Monday, February 13, 2017

Sapat na pagkain, titiyakin ng pamahalaan


Positibo ang mga mambabatas na matutugunan ng administrasyong Duterte ang kaseguruhan ng pagkain sa hapag-kainan ng bawa’t mamamayang Pilipino sa susunod na sampung taon kaya’t titiyakin ng Kamara ang pagsasabatas ng mga panukala lalo na ang ‘’Right to Adequate Food (TAF) Framework Act” na isa sa pangunahing adyenda ng ika-17 Kongreso.
Top of Form
Bottom of Form
Top of Form

Ito ang inihayag ni Zambales Rep Cheryl P. Deloso-Montalla, chairperson ng House committee on human rights, matapos na buuin ang isang technical working group (TWG) na pinag-aaralang pag-isahin ang mga panukala na may kinalaman sa food security. Ang mga sumusunod na panukala ay ang HB00061 na iniakda ni Davao Rep Karlo Alexei B. Nograles at PBA Partylist Jericho Jonas B. Nograles; HB00256 na inihain ni KABAYAN Partylist Rep Harry L. Roque Jr.; HB01645 ni Bulacan Rep Linabelle Ruth R. Villarica; at HB03938 ni Sinagat Island Rep Kaka J. Bag-ao.

Nanawagan si Nograles sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na makiisa at magtakda ng tungkulin at responsibilidad upang matugunan ang isyu ng kagutuman sa bansa sa susunod na 10 taon.

Malaki umano, ayon pa kay Nograles, ang pangangailangan para matugunan ang kagutuman sa bansa at higit sa lahat, karapatan ito ng bawa’t mamamayang Pilipino para  makakain ng sapat at masustansyang pagkain.

Binanggit naman ni Villarica ang average hunger rate noong 2015 na umabot sa 13.4 porsyento na mas mababa buhat noong taong 2004.

Bagama’t mababa ito, mataas pa rin aniya ang antas nito kung ikukumpara sa populasyon ng bansa na umaabot sa mahigit 100 milyon.

Ayon kay Villarica, lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 6.3 porsyento ang kabuuang bilang ng pamilyang Pilipino ang dumanas ng gutom noong taong 2011.

Gayunpaman, nasa 14.5 porsyento ng mas mahihirap na pamilya ang dumanas ng matinding gutom kaysa 2.8 porsyento ng hindi gaanong mahirap ang buhay.

Sa nutrisyon, sinabi ng mambabatas na isa sa 10 may-edad na Pilipino ang dumaranas ng matinding kakulangan ng enerhiya.

Sa ganitong kondisyon, 9.4 porsyento dito ang kalalakihan at 10.5 porsyento naman ang kababaihan. Ipinakita din sa pag-aaral na mas maraming bata ang apektado ng malnutrisyon dahil sa katuguman.

Bilang isang bansang lumagda sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESR), sinabi naman ni Bag-ao na obligado ang bansa na sumunod sa kasunduang itinakda sa tipan, kabilang na dito ang paggarantiya sa karapatan ng isang indibiduwal sa sapat na pagkain.

Binanggit niya na batay sa nakasaad sa probisyon ng Article 11 ng ICESR, karapatan ng isang indibiduwal ang sapat na pagkain, damit, tirahan at pabahay; ang tiyak na programa na kailangan para bumuti ang paraan ng produksyon, pagpapanatili at pamamahagi ng pagkain para makamit ang pinakamahusay na pag-unlad at paggamit ng likas yaman, kasama na rito ang problema ng food importing-exporting countries para tiyakin ang patas na pamamahagi ng mga suplay ng pagkain sa mundo.

Nagpahayag ang Commission on Human Rights (CHR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Agrarian Reform (DAR), Food and Nutrition Research Institute (FNRI), Department of Health (DOH) at National Food Coalition (NFC) nang pagsuporta sa nabanggit na mga panukala.
Free Counters
Free Counters