Friday, May 28, 2010

Smartmatic warehouse, dadalawin ng mga mambabatas

Nakatakdang puntahan ng mga mambabatas ang warehouse ng Smartmatic, Inc. sa Cabuyao, Laguna sa darating Lunes, ika-31 ng Mayo 2010 upang isagawa ang post-election briefing hinggil sa precinct count optical scan (PCOS) machines at mga compact flash card para malaman ang katutuhanan tungkol sa mga reklamo na nagkaroon ng dayaan nitong nakaraang May 10 national elections.

Sinabi ni Makati Rep Teddy Boy Locsin, tagapamuno ng committee na nagsasagawa ng pagdinig sa Kamara de Representantes, na ang mga miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at iba pang mga mambabatas na interesado ay maaaring sumama sa kanilang biyahe patungo sa naturang warehouse kung saan inimbak at sinubukan ang may 76,000 PCOS machines.

Bago nai-deploy ang nabanggit na mga makina sa bawat polling place, isinagawa na ng Commission on Elections (COMELEC) at ng automation partner nito na Smartmatic-TIM ang pag-configure ng mga equipment upang maseguro na ang mga ito ay gumagana para sa partikular na presinto at partikular din na set ng mga balota.

Itinakdang ibalik ang mga makina sa naturang warehouse batay sa poll automation law sa panahong matapos na ang eleksiyon.

Deadline para sa mga canvasser, matutupad ng maaga

Nagpahayag si Senador Edgardo Angara ng kumpiyansa na ang pag-canvass ng mga boto para sa pangulo at panglawang pangulo sa kasalukuyan ay maging mas mabilis kaysa sa noong nakaraang 2004 national elections dahil karamihan sa mga kandidato ay nag-concede na.

Sinabi ni Angara na bagamat ang mga abogado at mga representante ng mga natalong kandidato ay maaaring magtanong sa canvassing of votes, naniniwala umano siya na hindi naman ito maging hotly contested dahil ang kanilang mga principal ay tapos nang nag-concede.

Kung mayroon mang mga katanungan, maaring ang mga ito ay for the record na lamang para maging gabay ng Commission of Elections (COMELEC)sa susunod na mga panahon.

Ngunit ayon pa sa kanya, bagamat ang iilang contentious issues ay mababawasan na, hindi ibig sabihin umano nito na walang nang issue na mapapag-usapan pa at kung mayroon mang ebidensiya na may dayaan, dapat lamang na ibato na ito sa Presidential Electoral Tribunal dahil ito ay labas na sa hurisdiksiyon ng canavassing board.

Matatandaang noong 2004, ang Joint Committee ay inabot sa 23 araw sa pagsasagawa ng canvassing ngunit, para sa kasalukuyan, ito ay naka-eskedyul ng dalawang linggo lamang sa legislative calendar.

Dahil dito, umapela si Angara sa mga mamamayan na maging mapag-pasiyensiya lamang at hayaan na lamang na ang ating political at constitutional process at gugulong ng normal hanggang naturang gawain ay matapos.

Thursday, May 27, 2010

Automation, mas maganda pa rin kaysa sa manual na sistema

Sa gitna ng maraming agam-agam at pagdududa hinggil sa resulta ng katatapos pa lamang na eleksiyong nasyunal at local na nagresulta ng serye ng mga pagdinig ng Kamara de Representantes, kinatigan pa rin ni Muntinlupa Rep Rozzano Rufino Biazon na ang susunod na eleksiyon ay isasagawa pa rin sa pamamaraang automation.

Sinabi ni Biazon na mas madali pa rin umanong malaman ang dayaan sa automated elections basta’t ang tamang mga safeguard ay mai-instala sa mga makenang gagamitin dito.

Ayon sa kanya, alam na umano niya na talagang mayroong dayaan sa manual system at mahirap ito i-control, ngunit mahirap umanong isagawa ang pandaraya kung may mga safeguard na ilalagay sa sistema ng automated election.

Mahalaga umano itong isinagawa ng Kongreso na evaluation at review ngayon para malinis ang sistema dahil may iilan pang mga kakulangan ang naturang sistemang ito.

Si Biazon, isang talunang senatorable noong nakaraang eleksiyon, ay nangakong tumulong na mapaganda ang electoral sytem sa pamamagitan ng pagtutuloy ng automated election.

Idinagdag pa ni Biazon na siya ay naniniwala na mapabuti pa rin ang automation system bagamat may mga nakikita pang mga deperensiya ngunit kaalunan naman umano ay mas magandang sistema pa rin ang automation kaysa sa manual counting.

Wednesday, May 26, 2010

Cabral, binatikos sa kanyang kampanya laban sa paninigarilyo

Binatikos ni Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep Eric Singson ang naging aksiyon ni Health Secretary Esperanza Cabral na magpatupad ng Administrative Order No. 2010-0012 na siyang nagmamando sa mga local na gumagawa, mga importer at exporter na ilimbag sa bawat pakete ng segarilyo ang warning na nagpapakita ng larawan sa maging masamang epekto nito.

Sinabi ni Singson na ang kautusang ito ay labag sa probisyon ng kasalukuyang batas na ipinasa ng Kongreso at sabay na kanyang pinayuhan si Cabral na ang bansa ay mayroon na umanong isang batas na nagmamandong isulat ang textual na health warning sa cigarette packaging.

Ayon kay Singson, ang RA09211 ay malinaw na nagsasabing ang mga textual warning lamang ang ilalagay sa bawat pakete ng segarilyo at walang probisyon dito na nagmamandong ilagay ang larawan ng mga epekto ng paninigarilyo.

Matatandaang ang kasalukuyang Kongreso ay nagpasa ng RA09211 noong taong 2003 habang ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) ay nirapikahan naman ng Senado ng Pilipinaas noong 2005.

Tanging ang Kongreso lamang umano ang may kapangyarihang magpasa ng batas na magbibigay ng laman at sustansiya sa anumang international treaty at hindi sapat ang isang administrative order lamang para ito maipatupad.

Monday, May 24, 2010

All systems go para sa canvassing

Nagbigay ng katiyakan si House Speaker Prospero Nograles sa buong bansa na hindi kailanman makokompromiso ang accuracy at integridad kaysa sa bilis ng pagbibilang ng presidential at vice presidential canvass of votes at kanyang sinabi na all systems go na para sa canvassing.

Batay sa Saligang Batas, ang Kongreso ay mag-constitute bilang National Board of Canvassers upang i-canvass ang mga boto at i-proklama ang mga nananalong pangulo at pangalawang pangulo sa eleksiyon at ito ay may hanggang ika-30 ng Hunyo magmula noong botohan upang ikompleto ang mandato ng Konstitusyon.

Sinabi naman ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap na ang kanilang paghahanda ay naaayon sa iskedyul hanggang sa pinakahuli at maliit na detalye nito.

Ayon sa kanya, batay umano sa kautusan ng liderato ng Kongreso, ang House Secretariat ay nakikipag-ugnayan sa kanilang Senate counterpart, Comelec, Smartmatic, mga security personnel ng dalawang kapulungan at kasama ang PNP at iba pang mga conserned intities upang maseguro ang integridad ng national canvass.

Idinagdag pa ng House SecGen na ang paghahanda ng ibat-ibang tri-media networks, maging sa radio, television at print, kasama ang IT media entities, na nag set-up ng kanilang mga coverage facilities sa Batasan complex, lalu na sa loob ng plenary hall kung saan sila magbibigay ng kanilang mga live updates ng buong canvassing process hanggang sa proklamasyon ay naisaayos na.

Inaasahang mamayang hapon, ang dalawang kapulungan ay magsasagawa ng kanya-kanya nilang mga caucus bago sila mag-convene ng kanilang sesyon upang mag-adopt ng joint resolution na mag-convene din ng Congress sa isang joint session at umakto bilang National Board of Canvassers para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Thursday, May 20, 2010

Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, bibigyan ng espesyal na kuwarto sa Kamara

Inihahanda na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas ang isang espesyal na kuwarto para kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para sa kanyang pag-upo bilang isang congresswoman sa 15th Congress.

Ang kuwartong ito ay mas malaki sa karaniwang 60-square-meter-room na makukuha ng isang ordinaryong kongresista sa Batasan Comples na may malaking anteroom, kitchen, at maluwag din na comfort room.

Sinabi ni Atty. Marilyn Barua Yap, House Secretary-General na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ay magkakaroon ng isang dating pangulo ng bansa na maging miyembro ng Kamara at maiintindihan naman umano seguro ng lahat na bilang kurtesiya, marapat lamang na bigyan siya ng espesyal na kuwarto lalu na at iba ang security requirement na iginagawad sa isang dating pangulo ng republika.

Ayon pa sa kanya, tanggap din naman umano ng ibang mga mambabatas na mas malaki ang maging opisina ni Arroyo.

Sinabi naman ni re-elected Malabon Congresswoman Jaye Lacson-Noel na dapat lamang naman na pagbigyan ang congresswoman elect Gloria Macapagal Arroyo dahil siya naman ay seguradong maging ating dating pangulo.

Idinagdag pa ni Lacson-Noel na wala naman umano yan sa laki ng kuwarto kundi, nasa performance naman yan.

Wednesday, May 12, 2010

Kongreso, handa na sa idaraos na canvass of votes

Bago pa man idinaos ang 2010 Elections, abala na sa paggagayak ng mga opisyal ng Kongreso para sa lahat na kakailanganin ng mga mambabatas sa canvassing ng mga boto ng mamamayang Filipno upang ideklara ang mga nanalong pangulo at pangalawang pangulo.

Inumpisahang isagawa noong ika-tatlo ng Mayo ang initialization process ng consolidation and canvassing system o CCS sa bulwagan ng House of Representatives para bigyang daan ang Kongreso na maisagawa nito ang mandato nito batay sa Saligang Batas bilang National Board of Canvasser of the Presidential and Vice Presidential botes ng joint session dalawang kapulungan.

Ayon sa Konstitusyon, dapat na magbuo ng naturang board of canvassers sa loob ng tatlumpong araw matapos ang May 10 elections upang agad na maideklara ang mga nanalong president at bise presente.

Pinangunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang nabanggit na initialization process sa pamamagitan ng pagla-log niya ng iilang mga password sa gagamiting mga computer ng commission on Elections.

Inatasan ng mga opisyal ng Kongreso sina House Secretary General Marilyn Yap at Senate Secretary Emma Reyes na pamumuan ang naturang paghahanda upang sa lalung madaling panahon ay maisaayos na ang lahat na kakailanganin ng joint session sa canvassing of votes.

Ang naturang paghahanda ay sa pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan ng Kongreso sa mga representante ng Smartmatic at mga opisyal ng COMELEC na siya namang sinaksihan ng mga representante ng mga major political party.

Tuesday, May 04, 2010

Kamara, handa na para sa gaganaping canvass of votes

Sinabi ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na gagampanan ng Kongreso ang iminamando ng Saligang Batas na gaganap bilang National Board of Canvassers para sa Presiential at Vice Presidential poll count.

Ayon pa kay Nograles, hindi maaring mabigo sila dahil ang buong mundo ay nakamasid sa halalang gaganapin sa Mayo a-diyes habang kanyang sineguro na ang Senado at ang Mababang Kapulungan ay malalim na nag-uugnayan sa paghahanda para sa national canvass.

Kaugnay dito, nanawagan si Nograles sa mga mamamayang Filipino na ipagpapatuloy lamang nila ang kanilang pagmamatyag laban sa mga nagnanais na baligtarin ang kapasyahan ng taumbayan.

Ayon sa kanya, dapat umanong mangibabaw ang pasya ng mga mamamayan sa darating na eleksiyon at ang gaganaping makasaysayang automated polls ay magpapatunay na ito ay posibleng nagaganap at dapat lamang umanong magtiwala tayo sa Panginoon at sa ating mga sarili bilang mga mamamayan.

Kaugnay dito, inatasan ni Nograles si House Secretary General Marilyn Barua-Yap na pamunuan ang House Special Task Force on Canvassing na agad namang nagbuo ng grupo para magsagawa ng serye ng consultative meetings, sa pakikipag-ugnayan sa Senado na pinamumunuan naman ni Senate Secretary Emma Lirio Reyes.

Sinabi ni Secretary General Yap, nagkasundo na sila na ipanukala sa joint session ng Kongreso ang mga opsiyon hinggil sa rules of canvass na maaari nilang gamitin para maseguro ang episiyente, transparent at credible canvass of votes.

Ayon sa kanya, inatasan niya ang lahat na mga opisyal at empleyado ng Kamara na gampanan ang kanilang mga tungkulin para dito sa makasaysayang kaganapan para hindi mabigo ang ating mga mamamayan at dahil dito, nakipag-ugnayan na rin umano sila sa Commission of Elections (COMELEC) at sa mga representative ng SmartMatic para sa bawat posibleng detalye at scenario sa gaganaping canvass of votes.
Free Counters
Free Counters