Umabot na sa 1,800 imported second-hand vehicles ang iniulat na nawawala sa storage area ng Subic Freeport buhat pa noong 2007, batay sa pag-uulat ng hepe ng BoC o Bureau of Customs sa Subic Freeport.
Sinabi ni Quezon City Rep Winston Castelo na kailangang siyasatin ng Kongreso ang pagkawala ng 1,800 behikulo para maalis ang mga agan-agam sa kasong vehicle smuggling at circumvention of Executive Order No. 156 na nagbabawal sa pagbebenta ng nasabing behikulo.
Ayon kay Castelo, malaking sagabal umano ang EO 156 sa mga importer at dealer ng imported used car dahil nahahadlangan sila para ibenta ang mga ito.
Kailangang umanong magpaliwanag ang mga tauhan ng Subic Freeport kung saan napunta ang mga imported vehicles at marapat lamang na maglabas ng opisyal na ulat sa inbentaryo ang nasabing warehouse para ma-account ang bawat isa sa mga behikulo.
Ipinarating na ng district collector ng BoC at SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority sa LTO o Land Transportation Office ang pagkawala ng mga behikulo.
Kasama daw sa nawawalang mga sasakyan ay mga luxury at imported vehicles na sakop ng WSD o warrants for seizure and detention orders na ang ibig sabihin ay dapat ibalik ang mga naturang behikulo sa special economic zones.
Nauna sa ulat ng BoC, binanggit ng LTO na ang 172 imported luxury cars na nawawala sa Freeport Zone, ay kabilang na dito ang Jaguar, Ferreri, Porsche, BMW, Mercedes-Benz, Land Rover at Chryler units.
Hihingi naman ng tulong si Customs Commissioner Ruffy Biazon sa PNP o Philippine National Police para mabawi ang 172 luxury cars mula sa Subic Freeport.
---