Bioethanol plant sa Cagayan de Oro, di pinaburan
Sinabi ni Zamboanga Sibugay Rep at committee chairperson Belma Cabilao na bagama’t may mga benepisyong makakamtan ang ekonomiya sa pagtatayo ng isang bioethanol plant, nakikita rin umano ng komite ang posibleng negatibong epekto nito sa kalapit na ilog at sakahan kaya’t napagpasyahan nila na irekomenda na lang ang paglilipat ng nasabing proyekto sa isang mas ligtas na lugar o sa lugar na idineklara bilang agro-industrial kung saan ito naaangkop.
Dahil dito, inatasan ni Cabilao ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na iparating sa mga nagsusulong ng proyektong bioethanol plant ang naging desisyon ng Komite.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, may-akda ng HR00852 na siyang komokontra sa proyekto na nagsabi rin na dapat ay magsilbing babala sa mga nagsusulong ng kahalintulad na proyekto ang naging desisyon ng Komite.
Ayon kay Rodriguez, hindi papayagan ng Kongreso na tuluyang masira ang ating kapaligiran at malagay sa kapahamakan ang buhay ng nakararami kaya ang ganyang proyekto ay hindi makakalusot sa tao at sa Kongreso.
Ayon naman kay Cabilao, ang sinumang grupo o kumpanya na naglalayong magtayo ng bioethanol plant ay kinakailangang magsagawa ng pag-aaral sa pangmatagalan at agarang epekto nito, partikular na yaong negatibong epekto nito, sa agrikultura, anyong tubig, o ilog at sapa, sa mga pinanggagalingan ng tubig na ginagamit at iniinom ng mga mamamayang naninirahan sa lugar, sa kaligtasan ng tao at sa paggamit ng umano’y zero-waste technology.
Dapat ay siguraduhin umanong bago pasimulan ang bioethanol plant ay sumunod ito sa mga alituntunin para sa kaligtasan, tulad ng paglalagay ng konkretong bakod at engineered maps upang maalis ang takot ng mga naninirahan malapit dito tungkol sa kontaminasyon ng kanilang sakahan, ilog, at sapa o dagat at groundwater sources.