Thursday, February 16, 2017

Dismayado ang Kamara sa di pagdalo ng mga cabinet secretary sa tax hearing

Nadidismaya ang liderato ng Kamara de Representantes sa kabiguan ng ilang Kalihim ng gabinete na sagutin at linawin ang mga mahahalagang katanungan na may kaugnayan sa epekto ng pagtaas sa buwis na tinatalakay sa pagdinig ng tax reform package na nilalaman ng H04688 na iniakda ni Albay Rep Joey S. Salceda at HB04774 ni Quirino Rep Dakila Carlo Cua o ang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act.”

Dumalo sa pagdinig ng House committee on ways and means sina House Speaker Pantaleon D. Alvarez at Majority Leader Rodolfo C. Fariñas at hiniling sa lahat ng miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa panukalang Comprehensive Tax Reform Package na isinusulong ng Department of Finance (DOF) na dumalo sa pagdinig upang direktang sagutin ang mga katanungan mula sa mga mambabatas.

Nilinaw ni Fariñas na ang kanilang tungkulin ay kumatawan sa bawat distrito sa bansa at napakahalaga ng papel na kanilang ginagampanan lalo na sa panukalang pagtataas ng buwis na nakaatang sa Mababang Kapulungan at hindi maaaring gampanan ng Mataas na Kapulungan dahil malinaw sa Saligang Batas na ito ay kanilang mandato lamang.

Sinabi ni Farinas na pumunta umano sila lahat sa pagdinig dahil may nais silang ipasang panukala na may kauganayan sa buwis.

Ayaw umano nilang magpasa ng buwis dahil galit ang tao sa buwis ngunit nais daw ng DOF na i-kolekta agad ang mga ito ngunit hindi pa man daw sila nakakasingil ng wastong buwis sa mga umiiral na buwis, tapos, parurusahan na nila ang mga relihiyosong nagbabayad ng buwis

Dumalo naman kayo rito. Ipakita naman ninyo na napakahalaga nitong hinihiling ninyong dagdag buwis”, panawagan ni Fariñas.

Binigyang-diin nina Speaker Alvarez at Fariñas ang kahalagahan ng presensya ng mga opisyal ng gobyerno sa susunod na mga pagdinig hinggil sa dagdag buwis na binabalangkas sa ilalim ng komite ni Cua.

Sinabihan ng Speaker ang DOE Secretary na magpadala ng mga tao sa Kamara na kayang sagutin yung mga tanong kasi sinasayang lamang umano ang oras ng lahat sa Kapulunagn at tigilan muna yung position papers at hindi umano sila matatapos at dapat daw ang Secretary na mag-attend sa miting sa susunod.

Pinagsabihan ni Speaker Alvarez si Margaret Dacatimbang ng DOE legal service na iparating ang mensahe ng House leadership kay DOE Secretary Alfonso Cusi na dumalo sa susunod na pagdinig at sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas lalo na sa isyu ng pagtaas ng buwis sa produktong petrolyo dahil nabigong sagutin ni Dacatimbang ang tanong ni Surigao del Sur Rep Prospero A. Pichay tungkol sa halaga ng 40 percent cetane.

Hindi rin dumalo si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay sa pagdinig na dapat sana ay dadaluhan niya kaya’t pinagsabihan rin ni Alvarez si BIR Deputy Commissioner Nestor Valeroso na iparating kay Dulay na isumite ang kanyang mungkahi kung paano makokolekta ng buwis mula sa mga casinos.

Ang iba pang opisyales na dapat sana ay dadalo sa pagdinig ay sina Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang kumatawan ay si Undersecretary Karl Chua; Transportation Secretary Arthur Tugade, na ang kumatawan ay si Assistant Secretary Ed Galvante; Information and Communications Secretary Atty. Rodolfo Salalima; at Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo.

Subali’t sa kanilang kadahilanan ay hindi sila nakarating kaya’t nadismaya ang liderato ng Kamara sa naturang pagdinig.
Free Counters
Free Counters