Bawal na ang paluin ang bata
Dahil
sa mga kinagisnang kaugalian na marahas na pagpaparusa sa mga bata upang sila
ay disiplinahin at bigyan ng aral o turuan ng leksyon sa pamamagitan ng
pananakit ay muling isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang panukalang HB00516
na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng corporal punishment tulad ng
pamamalo gamit ang anumang uri ng matigas na bagay tulad ng kahoy, sinturon at
pati kamay dahil napatunayan na hindi ito mabisang paraan ng pagsusuheto sa mga
bata.
Kabilang
sa tinatawag na corporal punishment ang panggugulpi, paninipa, pananampal,
panununtok, pamamatok, pang-uuntog, panininturon, paghataw sa alinmang bahagi
ng katawan ng bata, pamamalo gamit ang mga matitigas na bagay tulad ng tungkod,
walis, patpat, sinturon o latigo at iba pang kagaya nito, pananabunot,
pamimilay, panunugat sa katawan, pagkaladkad at paghahagis ng bata, at higit sa
lahat ay ang pagmumura, panunurot, panglalait at pagpapahiya sa bata sa harap
ng mga tao o anuman ang sitwasyon.
Nagbabala
si Bagong Henerasyon Partylist Rep Bernadette Herrera-Dy sa mga magulang o mga
kinikilalang magulang o guardian ng isang bata na gumagamit ng bayolenteng
pamamaraan ng pagdidisiplina, na mabigat ang parusang ipapataw sa sinumang
lalabag sa naturang panukala kapag ito ay naisabatas.
Sinabi
ng mambabatas na hindi matatawag na ‘pagmamahal’ sa isang bata mula kay itay at
inay ang mga nabanggit na mararahas na pamamaraan dahil magdudulot lamang ito
ng galit, sama ng loob at kawalan ng tiwala sa sarili ng isang murang kaisipan
ng isang bata at nakakaapekto din ito sa pisikal at sikolohikal na kalagayan ng
bata hanggang sa siya ay lumaki at magkaisip kaya’t dapat na itong matigil.
Ayon
kay Zamboanga del Sur Rep Divine Grace Yu, chairman ng House Committee on the
Welfare of Children, ang panukala ay ilang ulit nang napag-usapan at
napag-aralan sa Kamara simula pa noong ika-14 na Kongreso hanggang umabot sa
ikatlong pagbasa sa plenaryo noong nagdaang ika-16 na Kongreso subali’t hindi
na ito naaprubahan sa Senado. Napapanahon na aniya upang ito ay maisabatas na.
<< Home