters
Free Counters