Produksiyon ng bigas at asukal, patataasin
Palalakasin ng dalawang komite sa mababang kapulungan ng Kongreso ang programa na magpapabawas sa kahirapan at ma-iangat ang pamumuhay ng mga mahihirap sa pamamagitan ng matatag na programa sa ekonomiya.
Pagtutuunan ng ibayong pansin na mapataas ang produksyon sa organikong bigas at asukal na muscovado na mabibili ngayon sa mga pamilihan.
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA), nilagdaan nina Marikina Rep Marcelino Teodoro, Chairman ng House Committee on People’s Participation, at Cebu Rep Nerissa Corazon Soon-Ruiz, Chairperson ng House Special Committee on Millennium Development Goals, kasama ang mga kinatawan ng Philippine Development Assistance Program (PDAP).
Sinabi ni Teodoro makakatulong at epektibo ang MOA upang isulong ang mga programa sa negosyo para sa mga mahihirap at magkakaroon ng kasunduan ang Kongreso at PDAP para sa ikabubuti ng proyekto ng NGO. Isa rin itong mabuting paraan upang bumalangkas ng mga panukalang batas para lutasin ang isyu ng kahirapan.
Ayon naman kay Soon-Ruiz, popondohan ito ng mga Kongresista mula sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
<< Home