Monday, September 30, 2024

 Hajji Handang tumugon si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sakaling alukin ng administrasyong Marcos na pumalit bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government.


Ayon kay Barbers, maituturing na isang pribilehiyo ang tawagin ng pangulo ng bansa upang gawing katiwala ng isa sa mga ahensya ng gobyerno.


Sakaling imbitahan sa posisyon ay gagawin umano ni Barbers ang trabaho hindi para sa iisang tao kundi para sa bayan.


Gayunman, nilinaw ng kongresista na wala pa namang kumakausap sa kanya o nag-aalok na maging susunod na DILG Secretary bagama't may mga nagtatanong na sa kanya.


Kung mabibigyan ng pagkakataon ay magiging isang karangalan aniya ang makapagserbisyo.


Mababatid na naging kalihim din noon ng DILG ang ama ni Congressman Ace na si dating Senador Robert "Bobby" Barbers sa ilalim ng administrasyong Ramos.


Ang nakababatang Barbers ay nakatakdang matapos ang termino sa Kongreso sa susunod na taon.

Saturday, September 28, 2024

23, 24 September 2024 NPP



 

RPPt Quad Comm: Paglipat kay Cassandra Ong legal



Iginiit ng mga lider ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na legal ang naging desisyon ng panel na ilipat ang Philippine offshore and gaming operators (POGO) person-of-interest na si Katherine Cassandra Li Ong sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.


Sa isang pahayag, sinabi nina Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, at Antipolo Rep. Romeo Acop na dumaan sa due process at legal na proseso ang paglipat kay Ong na iniuugnay sa iligal na operasyon ng POGO.


"We want to make it clear: Ms. Ong's transfer to the Correctional Institute for Women is legal. The QuadCom has followed all necessary protocols, and the decision is rooted in the rule of law,” sabi ng mga lider ng Quad Committee.


“Walang nilabag na batas ang Quad Comm sa pag-utos na ilipat si Ms. Ong sa correctional. Lahat ng aksyon ng committee ay naaayon sa aming Rules of Procedure at sa batas,” sabi pa nila.


“Her lawyers were the ones who said that Cassy Ong would prefer to be detained in a prison cell rather than in Congress. Cassy should blame her lawyers for putting her in this uncomfortable position,” dagdag pa ng mga ito.


Wala rin umanong basehan at haka-haka lamang ang alegasyon na sapilitan ang naging desisyon na ilipat si Ong.


“Walang basehan ang mga paratang na ito. Our legislative inquiries are designed to seek the truth and uphold justice, not to manipulate the outcome of these proceedings,” wika pa ng mga ito.


Bilang tugon sa mga pahayag na ang paglipat ni Ong ay maaaring lumabas sa international human rights conventions, sagot ng mga mambabatas, “We are carefully looking into all concerns regarding international conventions. We assure the public that we remain committed to respecting the rights of individuals, and ensuring that all actions taken are in compliance with both domestic and international laws.”


Iginiit ng mga lider ng komite ang kahalagahan na hayaang magpatuloy ang proseso ng isinasagawang congressional investigation.


"It's important that we let the system work. Casting baseless accusations does nothing but create confusion and divert attention from the real issues at hand," saad ng mga solon.


Bago rin umano inilipat si Ong ay tiniyak na nasa maayos itong kalusugan at ligtas sa paglilipatan sa kanya taliwas sa pangamba ng kanyang mga abugado.


"Ms. Ong’s well-being is a priority. The authorities have ensured that her transfer was conducted safely and with respect for her rights," wika pa nila.


Sinabi rin ng mga mambabatas na isinasagawa ang pagdinig ng mayroong transparency habang inirerespeto ang karapatan ng mga resource person. 


"We cannot allow the narrative to shift away from the truth. All of the proceedings have been open and conducted with transparency. Ms. Ong, like anyone else, deserves her day in court," sabi ng mga kongresista.


“Bilang mga lingkod-bayan, tungkulin nating tiyakin na ang lahat ng proseso ay naaayon sa batas at patas. Huwag nating hayaang masira ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon.”


Si Barbers ang overall chair ng Quad Comm at chairman ng House Committee on Dangerous Drugs. Si Fernandez naman ang chairman ng Committee on Public Order and Safety, si Abante ang chair ng House Committee on Human Rights, at si Paduano ang chair ng House Committee on Public Accounts. 


Si Acop ay vice chair ng apat na komite at chairman ng House Committee on Transportation. (END)

————————-

Garma itinuro na nasa likod ng pagpatay sa PCSO official noong 2020



Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nag-akusa kay dating Philippine Charity Sweepstakes Officer (PCSO) General Manager Royina Garma na siyang nasa likod ng pagpatay sa isang opisyal ng PCSO noong 2020.


Sa kanyang sinumpaang salaysay na binasa sa pagdinig ng Quad Committee nitong Biyernes, ibinunyag ni Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza – isang aktibong miyembro ng PNP Drug Enforcement Group – na si Garma ang umano’y nag-utos ng pagpatay kay dating police general na si Wesley Barayuga na noo'y Board Secretary ng PCSO.


Bukod dito, si Garma ay nauna ng iniugnay ng apat na testigo na nasa likod sa pagpaslang sa mga Chinese drug lord Chu Kin Tung, Li Lan Yan, at Wong Meng Pin na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016. Nadawit din sa naturang pagpatay si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumawag umano kay dating warden Supt. Gerardo Padilla para batiin sa pagkakapatay sa tatlong Chinese.


Sa sinumpaang salaysay ni Mendoza ay idinetalye nito ang pagpatay kay Barayuga, na isinagawa sa Mandaluyong City noong 2020.


Sinabi ni Mendoza na noong Oktobre 2019 ay kinontak siya ni Police Col. Edilberto Leonardo kaugnay ng isang “special project” kung saan lilikidahin si Barayuga, na umano’y sangkot sa mga ilegal na aktibidad ng droga.


Ayon kay Mendoza sa kabila ng pag-aalinlangan, napilitan siyang sumang-ayon sa plano dahil ang utos ay direktang galing kay Garma, na noo’y General Manager ng PCSO at dating opisyal ng PNP.


“Sinabi ni Colonel Leonardo na ang pagsasagawa ng proyektong ito ang magdidikta sa direksyon ng aking karera bilang isang pulis,” ayon kay Mendoza sa kaniyang sinumpaang salaysay.


Binanggit din niya na umano’y nagbigay si Garma ng personal na kaalaman tungkol sa mga sinasabing ilegal na aktibidad ni Barayuga, na naging dahilan upang isagawa ang plano.


Ayon pa sa salaysay, naantala ang plano ng pagpatay kay Barayuga dahil sa lockdown na dulot ng COVID-19, kayat limitado ang paggalaw at mga operasyon ng gobyerno.


Gayunpaman, naisakatuparan ang plano noong Hunyo 2020, nang muling makipag-ugnayan si Leonardo kay Mendoza, na pinamamadali ang misyon.


“Matapos lumuwag ang mga lockdown measures at restrictions, muling nakipag-ugnayan sa akin si Colonel Leonardo noong Hunyo 2020 at binigyang-diin ang kahalagahan ng proyekto, lalo na't matagal na ang lumipas mula sa kanyang paunang utos,” saad pa nito.


“Sa kanyang panghihikayat, sumang-ayon ako na muling kausapin si Nelson Mariano upang alamin kung may nahanap na siyang taong angkop para sa itinakdang gawain,” dagdag pa ni Mendoza.


Si Mariano ay isang informant ng PNP na may kilala umanong mga tao na kayang magsagawa ng pagpatay.


Ayon kay Mendoza, si Mariano ang responsable sa pagkuha ng hitman nasi “Loloy.”


“Sinabi niya na maaasahan si 'Loloy' at kayang tapusin ang ibinigay na gawain,” ayon pa rito.


Ang pinaka-mabigat na bahagi ng sinumpaang salaysay ni Mendoza ay ang akusasyon kay Garma ng direktang pakikilahok sa plano ng pagpatay.


Iginiit ni Mendoza na si Garma mismo ang nagbigay ng litrato ni Barayuga sa isang pulong ng PCSO upang mapadali sa mga hitman sa pagtukoy sa target.


“Sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi na kami mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag-isyu na si Ma'am Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Wesley Barayuga, at binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan,” ayon pa sa kaniyang testimonya.


“Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano,” dagdag pa nito.


Matapos ang matagumpay na pagpatay kay Barayuga, binanggit ni Mendoza na inaprubahan ni Garma ang pagbabayad ng P300,000 sa mga operatibang sangkot sa pagpatay, na ang pera ay ipinamigay ng middleman na tinatawag bilang “Toks.”


Ayon kay Mendoza, nakatanggap siya ng P40,000 bilang kanyang bahagi, at sinabing ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa nina Garma at Col. Leonardo.


“Matapos na matagumpay na naisagawa ang operasyon, ipinaalam sa akin ni PCOL Leonardo na si Ma'am Garma ay nagbigay ng P300,000 bilang kabayaran para sa aming trabaho at ito ay iaabot ni ‘Toks’ sa aking middleman na si Nelson Mariano,” saad nito.


“At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran,” dagdag pa ni Mendoza.


Sa pagtatapos ng kaniyang affidavit, tiniyak ni Mendoza sa panel na ang kaniyang testimonya ay binigay nang kusang-loob, nang walang pamimilit o bayad, at para sa layunin ng mga legal na proseso.


"Isinagawa ko ang salaysay na ito upang patunayan ang katotohanan ng mga nabanggit na pangyayari," saad pa nito. (END)

————————-

Inosente ang pinatay, pulis kumanta sa pagpatay sa PCSO official



Ikinanta ng isang pulis ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga, isang dating heneral.


Ipinahayag ni Police Lt. Col. Santie Mendoza sa House Quad Comm noong Biyernes ang pagsisisi sa pagsunod sa kanyang mga upperclassman sa Philippine National Police Academy (PNPA) na sina National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO general manager Royina Garma.


Si Barayuga, na isang abogado, ay miyembro rin ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1983.


Isinumite ni Mendoza ang kanyang affidavit sa joint panel kung saan tinukoy nito sina Leonardo at Garma, na kapwa malapit kay dating Pangulong Rodrigo Rodrigo Duterte, na nasa likod ng pagpatay kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020.


Sa ikapitong pagdinig ni Quad Comm kaugnay sa extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte, tinanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro si Mendoza kung bakit siya umiiyak at nanginginig habang binabasa ang kanyang sinumpaang pahayag.


“Your Honor, hindi ko maiwasan na maiyak kasi tinuring ko silang mga upperclass tapos ang taas ng tingin ko sa kanila, eh binigyan ako ng trabaho na masakit sa dibdib eh,” sagot ni Mendoza.


“Ano po ‘yong masakit sa dibdib Col. Mendoza?” Tanong pa ni Luistro.


“Binigyan po ako ng trabaho ng mga upperclass ko na ikakasira ng buhay ko,” tugon ni Mendoza.


“And why do you believe na ang trabahong ito ay ikakasira ngayon ng buhay mo?” Muling tanong ni Luistro.


“Eh kasi po pumatay kami ng inosente eh,” ayon pa sa testigong opisyal ng PNP. 


“Pumatay kayo ng inosente?  And can you please state for the record sino ‘yong inosenteng tao na pinatay mo, pinatay niyo?” Ayon kay Luistro. 


“Si Sir Wesley Barayuga po,” sagot pa ni Mendoza.


Sa kanyang sinumpaang affidavit, sinabi ni Mendoza na si Leonardo ang kumontak sa kanya noong Oktubre 2019 tungkol sa “pag-operate” sa isang high value target na umano’y sangkot sa ilegal na droga na kalaunan ay nakilala bilang si Barayuga.


Sinabi niya na ipinaalam sa kanya ni Leonardo na ang utos na ‘i-operate’ si Barayuga ay nagmula kay Garma.


Ayon kay Mendoza na karaniwang lengguwahe sa mga pulis noon na ang terminong “operate” ay kasama ang pagpatay sa target, batay sa mga tala ng extrajudicial killings na isinagawa sa madugong anti-drug war ng administrasyong Duterte.


Ipinahayag din sa testimonya ni Mendoza,  na kasunod ng kahilingan ni Leonardo, humingi siya ng tulong kay Nelson Mariano, ang informant sa illegal drugs, na maghanap ng hitman.


Nakipag-ugnayan umano si Mariano sa isang “Loloy” upang isagawa ang pagpatay, kung saan sila ay binayaran ng P300,000 ng isang nagngangalang “Toks,” na diumano’y malapit na kasamahan ni Garma.


Si Leonardo ang nag-refer kay “Toks” kay Mendoza, ayon sa pa testimonya nito.


Sinabi pa ni Mendoza sa kaniyang testimonya, na sa araw na inambus ni “Loloy” si Barayuga, nakakatanggap sila ng real-time information tungkol sa galaw nito, mula sa oras na siya ay nasa pulong sa PCSO kasama si Garma hanggang sa siya ay umalis sa gusali ng tanggapan sa Mandaluyong City.


Aniya, na ang impormasyon, kabilang ang sasakyan na ginagamit ng yumaong board secretary ng PCSO at ang plaka nito, ay nagmula kay Leonardo at ibinigay ni Garma.


“Noong Hulyo 30, 2020, muling tumawag si Colonel Leonardo at ipinaalam sa akin na ang target na si Wesley Barayuga ay nasa PCSO at maaari na naming isagawa ang operasyon. Ipinadala niya sa akin ang larawan ni Wesley Barayuga habang ito ay nasa conference meeting sa loob ng PCSO. Sinabi ni Colonel Leonardo na ang larawan ni Wesley Barayuga ay kinuha at ipinadala sa kanya ni Ma'am Garma,” saad pa nito.


“Sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi na kami mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag-isyu na si Ma'am Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Wesley Barayuga, at binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan. Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano,” dagdag pa ni Mendoza.


Si Mariano naman ang nagpapasa ng impormasyon sa umano’y gunman na si “Loloy.”


Ayon pa sa pahayag ni Mendoza, sumunod siya sa utos ni Leonardo dahil sa takot para sa kanyang buhay at karera, maging sa kaligtasan ng kanyang pamilya, dahil sa diumano’y malapit na ugnayan nina Leonardo at Garma kay dating Pangulong Duterte at sa mga extrajudicial killings sa Davao City at sa giyera kontra droga. (END)

—————————

Garma tinawag na ‘ruthless killer’ na nagkukunwaring maamong tupa



Isinalarawan ng isang mambabatas ang retiradong police colonel na si dating General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma bilang ‘ruthless killer’ na nagtatago umano sa likod ng inosenteng anyo upang isagawa ang mga brutal na krimen.


Ginawa ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang pahayag na ito matapos magbigay ng pahayag sa House Quad Committee ang dalawang testigo na nag-aakusa kay Garma na siyang utak ng pagpaslang kay PCSO board secretary at retired police general Wesley Barayuga noong Hulyo 2020.


“Mr. Chair, Col. Garma is a woman disguised as a meek lamb, but deep inside her, she is a ruthless killer, killing without mercy innocent people, killing without remorse innocent victims, especially in the war on drugs,” ani Pimentel sa ikapitong pagdinig quad committee na nagiimbestiga sa extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.


Sa testimonya ni Police Lt. Col. Santie Mendoza, sinabi nitong ipinag-utos ni Garma ang pagpatay kay Barayuga kapalit ang halagang P300,000, ang pahayag na kinumpirma naman ni retiradong si Police Col. Nelson Mariano, na umamin na siyang naghanap ng hitman.


Ipinaliwanag ni Mendoza na nagsimula ang plano noong Oktubre 2019 nang lapitan siya ni Police Col. Edilberto Leonardo tungkol sa isang “special project” upang i-eliminate si Barayuga na iniuugnay sa illegal drug activities.


Sa kabila ng pag-aalinlangan, napilitang sumunod si Mendoza lalo’t ang utos ay direktang galing kay Garma na kilalang malapit sa noo’y Pangulong Duterte.


Sa kanyang interpelasyon, sinabi ni Pimentel na si Garma ang nagplano ng pagpatay upang hadlangan si Barayuga sa paglalantad ng korapsyon sa loob ng PCSO.


“The motive of the killing of Gen. Barayuga was to stop General Barayuga from testifying against Col. Garma. ‘Yun po ang totoong nangyari, Mr. Chair,” ang pahayag ni Pimentel sa Quad Committee, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.


Pinalawig ni Pimentel ang kanyang mga pahayag, kung saan inakusahan si Garma sa pag-organisa ng iba pang mga pagpatay, base sa mga testimonya at ebidensya mula sa iba’t ibang saksi at resource person na ipinakita sa komite.


Hindi bababa sa apat na saksi ng Quad Comm ang nagsasangkot kay       Garma na nag-utos para patayin ang tatlong hinihinalang Chinese drug lords sa isang bilangguan sa Davao noong 2016, sa simula ng anti-drug war ng administrasyon ni Duterte.


Nasangkot din si dating Pangulong Duterte sa mga pagpatay, na diumano’y bumati kay Supt. Gerardo Padilla, ang warden ng bilangguan noon, matapos patayin ng mga hitman na sina Leopoldo “Tata” Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro ang tatlong Chinese inmates—sina Chu Kin Tung, Li Lan Yan, at Wong Meng Pin.


Ang mga pagpasalang na ito, na kinumpirma ng ilang saksi, ay itinuturing na bahagi ng malawakang EJK na konektado sa kontrobersyal na kampanya laban sa droga.


Tinukoy din ni Pimentel na nang italaga si Garma sa Cebu City, naitala ang 198 na pagpatay, batay sa ulat ni former Mayor Tommy Osmeña.


“And ngayon po, klarong-klaro po na ang mastermind ng pagpatay kay Gen. Barayuga ay walang iba po kung hindi si Col. Garma in cooperation, in cahoots with Col. Leonardo based on the testimony of our two resource persons,” ayon kay Pimentel.


Hinimok ni Pimentel ang komite na isama sa rekomendasyon ang paghahain ng kasong murder laban kina Garma at Leonardo sa kanilang report.


Ayon kay Pimentel, ang pagpatay kay Barayuga ay direktang konektado sa kanyang papel sa pagbubunyag ng korapsyon sa loob ng PCSO, partikular sa mga operasyon ng Small Town Lottery (STL).


“At the time of Gen. Barayuga’s killing, he was working with the NBI (National Bureau of Investigation) on an investigation into corruption at the PCSO,” ayon pa kay Pimentel.


Binanggit ni Pimentel ang sinabi ng  noo’y officer-in-charge ng NBI na si Eric Distor,  na si Barayuga ay “handa na may lahat ng dokumento at, sa katunayan, handa siyang magpatotoo laban sa korapsyon at mga ilegal na gawain sa PCSO.”


Dagdag pa ni Pimentel, kay Garma rin galing ang sasakyang ginamit ni  Barayuga sa araw ng ito ay pinaslang. 


“‘Yung nakita po niyong pickup [van] kanina na sinakyan ni Gen. Barayuga was given by Col. Royina Garma to make sure na ma-identify po si Gen. Barayuga. Kasi si Gen. Barayuga wala hong sasakyan ‘yun,” punto pa ni Pimentel.


Dagdag pa niya: “Kaya mahirap po i-surveillance dahil walang routinary procedure. Kaya binigyan po ni Col. Garma ng bagong pickup si General Barayuga. ‘Yun kasi ang binigay na impormasyon niya kay Nelson Mariano. Pati ang plate number, description sa araw ng pagpaslang.”


Si Barayuga ay binaril at napatay ng isang hindi kilalang salari na tumakas sakay ng motorsiklo dakong alas-3:30 ng hapon noong Hulyo 30, 2020, habang pauwi galing sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City. (END)

—————————

Quad Comm pina-contempt ang Napolcom commisioner, ikukulong sa Kamara


Pinatawan ng contempt ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang commissioner ng National Police Commission (Napolcom) na si Edilberto Leonardo dahil umano sa pagsisinungaling at iniutos ang pagkulong dito sa pasilidad ng Kamara sa Quezon City. 


Ang Quad Committee ay binubuo ng apat na komite na nag-iimbestiga sa mga extrajudicial killings na naganap sa panahon ng dating administrasyon at iba pang isyu.


Sa pagdinig, pinagtibay ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng Quad Committee, ang mosyon ni Abang Lingkod Partylist Rep. Stephen Paduano na i-cite in contempt si Leonardo dahil sa pag-iwas at pagsisinungaling sa joint committee.


Matapos maaprubahan ang mosyon ni Paduano, inihain ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mungkahi na ikulong si Leonardo sa loob ng Kamara ng hanggang sa matapos ang report ng Quad Comm. 


Si Leonardo ay dating police colonel  na nakatalaga sa Davao City.


Tinanong ni Paduano si Leonardo tungkol sa isang pulong sa Davao City na diumano’y dinaluhan nito ilang araw bago pinatay ng dalawang bilanggo ang tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Farm noong Agosto 2016, dalawang linggo lamang matapos manungkulan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ang tatlong dayuhang druglord ay pinatay sa utos umano ni Duterte.


Una ng pinatotohanan nina dating police Major Jimmy Fortaleza, Ret. police Col. Royina Garma, at dating warden ng Davao na si Supt. Gerardo Padilla na naganap ang nasabing pulong, kung saan umano’y tinalakay ang mga paghahanda para sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals.


Pinakumpirma rin Paduano kina  Fortaleza, Garma at Padilla ang kanilang testimonya, na nagkaroon nga ng ganitong pulong.


Sina Garma at Leonardo ang umano’y nagsabi kay Padilla, bilang warden ng kulungan, na huwag nang makialam dahil may mga paghahanda ng nagawa para sa tatlong drug lords.


Subalit ng kumprontahin ni Paduano si Leonardo kaugnay dito ay itinanggi nito ang kaugnay sa pulong. 


Sa kabila ng paulit-ulit na tanong ng kongresista, mariing itinanggi ni Leonardo na nagkaroon ng pagpupulong.


Sa puntong ito, inakusahan ni Paduano si Leonardo ng pagsisinungaling dahilan upang i-cite in contempt.


Si Leonardo ay Napolcom appointee ni dating pangulong Duterte.


Matapos nito, tinanong nina Paduano at Acop sina Garma, Leonardo, Col. Lito Patay, at Col. Hector Grijaldo Jr. tungkol sa isang pulong noong Hunyo 2016, bago manungkulan si Duterte, kung saan diumano’y tinalakay nila ang isang “Davao template,” na tila para sa mga extrajudicial killings (EJK).


Kinumpirma naman nina Garma at Leonardo ang pulong sa ikalawang palapag ng gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City.


Sinabi rin ni Paduano na naroon din sa pulong sina dating Pangulong Duterte, ang ngayo’y sina Sen. Bong Go at Sen. Dela Rosa-na dating hepe ng PNP.


Habang naaalala ni Garma na tinalakay ang “Davao template,” na hindi matandaan ni Leonardo kung ito ay napag-usapan. Kinumpirma naman ni  Leonardo na nakita si Go sa lugar ng pulong.


Sa bahagi naman ni Patay, sinabi nito sa panel na hindi sya dumalo sa pulong na siya namang pinatotohanan ni Garma.


Ang event ay isang courtesy call ng PNPA Class 96 at 97 para sa dating Pangulo.


Binanggit din ni Paduano na ilang linggo matapos ang diskusyon sa DPWH sa Davao City, sunod-sunod na pagpaslang ang naganap hindi lamang sa Davao City, kundi maging sa ilang bahagi ng Metro Manila, kabilang na ang pagsabog sa Parañaque City. (END)

————————

200 miyembro ng Kamara nagpakita ng suporta sa BPSF sa Cavite



Dumalo ang may 200 kongresista sa Bagong Pilipinas Serbisyo (BPSF), isang inisiyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ginanap sa Cavite ngayong Biyernes.


Pinasalamatan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga dumalong miyembro ng Kamara de Representantes sa BPSF-Cavite na idinaos sa  Emilio Aguinaldo Elementary School sa Kawit, Cavite. Dala ng BPSF ang P1 bilyong halaga ng ayuda at programa para sa 120,000 Caviteños.


“I am deeply honored to be here with my fellow lawmakers who share our commitment to bringing efficient and fast government services to the people of Cavite and beyond,” ani Speaker Romualdez na binigyang diin ang kahalagahan ng kolaborasyon para maipaabot ang serbisyo ng pamahalaan sa lahat ng Pilipino.


Nagsilbing local host ng BPSF sina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla, 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla at AGIMAT Partylist Rep. Bryan Revilla.


Kasama ring dumalo ang mga kongresista mula sa Cavite na sina Reps. Adrian Jay Advincula (3rd District), Roy Loyola (5th District), Antonio Ferrer, Crispin Diego “Ping” Remulla (7th District), at Anniela Blanca Tolentino (8th District). 


Nagpakita rin ng suporta ang mga opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Gov. Jonvic Remulla.


“Ang bilang ng mga dumalo ay patunay na talagang pinahahalagahan ng ating mga mambabatas ang pagkakaroon ng direktang programang maglalapit ng lahat ng serbisyo’t ayuda sa ating mga mamamayan,” sabi ni Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara.


Tinukoy niya ang masigasig na pagsuporta ng mga mambabatas sa mga inisiyatiba na direktang tutulong sa kanilang mga sinasakupan.


Target ng BPSF na mapuntahan ang lahat ng 82 probinsya ng bansa.


Kabilang sa mga tulong na dala ng BPSF, ayon kay Speaker Romualdez ay ang tulong pinansyal at medikal, scholarship at pangkabuhayan na may positibong epekto sa libong mga Caviteños. 


“Together with our lawmakers, we are bringing meaningful change to our communities,” saad pa ni Romualdez.


“With this kind of cooperation and participation, we are ensuring that government services reach even the farthest corners of the country,” aniya.


"Nagpapasalamat ako sa ating mga kasamahan sa Kongreso at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na nakiisa upang matiyak ang tagumpay ng BPSF. Patuloy nating iaabot ang serbisyo ng gobyerno sa lahat ng sulok ng bansa.” (END)

————————

25,000 Caviteño nakatanggap ng tulong mula CARD, ISIP, SIBOL Programs



Umabot sa 25,000 Caviteño ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa tatlong programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na inilunsad sa Cavite noong Biyernes para matulungan ang mga mahihirap, estudyante, at maliliit na negosyante.


Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang patuloy na pagpapatupad ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarships and Incentives for the Youth (ISIP) Program, at ang Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program na nagbibigay ng tulong sa mga mamamayan na nangangailangan.


“I am very pleased that these programs continue to flourish and continue to provide much-needed aid to our citizens who are not included in established social amelioration programs like the 4Ps. Patuloy nating popondohan ito sa Kongreso dahil nakikita natin ang kabutihang naidudulot nito sa ating mga mamamayan,” ayon kay Speaker Romualdez. 


Para sa CARD program, umabot sa 10,000 benepisyaryo mula sa lalawigan ng Cavite ang tumanggap ng tig-P5,000 na tulong pinansyal at 10 kilong bigas sa isang simpleng seremonya ng pamamahagi na ginanap sa Imus City Grandstand.


Pinangunahan ni Speaker Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng programa, ang pamamahagi ng tulong sa mga senior citizens, PWDs, single parents, indigenous peoples at iba pa na nangangailangan ng tulong para sa kanilang pang-araw araw na gastusin. 


Ang pondo na para sa cash assistance ay mula sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Ang ISIP for the Youth–na isa ring programang itinataguyod ni Speaker Romualdez – kabuuang 5,000 estudyante ang nakatanggap ng tig-P5,000 at 5 kilo ng bigas na ginanap naman ang pamamahagi sa Bacoor Elementary Schood.


Ang mga benepisyaryo ng programang ito ay tumanggap ng tulong pinansyal habang nag-aaral sila sa kolehiyo at vocational education, upang matulungan sila sa kanilang pagpapatuloy na pag-aaral. Ang pondo para dito ay nagmula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.


Kasama sa mga benepisyo para sa mga estudyanteng kabilang sa programang ito ang enrollment sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED kung saan makakakuha ang mga estudyante ng tulong-pinansyal kada taon na umaabot sa kabuuang P15,000; pagkakataon makapasok sa Government Internship Program (GIP); at mapabilang ang kanilang mga walang trabahong magulang o tagapangalaga sa DOLE-TUPAD Program.


Ang pamamahagi para sa SIBOL Program ay isinagawa naman sa Maple Grove sa General Trias kung saan nakatanggap ang 10,000 MSME beneficiaries ng tig-P5,000 na tulong pinansyal at limang kilo ng bigas.


Ang mga pondo na ginamit para sa programang ito ay nagmula rin sa AKAP.


"These programs reflect our dedication to ensuring that no Filipino is left behind. Whether through education, financial assistance, or entrepreneurship, we are providing opportunities for growth," ayon sa pahayag ni Speaker Romualdez.


"Our goal is to empower every Filipino to build a better future for themselves and their families," dagdag pa ng pinuno ng Kamara. (END)


—————————

P1B halaga ng programa at serbisyo dala ng BPSF para sa 120,000 Caviteños



Sa Cavite idinaos ang ika-24 na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. noong Biyernes.


Bitbit ng BPSF ang P1 bilyong halaga ng programa at serbisyo ng gobyerno para sa 120,000 Caviteños. Ang pamimigay ng tulong ay isasagawa hanggang Sabado.


Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang BPSF ay nagpapatuloy sa pagpapaabot ng direktang serbisyo at tulong sa mga Pilipino.


Nagsilbing local host ng BPSF  ang pamilya Revilla sa pangunguna ni Sen. Ramon “Bong” Revilla at misis nitong si Cavite Rep. Lani Mercado Revilla, katuwang si Speaker Romualdez at ang may 65 ahensya ng pamahalaan na may dalang 235 mahahalagang programa at serbisyo.


“Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulong BBM. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 kinatawan ng Kamara de Representantes.


Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng kabuuang P451 milyong cash assistance at 255,500 kilo ng bigas.


“Ang tagumpay ng Serbisyo Fair ay isang halimbawa ng ating pagkakaisa para tiyakin na maramdaman ng bawat Pilipino ang presensya ng pamahalaan,” sabi ni Speaker Romualdez


Ilan sa mga mahahalagang ahensya na nakibahagi sa BPSF ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Ang TUPAD program ng DOLE ay naglalayong magbigay ng panandaliang trabaho sa mga residente habang ang scholarship ng TESDA ay nagbibigay ng pagsasanay sa mga Caviteños na makatutulong upang sila ay makapasok ng trabaho.


“Sa pamamagitan ng mga programang ito, natutulungan natin ang ating mga kababayan na makabangon at makahanap ng trabaho o kabuhayan,” Speaker dagdag ni Romualdez.


“The BPSF is a concrete example of how we can achieve more when we work together. Sa pagkakaisa ng lahat, mas mabilis nating nadadala ang serbisyo ng gobyerno sa bawat tahanan,” dagdag pa nito.


Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa mga lokal na opisyal na sumuporta sa programa.


Kasama rin sa mga pangunahing programang dala ng BPSF ang Tulong Dunong scholarship ng Commission on Higher and Technical Education (CHED) na ipinagkaloob sa mga estudyante at ang  programa ng DSWD na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kung saan 70,000 indibidwal ang natulungan.


Magpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa buong Cavite kung saan marami pa ang inaasahang makakatanggap sa mga susunod na linggo.


“Dito sa Bagong Pilipinas, walang maiiwan. Patuloy tayong magbibigay ng tulong at serbisyo sa bawat sulok ng bansa,” sabi ni Speaker Romualdez.


Ang BPSF ay planong dalhin sa lahat ng 82 probinsya ng bansa.


Pagbabahagi pa ni Speaker Romualdez umabot na sa P13 bilyong tulong sa may 2.8 milyong pamilya ang naihatid na sa naunang 23 BPSF.


“We will not stop until every Filipino feels the presence of our government through services that directly impact their lives," pagtiyak niya.


Bilang karagdagan sa mga serbisyo ng gobyerno, isang Pagkakaisa Concert ang ginanap sa NOMO Parking Grounds sa Bacoor, na inaasahang dadaluhan ng libu-libong Caviteño bilang selebrasyon ng tagumpay ng serbisyo fair.


Ang mainit na pagtanggap publiko ay bahagi ng hangarin ng gobyerno na paglingkuran ang mga Pilipino.


Partikular na nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga volunteer at nakibahagi na ahensya para maisakatuparan ang programa.


“The success of the BPSF in Cavite is a step closer to achieving our goal – an inclusive government that leaves no Filipino behind,” sabi niya.


Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na magiging  matagumpay dn ang mga susunod pang BPSF.


“Magkaisa tayong lahat para sa isang Bagong Pilipinas, at sama-sama nating iparamdam sa bawat Pilipino ang malasakit at serbisyong handog ng pamahalaan," pagsiguro ng lider ng Kamara.  (END)


—————————

Pinsan ni Garma na isinasangkot sa pagpapalit ng mahigit P50M sa dolyar kulong sa pagsisinungaling sa quad comm



Ipinakulong ng House Quad committee ang pinsan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na si Police Sergeant Enecito Ubales Jr. dahil sa pagsisinungaling.


Sa pagdinig noong Biyernes, ipinag-utos ng Quad Comm na ikulong si Ubales sa Quezon City Jail hanggang sa matapos ng komite ang imbestigasyon nito.


Ang pagpapakulong kay Ubales ay ipinag-utos ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers matapos itong ma-cite in contempt dahil sa patuloy umanong pagsisinungaling.


Sa pagdinig noong Biyernes, nagbigay ng testimonya si Police Captain Delfinito Anuba na si Ubales ay nasangkot sa mga kahina-hinalang financial transaction na konektado kay Garma.


Ayon kay Anuba ibinigay sa kanya ni Ubales ang P30 milyon upang ipalit sa dolyar. Ang pera ay galing umano sa PCSO. Si Ubales ay security detail ni Garma.


Bukod sa P30 milyon, sinabi ni Anuba na nautusan din siya na magpapalit ng P20 milyon at iba pang mas maliliit na halaga sa magkakaibang panahon. Si Garma ay naging GM ng PCSO mjula 2019 hanggang 2022.


Ayon kay Anuba, mayroon siyang ipinapalit na dolyar na ipinadala sa dating asawa ni Garma na si Police Colonel Roland Vilela, na noon ay nakatalaga bilang police attaché sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California.


Itinanggi naman ni Ubales ang lahat ng alegasyon ni Anuba, bagama’t nabigong makumbinse ang mga mambabatas. 


Naniniwala si Antipolo City Rep. Romeo Acop na nagsisinungaling si Ubales at mas pinaniniwalaan umano nito si Anuba.


Ang Quad Committee, ay binubuo ng mga miyembro mula sa mga komite ng Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, and Public Accounts, na nag—iimbestiga sa kaugnayan ng financial misconduct ni Garma at mga extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng kontrobersyal na kampanya laban sa droga ni Duterte.


Suspetsa ng mga mambabatas, na si Garma na isang retiradong opisyal ng PNP, ay may mahalagang papel sa pagpatay sa tatlong hinihinalang Chinese druglords sa loob ng kulungan sa Davao, na umano’y sa utos ng dating pangulo.


Naniniwala rin ang mga kongresista na ang pagkakatalaga ni Garma bilang general manager ng PCSO ay isang gantimpala sa kaniyang partisipasyon sa extrajudicial activities. (END)


—————————

Malawakang crime syndicate sa pangunguna ng ex-PRRD adviser ni si Michael Yang nahukay ng House quad comm



Nahukay ng House Quad Committee ang isang malawakang criminal syndicate, na pinamumunuan umano ng dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang at kasabwat nitong si Allan Lim, na isinasangkot sa bentahan ng iligal na droga at money laundering gamit ang mga iligal na Philippine offshore gaming operators (POGO), katuwang ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.


Ito ay nabulgar sa ikapitong pagdinig ng quad committee sa ugnayan ng iligal na POGO, bentahan ng iligal na droga, land grabbing ng mga Chinese national at extrajudicial killing (EJK) sa pagpapatupad ng brutal na war on drugs ng administrasyong Duterte.


Iprenisinta nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ang detalyadong matrix upang maipagkita ang criminal network nina Yang at Lim sa tulong ng iba pang Chinese national.


“These Chinese nationals are setting up corporations all over the country, taking advantage of our laws by perpetrating and promoting illegal activities, to the great prejudice of our country and the Filipino people,” sabi ni Gonzales, kinatawan ng 3rd District ng Pampanga.


"Mukhang may natisod po kami," sabi ni Suarez sa kanyang presintasyon sa komite.


“Mukhang may koneksyon at pare-pareho ang cast of characters. A criminal enterprise has penetrated us and has been operating with ‘quiet impunity’ – and out of these operations, eh inuubos at nagkaka-monopoly na po ata to crimes that strike at the very basic fundamental rights – human trafficking, kidnapping, prostitution, murder, love scams, crypto scams at lahat na ng cyberscams,” sabi ni Suarez.


Sinabi ni Suarez na ginamit nina Yang at Lim ang mga lehitimong negosyo bilang front ng kanilang criminal activities, at ang DCLA Plaza, isang shopping mall sa Davao, ang nagsilbi umanong hub ng drug distribution ni Yang.


Naglatag umano ng mga layer ng corporate operation ang dalawa gamit ang iba’t ibang kompanya upang mapagtakpan ang kanilang iligal na ginagawa at pinalawak ang kanilang operasyon sa industriya ng POGO.


“As the investigations progressed, there were corporations that kept surfacing and familiar names, names that have been tied to controversial investigations," sabi ni Suarez.


Ayon kay Suarez nagsagawa sila ng malalim na imbestigasyon sa mga kompanyang nasangkot at dito nila nadiskubre ang pattern, partnership, at alignment ng mga ito.


“Nung nakita po namin ang pattern ay sinundan namin pataas ang mga korporasyon na ito, stripped it of its layers, to get to the top and thru it all, we have discovered and identified at least two main actors or players in the issue of illegal drugs and illegal activities associated with POGOs,” sabi ni Suarez.


Kasama umano sa mga kompanya ang Brickhartz Technology Inc., na sangkot umano sa ilang kaso ng kidnapping at iniuugnay sa Xionwei Technology Co. Ltd., isang POGO operation na iniuugnay kay Lim.


Ang Brickhartz at Xionwei ay iniuugnay sa Baofu Compound sa Bamban, Tarlac, isang pasilidad na iniuugnay sa sinibak na mayor na si Alice Guo, na sinasabing isang Chinese na pinalabas na Pilipino upang makapagnegosyo at makpasok sa politika.


Naiugnay din ng Quad Comm ang kaugnayan ni Yang at Lim sa kontrobersyal na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga otoridad noong Hunyo. Ang Lucky South 99 ay kinatawan ni Katherine Casandra Li Ong sa PAGCOR.


Naiugnay din si Yang at Lim sa Pharmally Pharmaceutical Corp., na sangkot sa pagbebenta sa gobyerno ng overpriced namedical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.


Nadiskubre ng Quad Comm ang kaugnayan ng Empire 999 Realty Corporation kay Yang. Sa warehouse ng Empire 999 sa Mexico, Pampanga nadiskubre ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong 2023.


Tinukoy ni Suarez ang paulit-ulit na pattern kung saan ginamit ni Yang si Gerald Cruz, Jayson Uson at Yugin Zheng, samantalang si Lim ay ginamit naman ang kanyang misis na si Rose Nono Lim bilang nominee ng mga kompanya upang maitago ang totoong may-ari nito.


Si Lin ay nakalistang incorporator ng hinid bababa sa walong kompanya na konektado kay Yang, na mayroong malaking papel sa pagpapalawak ng operasyon nito.


Sinabi ni Suarez na isang bagong development sa imbestigasyon ang pagkakaaresto sa kapatid ni Yang na si Tony Yang sa Ninoy Aquino International Airport. 


Si Tony Yang, na kilala rin bilang Antonio Maestrado Lim ay naaresto sa pagiging undesirable alien. Siya ay nahuli sa airport na may dalang P1.4 milyon at anim na baril.


“Si Tony Yang ang eldest brother among the Yang brothers. Siya daw ang totoong mastermind o architect ng lahat ng operasyon at criminal syndicate ng Yang Brothers dito sa ating bansa,” sabi ni Suarez sa pagdinig.


Binanggit din ni Suarez na si Michael Yang ay mayroon pang isang kapatid— si Hong Jiang Yang.


Si Tony Yang, na mayroong mga negosyo sa Cagayan de Oro City, kasama ang Yang Zi Hotel—isang dating POGO hub—at Philippine Sanjia Steel Corp., na sangkot umano sa rice smuggling at human trafficking. Siya ay pangulo rin ng Oro One, Inc., isang service provider ng Xionwei Technologies, isa sa mga POGO company ni Lim.


Sinabi ni Suarez na ang mga negosyo ni Tony Yang ay sangkot sa mga iligal na aktibidad kasama ang drug smuggling at pagbili ng mga lupa gamit ang mga pekeng birth certificate at mga ID mula sa mga ahensya ng gobyerno.


Nagbabala si Suarez na ang criminal syndicate, na karamihan sa mga miyembro ay Chinese national ay naglalagay sa panganib sa seguridad at soberanya ng bansa.


“Hindi lang po ‘yan," sabi ni Suarez.“Nagsimula nang kamkamin, gamit ang iba’t-ibang korporasyon o mga indibidwal, mga banyaga pretending to be Filipinos sa pamamagitan ng pamemeke ng mga birth certificate at iba pang government IDs, ang ating lupain na dapat ay para sa Pilipino lamang."


“This is a serious threat to our national security and to our very sovereignty as a nation,” punto pa nito.


Batay sa mga nadiskubre sa imbestigasyon, sinabi ni Gonzales na irerekomenda ng komite ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga sangkot gayundin ang paghahain ng mga reporma sa batas para matakpan ang mga butas sa legal na sistema.


“Hindi po dito nagtatapos ang trabaho ng Quad Comm. Ang imbestigasyon na ito, na aming binigyan ng panahon at pagod, ay ang simula,” sabi ni Gonzales.


Kasama umano sa irerekomendang amyendahan ang Philippine Adaptation of the Racketeering Influenced and Corrupt Organizations (RICO) Act, Special Investor’s Resident Visa Program, Anti-Dummy Law, at Philippine Passport Act.


“We will end their era," dagdag pa ni Gonzales. “Samahan nyo po kami. Hindi lang po ito laban ng Kongreso, laban po natin ito bilang mga Pilipino. Sino ba naman ang hindi naghahangad ng mas maayos at mabuting Pilipinas?”


Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, sinabi ni Gonzales na huhukayin ng Quad Comm ang financial network at local enablers kaya lumaki ang sindikato nina Yang at Lim.

 “Sa ngayon, ay na-uncover pa lang po natin ang criminal enterprise. Wala pa po tayo sa tanong na who enabled them to freely and with impunity operate. Mga dayuhan po ang na-identify natin. Hindi po ito makaka-operate kung walang mga Pilipinong tumulong,” sabi ni Gonzales.


Dagdag pa ng solon, “Wala pa rin po tayo sa financial links. Kulang pa. To completely paralyze them is to cut the financial stream o ang agos ng pera. Saan na naman po nagkulang ang ating batas sa dalawang usaping ito?” (END)

Free Counters
Free Counters