Isinusulong ngayon ang pagsasabatas ng People’s Survival Fund bill na naglalayong madagdagan ng mas malaking pondo ang mga programa para matugunan ang epekto ng pagbabago ng klima.
Sinabi ng bagitong mambabatas ng Quezon na si Rep Irvin Alcala na sa pagpupulong kahapon hinggil sa pagpasa ng naturang panukala, kanyang isinulong ang agarang pagpasa sa HB03528 na mag-aamiyenda sa RA09729 o Climate Change Act of 2009 dahil sa lumalalang kalagayan ng klima.
Ayon sa kanya, hindi umano maiiwasan ang lumalalang kalagayan ng klima sa buong mundo tulad ng pagkatunaw ng niyebe sa polar icecaps at Amerika, pagbaha sa Australia, at mga epekto ng El Niño at La Niña.
Maging ang temperatura umano sa bansa ay apektado na rin mula sa normal na 28ºC na bumaba sa 22.6ºC at sa lungsod ng Baguio ay bumaba rin ng 9.4ºC, ganun din sa Kamaynilaan na bumaba ng 19.8ºC at dahil dito ay labis na naapektuhan daw ang milyon-milyong pisong halaga ng produktong agrikultura.
Samantala, 46 mula sa 51 pag-ulan sa buong bansa ay nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagbagsak ng ulan na nagdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa na naging sanhi ng pagkasawi ng maraming buhay at pagkawasak ng mga ari-arian.
Kabilang sa labis na naapektuhan ay ang Surigao City na nagtala ng 1800 mm na ulan noong Enero, at sa Samar na nagtala naman ng 1,524 mm na ulan, samantalang ang buong bansa naman ay nakaranas ng 22 malalakas na bagyo mula 2008 hanggang 2009.
Ayon pa sa mambabatas, sa Caraga Region, umabot sa 300,000 pamilya ang nawalan ng bahay sa loob lamang ng limang araw ng tuloy-tuloy na pag-ulan at 70,000 naman sa Davao del Norte, Compostela Valley at Albay, sanhi ng mga baha at pagguho ng lupa.
Nagbabala naman si Science and Technology Undersecretary Dr Graciano Yumul na maaaring makaranas ang bansa ng 11 pang mas malalakas na bagyo sa taong ito.
Sa ilalim ng HB03528, magdaragdag ng mas malaking pondo ang pamahalaan para sa mga programa at proyekto para matugunan ang epekto ng pagbabago ng kilma at ang pondo nito ay kukunin sa General Appropriations Act (GAA), dibidendo mula sa Government Owned and Controlled Corporations, kita mula sa motor vehicle user’s charges, at pondo mula sa mga dayuhan sa ilalim ng compensatory financial mechanism.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa pamamagitan ng panukalang ito ay maaari ng gamitin ang dating pinagkukunan ng pondo para sa programa ng climate change batay sa RA09729 mula sa internal revenue allotment (IRA) ng lokal na pamahalaan, sa iba pang mahahalagang programa tulad ng edukasyon at kalusugan.