Thursday, August 25, 2011

Walang pondong pangpatayo at pangkumpuni ng mga hukuman sa 2012 budget

Ipinahayag ni Pangasinan Rep Marlyn Premecias-Agabas na wala umano kahit isang sentimong inilaang pondo ang Justice Department para sa pagpapatayo ng gusali o kahit para sa pagkukumpuni man lamang ng mga hukuman sa maraming lugar ng bansa matapos na isumite ang panukalang 2012 General Appropriations Act na naglalaan ng P400 milyong pondo para sa pagtatayo ng Manila Halls of Justice.

Ayon kay Primicias-Agabas, Chairman ng House Committee on Revision of Laws, aamiyendahan nila ang 2012 national budget sa pamamagitan ng pagbabalik ng panukalang P1.2 bilyong pondo para sa mga korte.

Ipinaliwanag niya na alam umano ng lahat na hindi lamang mga hukuman dito sa Kamaynilaan ang nangangailangan ng pagkukumpuni ng kanilang mga gusali, kailangan pa ring makapagpatayo ng mga bagong gusali para sa mga hukuman sa maraming congressional districts sa buong bansa.

Sa pagharap ni Justice Secretary Leila De Lima sa pagdinig sa Kamara, sinabi nito na naglaan daw ang kagawaran ng P1.2 bilyong pondo para sa mga lokal na hukuman ngunit hindi ito isinama ng DBM o Department of Budget and Management sa Kamara ayon sa liham na kanilang ipinadala noong ika-6 ng Enero 2011 na nagsasaad ng pagtutol ng Pangulo sa mga probisyon para sa hinihinging pondo.

Ayon kay De Lima, ang P1.2 bilyong panukalang pondo ay inilalaan para sa pagtatayo, pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga gusali ng hukuman sa buong bansa ngunit maaari pa rin namang hilingin ng mga mambabatas na ibalik ito kung nanaisin nila.

Idinagdag pa niya na mananatili pa rin ang hiniling na P400 milyong pondo na tanging inilalaan lamang para sa pagkukumpuni ng Manila Hall of Justice na inendorso ng Kataastaasang Hukuman noong nakaraang taon kung walang inisyatiba ang Kongreso na hilingin ang pagbabalik ng P1.2 bilyong pondo.

Tuesday, August 23, 2011

Lemon Law, pasado na sa Kamara

Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang lemon law o ang proposal na magpapa-igting sa consumer protection ng mga mamimili ng mga brand new na sasakyan.

Ang HB04841, prinsipal inakda ni Compostela Valley Rep Maria Carmen Zamora-Apsay ay inaasahang magbibigay ng kapanatagan sa mga bumibili ng bagong sasakyan dahil minsan, may mga sirkumstansiya na ang mga binibiling brand new car ay may factory defects na maaaring maging sanhi ng disgrasya, at ito ay sa pamamagitan ng full refund ng halaga ng mga sasakyang ito.

Sinabi ni Zamora-Apsay, ang proposed lemon law ay ang siyang maglalatag ng mga parameter sa pagtatanggap ng mga consumer complaint kaugnay sa brand new vehicles na may mga factory defects at ang mga karampatang refund sa consumer.

Ayon sa kanya, batay sa estatistika, nasa average na 100,000 unit ng kotse ang naibebenta kada taon dito sa bansa at 100 dito ang naiulat na mayroong factory defects.

Nadadaan na lamang umano, ayon sa kanya, sa magandang usapan ang reklamong natatanggap ng Department of Trade and Industry o DTI ngunit hindi naman sapat ang paraan para sa karaingan at proteksyon at karapatan ng bumibili ng kotse.

Nakasaad sa paukala na responsibilidad ng manufacturer at distributor, authorized dealers at retailers, sa sandaling nasa bumili na ang behikulo at notice of non-conformity, kailangan asikasuhin ng manufacturer o distributor ang reklamo at kumpunihin ang behikulo alinsunod sa standard o specification ng manufacturer o distributor.

---

Singil sa mga entrance exams, kinondena

Kinondena ni Taguig City Rep Sigfredo Tinga ang naging kalakaran ng ilang mga pribadong eskuwelahan na sumingil ng entrance examination fee nang kanyang sinabi na kung wala kang pera, hindi ka makakakuha ng entrance examination.

Sinabi ni Tinga na ang sistemang ito ang nagpababa sa ekonomiya at nagiging hadlang sa maraming estudyante sa pampublikong paaralan na pumasok sa kolehiyo.

Ayon sa kanya, para umanong inalisan ang mga estudyante ng karapatan kahit sa panaginip lang.

Idinagdag pa ni Tinga na naging negosyo na ng ilang pribadong eskwelahan ang entrance exams hindi tulad ng maraming paaralan na tinatrato at tanggap nila ang mas maraming estudyante na gusto pumasok sa kanilang paaralan.

Tinukoy ni Tinga ang eskwelahan na sumisingil ng entrance exam sa minimum na P500 mula sa mga estudyante ay ang DeLa Salle University, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, Ateneo de Manila University, College of Don Bosco, Polytechnic Universsity of the Philippines at ang University of the Philippines.

Ayon sa kanya, maaring maliit na halaga lamang ito pero para doon sa pamilya na abot-kaya lamang ang kinikita, ito ay malaking halaga na para sa kanila.

---

Lokal na industriya ng musika, makatatanggap na ng insentibo galling sa pamahalaan

Pumasa na sa ikatlo pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang maglilibre sa buwis, maglalaan ng subsidiya sa lokal na industriya ng musika at himukin ang pagpapalakas ng mga orihinal na musikang Pilipino upang mapahanay na tayo sa pandaigdigan larangan.

Ang HB04443 na inihain nina Bayan Muna Rep Teddy Casiño at Taguig City Rep Sigfrido Tinga ay may layuning amiyendahan ang RA07160 o Local Government Code upang malibre ang mga musikang pop, rock at kahalintulad na konsyerto na nagtatanghal ng mga Pilipinong mang-aawit at kompositor, sa pagbabayad ng amusement tax.

Sinabi ni Tinga na ang sobrang buwis sa kanilang gross income ang labis na nagpapahirap sa industriya ng lokal na musika na makipagtagisan sa mas mayayaman at mas suportadong dayuhang musikero.

Ayon sa kanya, napapanahon na para pagtuunan ng pansin at suportahan ng pamahalaan ang sining at kultura ng ating lahi sa pamamagitan ng mga naaangkop na mga batas.

Sinabi naman ni Casiño na dahil sa taas ng buwis sa mga konsyerto ay halos wala nang kinikita ang mga mang-aawit at mga producer na kadalasan ay lugi pa o bawi lang sa gastos at ang kakulangan ng mga insentibo ang dahilan ng kawalang-gana ng mga ito na mag-organisa ng mga live performances na nagresulta sa pagbaba ng oportunidad sa trabaho, damay ang galing at kahusayan ng mga artista at mang-aawit.

Layunin din ng panukala na ilaan ang kita sa amusement tax mula sa mga konsyerto at iba pang kahalintulad na presentasyon sa mga workshop ng local theater musicals o workshops at mga pagsasanay para sa mga local artists at mga kompositor upang makalikha pa ng mga orihinal na awiting Pilipino.

---

Thursday, August 04, 2011

Mungkahing opening ng klase umpisang Setyembre, suportado

Pinupursige ngayon sa Kamara ang mga mungkahing magbabago ng school calendar na gawing Setyembre na imbes na Hunyo ang umpisa ng school year sa gitna ng sunod-sunod na nagdaang mga bagyong dinanas ng bansa.

Sinabi ng mga may-akda ng mungkahing ito na humigit-kumulang sa dalawampung bagyo ang dumaraan sa bansa sa loob ng isang taon kung kaya't sila ay nag-alala sa magiging epekto nito sa mga estudyante at mga magulang na dulot ng naturang mga kalamidad.

Bukod dito, nag-aalala din sina Cavite Rep Lani Mercado-Revilla at bagong Henerasyon partylist Rep Bernadette Herrera-Dy para sa mga estudyante, magulang at titser sa maaring makuhang sakit tulad ng respiratory diseases, dengue fever at leptospirosis at sa mga hukay sa kalsada at bukas na imburnal.

Sinabi ni Mercado-Revilla na sa nakaraang magkasunod na bagyong pumasok sa bansa, may ilang beses na sinuspendi ang mga klase sa elementary pati na sa kolehiyo dulot ng malakas na ulan at pagbaha.

Sa unang araw pa lamang umano ng pagbubukas ng klase, pumapasok na ang bagyo at ang pagsuspendi sa mga klase ay hindi lamang isang araw dahil nanatili pa rin ang baha sa ibang lugar.

Bagamat magkahiwalay ang HB04866 at HB04895 na inihain nina Mercado at Herrera-Dy, nagkaisa naman ang dalawang kongresista sa pag-amiyenda sa RA07797, ang “The Act of Lengthen the School Calendar not more than 220 day.”

Ang Pilipinas at Brunei lamang ang dalawang bansa sa Asia-Pacific region na nagsisimula ang regular classes sa Hunyo. Enero sa Malaysia at Singapore, Pebrero sa china, Marso sa South Korea, Abril sa Japan at India, Mayo sa Thailand, Hulyo sa Indonesia at Setyembre sa Hong
Kong.

--

Monday, August 01, 2011

Imbestigasyon sa PCSO, iminungkahi

Posible umanong nilabag ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office ang kanilang sariling regulasyon na dapat hiwalay ang charity funds mula sa ibang accounts o ang tinatawag na general expenses at maaari ding nilabag nito ang COA o Commission on Audit accounting rules and regulations.

Ito ang ipinahayag ni Quezon City Rep Winnie Castelo nang kanyang sinabi na ilang opisyal ng PCSO ang nagbulgar na may mga palsipikadong media contracts at bogus medical claims na naging gatasan sa PCSO hanggang magka-utang ito ng P4 bilyon noong panahon ng dating administrasyon.

Ayon kay Castelo, gumastos umano ng sobra-sobra ang PCSO mula sa kanilang operating expenses kaysa sa charity work lalo na sa huling dalawang taong naupo ang mga dating itinalaga bilang mga miyembro ng board nito kaya kanyang hiniling sa Kamara na imbestigahan ang diumanong katiwalian sa PCSO.

Pumasok daw ang mga former appointees sa milyong pisong kontrata na may pinaborang grupo ng media at nag-isyu rin ng mga guarantee letter sa mga ospital at parang lumalabas na ang P1 bilyon ay naibayad sa media group at ang natirang P3 bilyon ay napunta sa mga ospital.

Ayon naman kay PCSO chair Margarita Juico na ang mga tinalaga ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mga director ng PCSO board ang gumamit ng operational expenses at nilabag ang alituntunin ng ahensiya na hiwalay ang charity fund mula sa general expense
account.

Benepisyo at proteksiyon sa mga kasambahay, daragdagan

Iminungkahi ngayon sa Kamara ang pagkakaroon ng minimum na sahod, pagmimiyembro sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga kasambahay sa buong bansa.

Sa isinumiteng HB04896 ni Cavite Rep Lani Mercado-Revilla, ang lahat ng kasambahay na namamasukan sa NCR o National Capital Region ay dapat tumanggap ng sweldong P3,000 samantalang P2,500 kada buwan sa mga chartered cities at first class municipalities at maari namang tumanggap ng P2,000 na suweldo kada buwan ang mga kasambahay na naninilbihan sa iba pang munisipalidad.

Sinabi ni Revilla na ito ay bilang pagkilala at pagbibigay proteksiyon na rin sa lahat ng kasambahay na ang trabaho ay maituturing na espesyal at mahalaga sa bawat pamilyang kanilang pinapasukan.

Batay sa panukala, dapat ay mayroong kasulatan sa pagitan ng amo at ng kasambahay kung saan nakasaad ang dapat tanggaping sweldo ng kasambahay at maging kung kailan dapat matanggap ang sweldo at kung kailan dapat na madagdagan ito.
Free Counters
Free Counters