Thursday, June 25, 2009

Banyagang programa sa telebisyon, bubuwisan na

Sasailalim na sa regulasyon ng gobyerno at papatawan na ng buwis ang lahat na mga banyagang programa sa telebisyon upang mapaigting ang government revenue ng pamahalaang Pilipinas.

Ito ang layuning ng panukalang inihain ng Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez , ang HB06118 na siyang magbibigay ng kapangyarihan sa National Telecommunications Commission (BTC) ng hurisdiksiyon at pagpapatupad ng regulasyon sa lahat ng mga foreign program sa telebisyon sa pamamagitan ng paggawad ng Landing Rights sa foreign programmers.

Sinabi ni Rodriguez na may pangangailangan para panghimasukan na ng pamahalaan na pahintulutan ang pagkolekta ng karampatang mga kailangang buwis upang matulungang maiangat ang pananalapi ng gobyerno.

Ayon sa kanya nais umano niyang ma-regulate ang pamamaraan, pagbubuwis, termino at mga kondisyones para maging panuntunan sa mga foreign program na galing sa foreign telecommunications firms na inihahain sa cable television operators sa bansa para sa kapakanan ng publiko.

Idinagdag pa ni Rodriguez na malaking bahagi umano ng mass media contents ang naipamamahagi sa publiko sa buong bansa na nanggagaling sa mga foreign entity kung kaya’t malaki ang maging impluwensiya nito sa mga mamamayan.

Paggamit ng plastic bags, ipagbabawal na

Ipaguutos sa lahat na mga supermarket at sa mga may-ari ng mga tindahan na gumamit ng reusable bags - bag na puwedeng gamiting muli - na mga gawa ng canvas o tela sa kanilang mga negosyo sa sandaling maging ganap na na batas ang panukala, ang HB05853, ni Albay Rep Reno Lim na may layuning maprotektahan ang kalikasan.

Sinabi ni Lim na dapat i-encourage ang mga mamimili at ang mga retailer na gumamit ng mga reusable bag upang mapalitan na ang mga kasalukuyang ginagamit na plastic bag.

Batay sa panukala ni Lim, ipag-uutos sa mga may-ari ng tindahan at supermatket na mag-establisa ng tinatawag na at-store recycling program na siyang uudyok sa publiko na ideposito ang kanilang mga plastic bag sa isang holding storage ng establisiyemento, mga plastic bag na kinokonsiderang non-biodegradable material.

Ayon kay Lim, madali umanong nililipad ng hangin ang plastic bag, makapuslit sa landfills at garbage bins, mag-pollute ng mga waterway at magdulot ng peligro sa mga isda at wildlife, at makabara sa emburnal sa kalsada na siyang naging dahilan ng mga pagbaha.

Marami na umanong mga pagkilos sa buong mundo upang maresolbahan ang ganitong problema at maibaba ang antas ng paggamit ng mga plastic bag ngunit marami pa ring mga tao gumagamit at tumatangkilik nito.

Monday, June 22, 2009

Iligal na pangingisda sa Kabikulan, tutugisin

Nagkaisang kumilos ang mga mambabatas sa buong Bicol Region para mapatigil at tuluyang masawata na ang talamak na iligal na pangingisda Kabikulan.

Sinabi ng labing-apat na mambabatas ng naturang rehiyon na hindi lamang talamak ang iligal na pangingisda sa kanilang lugar kundi may mga malawakang operasyon rin dito dahil sa pagkakapasok ng iilang mga barko sa mayamang karagatan ng Bicol, partikular sa Sorsogon, Masbate, Albay at sa lugar ng Pasacao.

Dahil dito, nais ng mga mambabatas na magtatag ng Bicol Region Anti-Illegal Fishing Authority (BRAIFA) sangayon sa HB06421 na siyang mangunguna sa pagtugis ng mga iligal na mangingisda sa karagatan ng Bicol at magpapatupad ng batas tungkol dito.

Sinabi ni Sorsogon Rep Salvador Escudero na ang hakbang na ito ay kaugnay na rin sa pagkakadakip ng limang barko na sangkot sa iligal na pangingisda sa karagatan ng Bicol.

Ayon sa kanya, kargado umano ng mga matataas na uri ng armas ang naturang mga barko na humahadlang sa limitadong kakayanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) para sugpuin ang iligal na pangingisda.

Naniniwala ang mga mababatas na kailangang magkaroon ng epektibong solusyon sa problemang ito dahil hindi lamang apektado ang industriya ng pangisdaan dito kundi pati na rin ang pagkawasak ng marine ecosystem sa rehiyon.

Thursday, June 18, 2009

Karagdagang benepisyo para sa mga solo-parent, ipinanukala sa Kamara

Gagawaran ng labinglimang porsiyentong diskuwento sa gatas, pagkain at gamot, sampung porsiyento sa damit at limampung libong piso na libreng buwis ang abawat solo-parent kapag na-amiyendahan na ang batas na Solo Parent’s Welfare Act of 2000, ayon kay Manila Rep Ma Theresa Bonoan-David nang inihain niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas ang HB06427.

Sinabi ni Bonoan-David na siya ay nababahala sa mabigat na pasanin g dinadakla bng mga solo parent dahil hindi sapat ang kanilang kinikita para buhayin ang kanilang mga anak, lalo pa at nahaharap angt bansa sa krisi pang-ekonomiya.

Ayon sa kanya, tiyak daw na mababawasan ang paghihirap ng mga solo parent kapag naging ganap na na batas ang kanyang panukala na bigyan sila ng karagdagang gantimpala.

Sa ilalim ng panukala ni Bonoan-David, bibigyan ng karapatang makukuha ng mga kompanya ang diskuwento bilang bahagi din ng kanilang gastusin sa negosyo.

Gayunpaman, pagmumultahin ng hanggang P200,000 at ipasasara ang negosyo ang katapat na parusa sa sinumang lumabag ditto, ayon pa rin sa kanya.

Matutulungan umano ang mga solo parent, dagdag pa ng solon na mabigyan nang magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Wednesday, June 17, 2009

1.2 bilyong piso, ilalaan para sa UP Mindanao

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas ang paglalaan ng P1.2 bilyong piso para sa pagpapaunlad ng University of the Philippines (UP) sa Mindanao.

Ang paglalaan ng naturang halaga ay base na rin sa isinumite nina House Speaker Prospero Nograles at Deputy Speaker Simeon Datumanong na panukala, ang HB05946 na naglalayong palawigin pa ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa UP upang maipatupad ang medium-term development plan para sa taong 2009 hanggang 2012 na nakatuon sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Sinabi ni Nograles na nararapat lamang na bigyang suporta ng pamahalaan ang UP Mindanao lalo na sa aspetong inprastraktura upang makatugon ang nasabing paaralan sa kanilang mandato.

Aniya, para makasabay ang UP Mindanao sa pag-unlad ng buong Kamindanawan, nararapat lamang na bigyang suporta ang UP sa pinansiyal na aspeto nito maliban pa sa regular na suportang kanilang natatanggap bilang Internal Operating Budget ng UP na nakapaloob na sa taunang pondo ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, pupundohan ang iba't-ibang proyekto ng institusyon para sa nabanggit na mga taon upang maipatutupad ang pagpapatayo ng mga gusali para corporate management, dormitoryo para sa mga mag-aaral nito, pagsasaayos ng buong unibersidad kabilang na ang pagpapaganda ng buong kapaligiran nito at ng University avenue, Mindanao loop at Oblation Plaza at pagpapatayo ng UP Mindanao main library.

Ang halagang kakailanganin ng UP Mindanao para maipatupad ang lahat ng ito ay isasama sa national budget ng kasalukuyang taon at sa mga susunod pang General Appropriations Act na aaprubahan para sa mga susunod pang taon.

Tuesday, June 16, 2009

Arnis, idideklarang pambansang laro

Isinusulong ni Negros Occidental Rep Pryde Henry Teves sa Kamara de Representantes ang pagpapatibay ng panukalang batas, ang HB06189, na magdedeklara ng larong arnis bilang pambansang laro.

Sinabi ni Teves na ang pagkakadeklara ng arnis bilang pambansang laro ay magbibigay ng malaking karangalan para sa mga atletang Filipino dahil kilala ang arnis bilang pambasang laro sa maraming rehiyon gayundin sa mga pambansang kompetisyon.


Tinuran ni Teves ang nasusulat sa kasaysayan na pinaniniwalaang bihasa sa arnis umano si Lapu-lapu, ang matapang na mandirigma na nagtanggol sa isla ng Mactan laban sa pananakop ni Ferdinand Magellan noong Abril 27, 1521 at tinuruan umano ni Lapu-lapu ng arnis ang kanyang mga tauhan para labanan ang hukbo ni Magellan at ito rin ang pangunahing pangtanggol sa sarili simula pa noong panahon ng mga Kastila.


Ayon sa kanya, tulad umano ng Judo, Karate at Taekwondo na sumikat sa Pilipinas at sa ibang bansa, ang modernong arnis ay natatanging laro sa larangan ng martial arts at isa umanong malaking karangalan na magkaroon ng pambansang laro para sa mga atletang Filipino na kakaiba sa mga kalabang koponan sa International Sports Competitions.


Mayroon umano tayong pambansang awit, watawat, prutas at iba pang simbolo na nagbibigay ng natatanging pagkilala mula sa ibat’ ibang bansa at bilang isang mamahaling hiyas at pambansang kultura na nagmula sa Pilipinas, ang arnis ay isang larong katutubo at bukod-tangi para sa Filipino.

Itatatak ang simbolo ng arnis sa official seal ng Philippine Sports Commission (PSC) kapag naisabatas ang panukala bilang hudyat na ang arnis ay ang pambansang laro.

Produksiyon ng bigas at asukal, patataasin

Palalakasin ng dalawang komite sa mababang kapulungan ng Kongreso ang programa na magpapabawas sa kahirapan at ma-iangat ang pamumuhay ng mga mahihirap sa pamamagitan ng matatag na programa sa ekonomiya.

Pagtutuunan ng ibayong pansin na mapataas ang produksyon sa organikong bigas at asukal na muscovado na mabibili ngayon sa mga pamilihan.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA), nilagdaan nina Marikina Rep Marcelino Teodoro, Chairman ng House Committee on People’s Participation, at Cebu Rep Nerissa Corazon Soon-Ruiz, Chairperson ng House Special Committee on Millennium Development Goals, kasama ang mga kinatawan ng Philippine Development Assistance Program (PDAP).

Sinabi ni Teodoro makakatulong at epektibo ang MOA upang isulong ang mga programa sa negosyo para sa mga mahihirap at magkakaroon ng kasunduan ang Kongreso at PDAP para sa ikabubuti ng proyekto ng NGO. Isa rin itong mabuting paraan upang bumalangkas ng mga panukalang batas para lutasin ang isyu ng kahirapan.

Ayon naman kay Soon-Ruiz, popondohan ito ng mga Kongresista mula sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Thursday, June 11, 2009

Dapat ituro sa eskwela ang Konstitusyon

Batay sa isinagawang pag-aaral ng Pulse Asia noong 2006, halos kalahati daw ng humigit-kumulang sa 90 milyong Pilipino ang hindi nakakaalam sa nilalaman ng Saligang Batas at iba pang pangunahing batas ng bansa.

Bunsod nito, naghain si Cavite Rep Elpidio Barzaga ng HB05763 na may layuning isama sa pagtuturo sa lahat ng aantas ng paaralan ang nilalaman ng Konstitusyon at ituro rin sa lahat ng antas ang mga batas na dapat pairalin sa bansa.

Sinabi ni Barzaga na sa isinagawang survey ng Pulse Asia ay nakumpirma ang resulta ng naunang survey noong 2003 kung saan sinasabing 21 porsiyento ng mga Pilipino ay walang alam sa Konstitusyon samantalang 54 porsiyento naman umano ay kakaunti lamang ang nalalaman dito.

Sa ilalim ng panukala ni Barzaga, magiging mandatory ang pagtuturo ng Konstitusyon at ng mga batas ng bansa sa lahat ng antas ng edukasyon, mula elementarya, secondarya at sa kolehiyo, maging ito man ay pribado o pampublikong paaralan.

Nararapat lamang umanong matutunan ng ating mga kabataan ang Konstitusyon ng Pilipinas at ang mga batas na umiiral sa ating bansa dahil sila ang mga magiging lider sa hinaharap.

Ayon pa sa mambabatas dapat lamang na mahalin at isaisip ng bawat Pilipino ang Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas dahil ang lahat ng nakapaloob sa mga ito ay nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng bawat mamamayan.

Pangangalakal sa edukasyon, ipinatitigil ng solon

Dapat matigil na ang pangangalakal ng mga paaralan sa edukasyonsa pamamagitan ng pagdeklarang maging labag na sa batas na isama ang board review session sa kurikulum sa mga magtatapos na mag-aaral.

Ito ang nilalaman ng inihaing panukala, ang HB02380, ni Bayan Muna Rep Teddy Casino na may layuning pagmumultahin ng halagang P100,000 hanggang P300,000 at ituturing na kasong kriminal ang sinumang paaralan ang sapilitang pag-aralin ang kanilang mga estudyante sa mga review center na kanilang pag-aari o koneksyon.

Sinabi ni Casino na ang ganitong gawain ay nagpapabawas sa karapatan at kalayaan ng bawat mamamayan na protektado ng ating Konstitusyon at ang lahat ay may kalayaang mamili ng paraalan sa nais nila at dapat itigil na ang pangangalakal sa edukasyon.

Hinalimbawa ng mambabatas ang gusot na nangyari noong 2006 sa nursing board examination kung saan nakita at nailantad sa publiko ang totoong kalagayan ng sistema ng ilang tiwaling institusyon sa edukasyon.

Hindi lamang daw pandaraya ang naging isyu sa ilang review centers kundi ang mataas na sinisingil ng nursing schools kapag isinama ang board review session at wala nang pagkakataon ang mga estudyante na mamili ng review center na kanilang nais.

Nakasaad din sa panukalang batas na iligal na ipagkait ang scholastic documents sa mga estudyante at igiit ang review centers na gusto ng paaralan.

Industriya sa urban pest control, babantayan

Ipinanukala ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona sa HB06380 na palawigin ang hurisdiksiyon o nasasakupan ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) upang masakop nito ang pangangasiwa sa industriya ng urban pest control.

Sinabi ni Guingonan na ang industriya ng urban pest control na sangkot sa pagnenegosyo ng mga kemikal at substances ay masasabing hindi napangangasiwaan o regulated, lalo na ang hinggil sa kalidad, kaligtasan, at bisa ng pest control products at pest control treatments na ginagamit ng mga operator.

Ayon pa kay Guingona, ang industriya ay dapat lang na mabigyan ng priyoridad sa paggawa ng batas dahil kaugnay ito ng kalusugan at kapakanan ng mga consumer at kailangang tiyakin ang pagsunod sa consumer at environmental standards sa pamamagitan ng pagrepaso sa pangangasiwa o regulation sa mga area na ito.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang regulation o pangangasiwa ay lalong makapagpapatatag sa kredibilidad ng isang industriyang batbat ng fly-by-night operators na walang pagpapahalaga sa pagsunod sa mga istandard o alituntunin.

Ito rin umano ang magbibigay daan upang matiyak ang pagpasok at pakikilahok ng mga bagong players na magdadala ng panibagong teknolohiya at mas mataas na pamantayan o standards para sa kapakinabangan ng mga consumer.

Tuesday, June 09, 2009

Mga malalaswang billboard sa lansagan, dapat nang baklasin

Binatikos ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro ang mabagal na aksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para pagtatanggalin ang mga malalaswang billboard na nakakabit sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Matapos pumutok sa publiko ang maiskandalong sex video nina cosmetic surgeon Hayden Kho at aktres na si Katrina Halili, kaagad na kumilos ang Operation Baklas Billboard ng DPWH upang aksyunan ang kanilang kampanya laban sa malalaswang billboards.

Ipinahayag ni Teodoro na kung hindi pa nangyari ang Kho-Halili sex video scandal ay hindi kikilos ang DPWH para alisin ang mga sexy designs sa billboards na nakabalandra sa mga lansangan, bagay na dapat nilang seryosong isagawa at hindi pabagu-bagong patakaran at resposibilidad sa publiko.

Sinabi ng mambabatas na dahil ito ang karaniwang problema ng ilang ahensiya ng pamahalan, dapat lamang daw na bigyan ng proteksyon ang mga kabataan mula sa mga malalaswang billboards lalo na ngayong simula na ang pasukan sa mga paaralan.

Ayon sa kanya, dapat huwag nang bigyan ng kahihiyan ang mga kababaihan at huwag din silang gawing paksa ng pagnanasa ng sinuman.

Nang humagupit sa bansa ang bagyong Milenyo noong taong 2006 na naging sanhi sa pagkawasak ng mga naglalakihang billboard lalo na sa kahabaan ng EDSA, ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tanggalin ang mga iligal na billboards sa kamaynilahan.

Wednesday, June 03, 2009

Pinagtibay ng Kongreso ang iilang mga mahahalagang batas

Ipinahayag ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na naging matagumpay ang tatlong taong singkad ng mga mambabatas sa ika-14 na Kongreso ng Pilipinas, nang isabatas nila sa ikatlo at huling pagbasa ang mga makabuluhang panukalang batas na tiyak na pakikinabangan ng sambayanang Filipino.

Sinabi ni Nigrales na dugo at pawis ang kanilang ipinuhunan sa bawat panukalang batas at ibinigay umano nila sa taumbayan ang dapat na para sa kanila sapagkat ito ang House of the People.

Unang-una sa pinagtibay ng Kongreso at bilang tugon na rin sa ilang kritisismo sa labas at loob ng bansa, pinagbuti ang pagtataguyod at proteksiyon sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-apruba sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang parusa para sa labis na pagpapahirap at biktima ng salvage.

Maiibsan naman ang mabigat na pasanin ng mamamayan sapagkat may magko-kontrol na sa liquefied petroleum gas (LPG) at mga industriya nito, gayundin ang Rent Control Act of 2009.

Pagkakalooban naman ng tulong pinansyal ang mga naging biktima ng kalamidad, sakuna at domolisyon sa peligrosong lugar kabilang na ang mga biktima sa itinatayong gusali na proyekto ng gobyerno at para naman sa mga mahihirap, hindi sila magpi-piyansa kapag non-capital offense o first time offender.

Pinagtibay din ng Kongreso upang palakasin ang programa para sa mga bagong silang na sanggol at pagkalinga sa mga batang inabandona ng mga magulang at ang Expanded Breastfeeding Promotion Act.

Inaprubahan din ang panukalang batas na naglalayong maglikha ng Climate Change Commission at magtatag ng marine protected areas sa lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa.

Upang maitaguyod ang isang malinis at mapayapang eleksyon, pinagtibay ang supplemental budget para maglaan ng pondong P11.3 bilyon para sa automated election system (RA 9525) at ang biometric registration para sa lahat ng rehistradong botante.

Tiyak namang ikatutuwa ng mga empleyado ng gobyerno ang nakapaloob sa House Joint Resolution 36, ang Salary Standardization III at ang mabilis na pagbibigay ng retirement benefits sa loob ng 15 araw.

Pag-angkat ng arina na di binubuwisan, tinutulan

Mariing tinutulan ni ABA-AKO party-list Rep Leonardo Montemayor ang pagpapalawig ng zero-percent tariff sa mga inaangkat na arinang ginagamit sa paggawa ng tinapay at pakain o patuka ng mga alagang hayop.

Ayon kay Montemayor kapag pinalawig ang pagpapatupad ng Executive Order 765 kung saan walang binabayarang taripa ang pag-aangkat nito ay maaapektuhan ang humigit-kumulang sa 600,000 magsasaka ng mais at ang kanilang pamilya.

Ayon pa kay Montenayor ang pagpapalawig ng zero-percent tariff ay hindi naaayon sa panawagan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mamili ang National Food Authority (NFA) ng kahit 300,000 metriko toneladang mais sa halagang P13 kada kilo upang matulungan ang mga lokal na nagtatanim ng mais.

Nanawagan din si Montemayor sa House Committee on Ways and Means na agad aksiyunan ang isyung ito dahil matindi aniya ang magiging epekto ng EO 765 sa kabuhayan ng magsasaka at maging sa buong bansa kapag muli itong ipinatupad.

Agad namang itinakda ng Committee on Ways and Means sa pangunguna ni Antique Rep Exequiel Javier ang pagtalakay sa inihaing isyu ni Montemayor.

Ang EO No. 765 ay ipinalabas noong November 7, 2008 at ito ay nagtatakda sa mga nag-aangkat nito ng tariff of zero percent sa milling at feed wheat.

Ayon kay Montemayor, nagkaroon ng EO 765 dahil na rin sa pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng arina para sa paggawa ng tinapay noong nakaraang taon ngunit para maiwasan umano ang mga maling pagdideklara, isinama na ang feed wheat imports sa inalisan ng taripa.

Idinagdag pa ng solon na ang nabanggit na mula nang ipatupad ang EO ay nakapagtala ito ng humigit-kumulang sa P1 bilyong pisong pagkalugi sa pamahalaan.

Ang EO ay nakatakdang mawalan ng bisa sa darating na June 21 ng taong kasalukuyan ngunit may ilang sektor, ayon pa kay Montemayor, ang nagsusulong upang palawigin ang EO 765, kapag nag-adjourn ang Kongreso ngayong linggong ito.

Dagdag pa ni Montemayor, may natatanggap na ulat ang kanyang tanggapan kung saan kapag tuluyang napalawig ang EO 765 ay may humigit-kumulang sa 300,000 metriko toneladang duty-free feed wheat ang nakatakdang pumasok sa bansa sa darating na Hulyo.

Kung totoo ang mga ulat na ito, ayon pa sa kanya, ang mga imported duty-free feed wheat na ito ay magiging sanhi upang lalong malugi ang mga lokal na magsasaka ng mais dahil tuluyan nang babagasak ang presyo ng kanilang sinakang pananim at ang pa pa umano ay nakatakdang dumating ang mga feed wheat na ito sa panahong anihan na ng lokal na mais.

Tuesday, June 02, 2009

Mas nakakatakot ang Dengue kaysa sa A1H1 virus, ayon sa DOH

Nagbabala ang Dapartment of Health (DOH) sa publiko na dapat mas matakot at iwasang magkasakit ng dengue kaysa sa madapuan ng sakit na A (H1N1) virus.

Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque na may isang porsiyento lamang ang tsansa na mamatay ang pasiyente ng A (H1N1) virus kumpara sa sakit na dengue na mas nakamamatay at may 57 katao na ang namatay sa Southeast Asian countries dahil sa dengue.

Ngunit kinumpirma ng DOH na umabot na sa 16 ang mayroong influenza A (H1N1) virus sa bansa bukod sa nananatiling nasa alert level 2 ang impeksiyon.

Dahil dito, nanawagan si Iloilo Rep Janette Garin sa taumbayan na manatiling kalmado at mapagtimpi sa gitna ng tumataas na bilang ng A (H1N1) sa bansa at kanyang ipinahayag din ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan ng DOH para patuloy na mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Sinabi ni Garin na walang dapat ikabahala ang publiko dahil mayroon tayong sapat na mga gamot na panlunas sa virus na ito kaya't hiniling niya sa taumbayan na sundin ang mga payo ng DOH para sa wastong pangangalaga sa katawan at kalusugan at maging mapagmatyag at iulat sa kinauukulan ang posibleng kaso ng A (H1N1) upang mapigilan ang anumang pagkalat nito.

Kabataang Filipino, dapat nakaboto sa susunod na eleksiyon

Nangangamba si Kabataan party-list Rep Raymund Palatino na baka hindi makakaboto ang may tatlong milyong mga kabataan Filipno sa susunod na eleksiyon kapag hindi pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang takdang petsa para sa pagpapatala ng mga botante.

Dahil dito, hiniling ni Palatino sa Comelec sa pamamagitan ng HR01162 na ibalik sa dating takdang petsang na ika-15 ng Disyembre 2009 mula sa kasalukuyang nakatakdang petsa na ika-30 ng Oktubre 2009 ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante.

Sinabi ni Palatino na mabibigyan ng karapatang makaboto ang mga kabataan kapag pinalawig ng Comelec ang deadline ng voters’ registration ngunit kung hindi, ay parang inalisan na nila ng karapatang makaboto ang mga ito.

Matatandaang nagpahayag ang Comelec na iniurong nila ang takdang petsa ng pagtatala ng mga botante upang magkaroon ng pagkakataong mapaghandaan ang automated elections sa 2010.

Ayon naman kay Palatino, hindi makakasagabal ang automation sa pagpapatala ng mga botante at ang partisipasyon ng mga kabataan sa halalan, sa pamamagitan ng karapatan sa pagboto, ay mahalagang karapatan na dapat kilalanin.


Monday, June 01, 2009

Philippine Sports Commission, babalasahin

Batay sa kasalukuyang Karta ng Philippine Sports Commission (PSC), ang RA06847, hindi binibigyan ng katiyakan ang termino ng tagapangulo at apat na komisyunado nito.

Bunsod nito, naghain si House Speaker Prospero Nograles ng panukala, ang HB06242, na may layuning mabigyan ang mga opisyales ng Commission ng apat na taong permanenteng termino o kapangyarihan alinsabay sa termino ng Olympics para maipagpatuloy at maipatupad ng tuwiran at buhayin ang mga programa ng komisyon.

Sinabi ni Nograles na iminungkahi niya ang naturang pag-amiyenda sa karta upang mabigyan ng mas mahabang termino ang mga opisyales ng nabanggit na tanggapan para maipatupad ng husto ang mga programa ng palakasan sa bansa.

Ayon sa kanya, maaari umanong italaga ngayong araw na ito bilang chairman at mga commissioner ang mga appointee pero sisibakin din sila sa susunod na araw kaya dapat na mabibigyan ng katiyakan ang mga opisyales na ito sa pamamagitan ng pagtalaga sa kanila ng apat na taong permihang termino o kapangyarihan .

Sa ganitong paraan umano maaangkin ng PSC officials ang mga programa upang maghanap ng mga magagaling at talentadong mga atleta na kanilang sasanayin para isama sa ibubuong national pool na ipapadala sa Olympic games.

Sa pag-amiyenda ng RA 6847, bibigyan ng kapangyarihan ang PSC Board of Commissioners na palakasin, ipahayag at magpatupad ng mga alituntunin at kautusan na kinakailangan para makamit ng PSC ang kanilang minimithing layunin.


Free Counters
Free Counters