Wednesday, October 19, 2011

Sakuna sa mga motorcycle racing, iimbestigahan

Inumpisahan na ang imbestigasyon ng Kamara de Representantes hinggil sa pagkamatay ni national superbike champion Maico Buncio sa Clark International Speedway noong ika-16 ng Mayo ng kasalukuyang taon sa bisa ng HR01284 at HR01289.

Dahil dito, nagbigay ng derektiba si Camarines Norte Rep at House Committe on Youth and Sports chair Renato Unico sa PSC o Philippine Sports Commission na maglabas ng mga pamantayan para maiwasan ang sakuna sa motorcycle racing at iba pang kauri ito.

Sinabi ni Unico na hindi sa nakikialam ang Kongreso sa gawain ng National Sports Association kundi nais lamang nilang isaayos ang lahat sa tulong na rin ng PSC.

Sa pagdinig ng Komite, tiniyak ni PSC chairman Ricardo Garcia na maglalabas ang ahensiya at ang iba pang stake holder ng mga pamantayan para hindi na muling maulit pa ang ganitong mga aksidente.

Batay sa mga pag-aaral, sinabi ni Unico na karamihan sa mga sakunang nangyayari ay tuwing sa insayo kaysa sa aktuwal na karera at dahil dito, nakatawag umano ito ng pansin na kailangang bumalangkas ng mga safety measures para maiwasan ang mga sakuna sa lahat ng antas ng palakasan.

---

Mabigat na parusa sa ilang election offenses, sinusugan sa Kamara

Inaprubahan na sa Kamara ang panukalang naglalayong patawan ng mas mabigat na parusa sa ilang election-related offenses tulad ng karahasan, pamimilit, pananakot, paggamit ng lakas at pagbabanta.

Sa inihaing HB04145 nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez, Jr, layunin nito na amiyendahan ang Omnibus Election Code na nauna na ring inamiyendahan at RA08189 o ang Voter’s Registration Act.

Sinabi ng mga may-akda ng panukala na dapat umanong siguraduhin ng Estado na mayroong pantay, tapat, maayos at payapang halalan at mapangalagaan ang integridad at kabanalan ng mga balota at panatilihin na mangibabaw ang kagustuhan ng mga botante.

Dapat lamang umanong na patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga lalabag sa batas na kaakibat sa pagpapatupad ng malinis na halalan at hindi ito dapat pangibabawan ng pananakot, pamimilit, at karahasan.

Malaki rin umano ang maitutulong nito upang pigilan ang sinumang naglalayong gumawa ng pananamantala at pagdaraya tuwing may halalang magaganap.

Ang posibleng makasuhan at maparusahan sa ilalim ng panukalang ito ay yaong mga miyembro ng election inspectors, miyembro ng board of canvassers at mga opisyal ng Commission on Elections na magiging instrumento, tutulong o sasali, direkta man o hindi, sa pagsasagawa ng pandaraya sa halalan.

Ilan sa mga kaparusahang maaaring ipataw sa mga mapapatunayang nagkasala ay pagkabilanggo ng di bababa sa isang taon at hindi naman lalampas sa 12 at hindi maaaring mabigyan ng probation at hindi na rin maaaring makapaglingkod sa pamahalaan sa habang buhay ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa batas hinggil sa halalan.

Kasama rin sa maaaring maparusahan sa pamamagitan ng pagpapataw ng multang hindi bababa sa P500,000, ang mga political party kung saan miyembro ang mapapatunayang nagkasala.

Pagtaas ng sahod ng sanitation inspector sa mga bayan, ipinanukala

Naghain si Laguna Rep Edgar San Luis ng isang panukalang batas sa Kamara de Representantes na lalung magpapalakas ng programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Nilalayon ng HB05314 ni San Luis na itaas ang sahod ng mga sanitation inspector ng bawat lokalidad upang pasiglahin at makahikayat ito sa maraming tao na gustong mamasukan para sa
posisyon.

Sinabi ni San Luis na lalong matutugunan nito ang problema sa mga barangay sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan at wastong pamamaraan sa kalinisan na magpapataas ng malinis na kabuhayan sa komunidad.

Sa ilalim ng panukala, ang posisyon ng sanitation inspector ay itataas sa next higher salary grade ayon sa mga sumusunod: Sanitation Inspector I mula SG 06 to SG 09, Sanitation Inspector II mula SG 08 to SG 11, Sanitation Inspector III mula SG 11 to SG 13, Sanitation Inspector IV mula SG 13 to SG 15, Sanitation Inspector V mula SG 15 to SG 17.

Ayon pa kay san Luis, sila umano ang katu-katulong ng health units sa mga komunidad para sa prevention ng epidemic at outbreak ngmga sakit gaya ng dengue, cholera, meningococcemia at iba pang nakamamatay sa sakit.

----

Pagpapalawig ng Oversight Committee on Dangerous Drugs, aprubado na

Inaprubahan sa Kamara ang joint resolution na naglalayong palawigin ng sampung taon pa ang pananatili ng Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs.

Sa HJR0016 na inihain ni Iligan City Rep Vicente Belmonte, Jr, layunin nito na payagan ang Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs na muling pag-aralan at busisiin ang mga polisiya at paraan ng pagpapatupad ng ibat-ibang agensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa iligal na droga o ang RA09165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, kasabay ng pagsasagawa ng konsultasyon sa mga mamamayan.

Sinabi ni Belmonte na ang resolusyona ng siyang magtatakda at magbibigay mandato sa nabanggit na komite na bumuo ng mga panuntunang dapat sundin kung papaanong mamamatyagan ang pagkilos ng iligal na droga sa bansa.

Ang nabanggit na Congressional Oversight Committee ay bubuuin ng pitong miyembro mula sa Mababang Kapulungan at pito rin mula naman sa Senado na pamumunuan ng mga chairman ng Committee on Dangerous Drugs sa Kamara at Committee on Public Order and Illegal Drugs sa Senado.

Ayon kay Belmonte tungkulin ng Oversight Committee na masiguro na umiiral ang transparency sa implementasyon ng batas at dapat ay magsumite ito ng ulat mula sa mga ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng programa, proyekto at polisiya tungkol sa iligal na droga.

Ito rin umano ang mag-aapruba ng pondo para sa mga programang dapat ipatupad, mga dapat pagkagastusan ng tanggapan kasama na ang compensasyon ng mga empleyado nito.

----

Senior public servants na halal o naitalaga, maging saklaw na ng GSIS

Ipinahayag ni Surigao del Sur Rep Philip Pichay na magiging saklaw na umano ng Government Service Insurance system (GSIS) ang mga senior public servants na nahalal o natalaga sa gobyerno kahit na lampas na sila sa mandatory retirement age na 65 years old kapag naisabatas na ang kanyang panukala.

Sa HB05327 na iniakda ni Pichay, maari nitong i-refund ang life insurance premiums na ibinayad sa GSIS na may legal interest, kasama na ang personal at government share.

Malaki umano ang maitutulong ng salapi na kanilang mare-refund sa GSIS sa kanilang pagtanda, na walang karagdagang halaga sa GSIS.

Idinagdag pa ni Pichay na makakatulong din ito na masugpo ang korapsyon sa gobyerno at mapapaganda at mapapabuti ang kalidad ng kabuhayan ng isang government worker.

----

Thursday, October 13, 2011

Barangay volunteers, bibigyan ng karagdagang benepisyo

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Barangay Volunteer Workers’ Benefit Act upang palakasin at madagdagan ang kanilang kahusayan na maging epektibong tagapagtanggol ng kapayapaan at kaligtasan.

Ang HB05228 ay magbibigay ng allowances sa barangay volunteers na hindi bababa ng P1,500 kada buwan na kukunin sa pondo ng barangay mula sa 80% ng taunang Internal Revenue Allotment.

Sinabi ni Misamis Occidental Rep Loreto Leo Ocampos, sakop umano ng panukala ang lahat ng miyembro na accredited civilian volunteer organization (CVOs) at lahat ng volunteer na tumutulong para mapanatili ang kapayapaan ng komunidad.

Sa inaprubahang panukala, itinatakda ang kwalipikasyon ng barangay volunteer at pinapayagan ito na magpatuloy sa gawaing pang-komunidad at ang kanyang pagtupad sa tungkulin ay kapuri-puri ng opisyal ng Barangay.

---

Mga mational project sa Taguig, hinaharang ng LGU ng lungsod

Kinundena ni Taguig City Rep Sigfrido Tinga ang diumanoy panghaharang ng lokal na pamahalaan ng naturang siyudad sa mga proyektong nais gawin ng national government na naglalayong lalong mapaunlad ang lungsod at ang mga mamamayan nito.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Tinga na mayroon umano siyang mga proyekto tulad ng pagpapalawak ng barangay hall at rehabilitasyon ng mga kalsadang sira-sira sa ilang barangay sa Taguig ang naaapektuhan na sa political vendetta na ginagawa sa kanya ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa kanya, may ilang mga elemento umano ng Taguig City Hall ang nanakot at nanggulo sa mga opisyal ng barangay at mga manggagawa na nagsasagawa ng konstruksiyon sa barangay hall ang naturang insidente ay paulit-ulit na nagyayari sa kasalukuyang lokal na administrasyon at ayon sa kanya, nang siya umano ang nagsilbi bilang city mayor sa naturang lugar sa loob ng siyam na taon, ni hindi niya ginawa ang manakot at manggipit na tulad ng ginagawa ngayon.

Bagamat inamin naman ni Tinga na noong siya ay mayor pa, may insidente rin na nagpatigil siya ng konstruksiyon ngunit hindi umano politika ang dahilan nito kundi mayroon na umanong naunang plano para dito.

---
Free Counters
Free Counters