Thursday, September 29, 2011

Pagbibigay ng insentibo sa gumagawa ng hybrid vehicles, isinusulong

Umaani ng maraming suporta sa Kamara ang ang kilusang pagbibigay ng insentibo sa mga gumagawa at nag-aangkat ng mga tinaguriang hybrid na sasakyan at iba pang uri ng alternatibong sasakyan na makakatulong upang mabawasan ang paggamit ng langis at mapangalagaan ang kalikasan.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguezm ay-akda ng HB05161, na kakaunti lamang umano ang nagnanais na bumili ng mga hybrid na sasakyan dahil na rin sa sobrang kamahalan nito na sanhi ng mataas na buwis at iba pang bayaring ipinapataw ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, ang bilang na ipinalabas ng Toyota Motor Philippines, Inc na nagbebenta ng Toyota Prius at Lexus hybrid vehicles, ay masyadong mababa at halos nasa 100 hybrid vehicles lamang mula nang simulan ng kumpanya ang pagbebenta ng mga ganitong uri ng sasakyan sa lokal na pamilihan.

Kung pag-uusapan ang energy-saving efficiency, lumilitaw sa mga test driving results na ang isang puno na tangke ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng P1,800 sa isang hybrid vehicle ay katumbas ng isang sasakyang may full tank diesel na nagkakahalaga ng P3,000.

Nauna rito, nagsumite na rin ng panukala si Batangas Rep Hermilando Mandanas ng HB04794 na may parehong layunin, samantalang si Ilocos Sur Rep Ryan Luis Singson naman ay nagsumite rin ng HB05139 na naglalayon namang huwag patawan ng ilang buwis ang mga manufacturer at importer ng hybrid vehicles.

---

Friday, September 16, 2011

Pag-iwang mag-isa ng bata sa loob ng sasakyan, gawing krimen

Isasabatas na ang panukala magpapataw ng multang hanggang P50,000 sa sinumang magulang na mag-iiwan ng kanyang anak sa loob ng kotse na walang kasamang nakatatanda.

Layunin ng HB05226 ng mag-inang mambabatas na sina Camarines Sur Rep Diosdado Macapagal- Arroyo at Pampanga Rep Gloria Macapagal-Arroyo na ipabatid sa publiko ang maaaring maidulot na sakuna kung pababayaan lamang ang bata na nasa walong gulang pababa sa loob ng sasakyan.

Ayon sa nakbabatang Arroyo, maaaring umano itong ma-heat stroke, aksidenteng umandar ang sasakyan, choking, ma-kidnap, makalanghap ng toxic fume na maaring ikamatay ng bata sa loob ng kotse.

Naniniwala ang mag-inang Arroyo na sa pamamagitan ng wastong pamantayan at paalala sa mga magulang, maiiwasang mangyari ang mga ganitong sakuna.

---

Monday, September 12, 2011

Imbestigasyon sa mga nakakalasong laruan at school supplies, uumpisahan na

Iminungkahi ni Davao del Norte Rep Anthony del Rosario ang agarang pagsiyasat ng Kongreso batay sa kanyang inihaing HR01669 sa mga naglipanang nakakalason at mapanganib na mga school supplies at laruan na nagkalat ngayon sa mga pamilihan sa buong bansa.

Sinabi ni del Rosario na kailangan na umanong imbestigahan ng Kongreso ang problemang ito dahil malaki ang posibilidad na magkasakit ang mga bata dahil sa mga nakakalasong laruang ito.

Sa ulat ng EcoWaste Coalition and International Persistent Organic Pollutants (POPs) Elimination Networks ayon pa kay del Rosario, 30% ng 200 local at imported na laruan sa iba’t ibang tindahan ay nag-positibo sa toxic metal.

Idinagdag pa ng mambabatas na nagkalat din daw ang mga school supplies na yari sa polyvinyl chloride at nagtataglay ng phthalates na ginagamit para gumawa ng plastic na laruan.

Dahil dito, ipinanukala ni del Rosario na kailangan umanong matyagan ang mga manufacturer, importer at distributor ng mga nalalakasong laruan at school supplies.

Monday, September 05, 2011

Pandaraya umano sa NFA, bubusisihin sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Kamara na imbestigahan ang diumano’y malawakan at sistematikong pandaraya sa loob ng NFA o National Food Authority kung saan ang ahensiya umano ay nagsisilbing trade facilitator at importer na nakakasama naman sa kapakanan ng mamamayang mamimili at magsasakang Pilipino.

Sinabi ni Quezon City Rep Winston Castelo sa isinumite nitong HR01396 na napapanahon na upang magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Food Security upang makagawa na rin ng paraan kung paanong kokontrahin at mapapatigil ang kaganapang ito sa loob ng NFA.

Ayon pa kay Castelo, may mga ulat na nakarating sa kanyang tanggapan na ang Inter Agency Council projects sa NFA ang siyang nagpapahayag ng mataas na pangangailangan at kakulangan ng bigas upang magawang makapag-angkat ng mas maraming bigas ang mga importer at ang mga ito naman umano ang nananamantala at nagpapatong ng mas mataas na presyo ng bigas na ina-angkat.

Sa nakalap na ulat ni Castelo, may mga bangko umano na kumikita rin ng malaki sa transaksiyon na ito kung saan ang alinmang bangko na magpapautang ng malaki sa NFA ay magkakaroon din ng malaking kita base sa kung gaano kalaki ang bigas na ia-angkat ng bansa.

Ayon pa kay Castelo, tungkulin ng daw NFA na magbigay ng bigas sa mamamayang Pilipino sa murang halaga kaya’t dapat ay alam nila kung ano ang ganap na paglalagak, imbentaryo, at mitigasyon ng mga bigas at ang posibilidad na ito ay masayang kung ang aangkatin ay labis-labis.

Nakakalungkot umanong malaman na mayroong tone-toneladang sako ng bigas na nakaimbak sa iba’t-ibang imbakan sa bansa na nasasayang lamang at maisisisi ito sa maling pag-iimbak, maling pagdi-deklara kung may kakulangan o wala at ang kawalan ng transparency lalu na kung may katotohanan ang umano’y pagiging trade facilitator at importer ng NFA na dahilan pa umano upang masayang ang malakaing bahagi ng pondo ng pamahalaan samantalang kumikita naman ng malaki ang ilang traders at financial institutions, dagdag pa ni Castelo.

Iimbestigahan na ang diumano'y mataas na renta sa mga malls

Batay sa HR01542 na inihain nina Valenzuela Rep Magtanggol Gunigundo at Tarlac Rep Jeci Lapus, uumpisahan na ang imbestigasyon ng House Committee on Trade and Industry hinggil sa mga reklamong mataas na singil sa renta ng mga shopping malls

Sinabi ni Gunigundo na wala umanong magawa ang mga restaurants, boutiques at drug stores na umuupa kundi magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto gaya ng damit, sapatos, hand bag, pantalon, polo shirts, pagkain at mga inumin dahil hindi regulated ang presyo ng paupa sa mga malls.

Ayon sa kanya, halos lahat ng Filipino daw ay nagpupunta sa mga malls tuwing week-end kasama ang pamilya at pagkatapos mag-shopping, siguradong kakain sa restaurant at dito na sila maging biktima sa mataas na presyo ng pagkain, bottled-water, soft drinks at iba pa dahil mataas ang upa ng puwesto sa malls.

Walang magawa ang food at retail outlet kundi magtaas ng presyo o kaya’y magbawas sa serving ng pagkain dahil sa overhead expenses na dulot ng regular na 10% pagtaas ng renta taun-taon at wala na silang magawa kundi patulan ito para lamang mapanatili ang kanilang negosyo, dagdag pa ni Gunigundo.

Sinabi naman ni Rep Lapus na bukod sa renta, kailangan ding magbayad ang mga umuupa ng 15% ng kanilang gross sales, batay sa nakasaad sa kanilang mga kontrata.

Ayon pa sa kanya, ang percentage rate ay binabayaran umano kung ang 15% ng gross sales ng lessee ay mas mataas sa discounted rent na nakasaad sa lease agreement.

Bukod sa 10% na taunang dagdag sa upa at bayad sa percentage rent, nagbabayad din ang umuupa ng maintenance, air-conditioning, common use service areas (CUSA), telephones, electricity, water and rental association dues, dagdag pa ni Lapus.

Friday, September 02, 2011

State witness, dapat sumailalim sa psychological exam

Iminungkahi sa Kamara ngayon na kailangan sumailalim sa physical at psychological examination ang maaaring saksi bago ito tuluyang makapasok sa witness protection program para sa lalong ikabubuti ng programa ng gobyerno.

Sa inihaing HB05060 ni AGHAM partylist Rep Angelo Palmones, ipinanukala niya na amiyendahan ang RA06981 upang maisama ang probisyong kanyang iminungkahi at ito sa “Witness Protection, Security and Benefit Act.”

Sinabi ni Palmones na hindi kasama sa mga probisyon ng RA06981 na sumailalim sa pagsusuri ang maaaring aging saksi ng estado at may mga insidente pa umano na nawawala ang saksi dahil wala ilong medical examination.

Layunin din ng HB05060 na malaman kung ang maaaring saksi ay physically, mentally at psychologically sound upang karapat-dapat ito para makapasok sa programa.

Ayon kay ni Palmones, dumaranas umano ng matinding takot at physical stress ang mga saksi na nasa ilalim ng programa at kailangan malaman ito ng mga kinauukulan para mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Hindi daw biru-biro ang nasa witness protection program dahil sa sobrang tensyon o emotional at psychological pressure na dinaranas ng saksi lalo na doon sa mahihina ang loob.
Free Counters
Free Counters