Wednesday, August 25, 2010

Anomalya sa PhilHealth, nais gawing krimen

Ang mga panlolokong ginagawa sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ilang health care providers ay gagawin nang krimen upang matigil na ang anumang anomalya na kinasasangkutan ng mga ito na umano’y sanhi upang malugi ang Philhealth ng milyong pisong halaga.

Sinabi ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro na layunin ng kanyang panukala, ang HB00020 na madagdagan ang kapangyarihan ng PhilHealth upang maprotektahan ang pondo ng National Health Insurance (NHI).

Maliban sa pagbibigay karapatan sa PhilHealth ng visitorial at police powers, itatakda din ng panukala ang mga pagkakasala at katumbas na kaparusahan kabilang na ang pag-aabuso at unethical practices na umano’y ginagawa ng iilang health care providers, employers at maging miyembro nito.

Ayon kat Teodoro, nararapat lamang na alamin at ma-identify at gawing krimen ang mga panloloko at pang aabuso at unethical practices ng ilang health care providers bago pa man lumala ito at maubos na ng tuluyan ang pondo ng NHI.

Ilan sa mga umano’y pandaraya na kadalasang ginagawa ng ilang institutional health care providers ay ang pagpapasa ng kung ilang beses ng claim, di maipaliwanag na pagtanggap o admission na hindi naman kabilang sa accredited bed capacity, claims sa mga di kasama o di pinapayagang serbisyo at procedures na ginagawa ng hindi naman kabilang sa kakayahan ng health care institution at ang breach of warranties.

Papatawan ang mga health care providers na mapapatunayang nagkasala, ng multang mula P50,000 hanggang P100,000.

Dagdag na 2 taon sa basic education, sinalungat ng ilang solon

Dumarami ang bilang ng mga mambabatas na di pumapabor sa mungkahi ng Department of Education (DepEd) na pahabain ng dalawang taon pa ang basic education.

Ipinahayag ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito na lalong bababa ang porsiyento ng mga hindi makapagtapos ng pag-aaral kahit elementarya at high school kung itutuloy ang layunin ng DepEd na palawigin ang basic education sa bansa.

Sinabi ni Ejerciton na hindi siya pabor sa panukala dahil masyado na umanong malaki ang bilang ng mga kabataang hindi makapagtapos ng pag-aaral kahit sa basic education pa lamang at papaano pa kung madagdagdagan umano ito ng dalawang taon, mas lalu lang daw itong dadami.

Kinuwestiyon naman ni South Cotabato Rep Daisy Fuentes ang pahayag ni DepEd Secretary Armin Luistro na hindi magiging dagdag pasanin daw para sa mga magulang ang panukalang ito.

Paano niya umanong nasabi iyon, e ang mga estudyante, kailangang bigyan ng perang pamasahe at pabaon, pambili ng libro at mga gamit sa eskwela?

Para kay Fuentes mas dapat pagtuunan ng DepEd ang pagresolba sa mga problemang tulad ng kakulangan sa mga guro, silid-aralan, aklat at pasilidad na kailanagan upang maging maayos ang pagtuturo at pag-aaral sa buong bansa.

Inihalimbawa rin ni Fuentes ang programang kindergarten sa mga pampublikong paaralan na sinimulan ng pamahalaan noong 2007.

Hindi umano naging matagumpay ang programa dahil hindi nagbigay ng mga guro, mga silid-aralan, pasilidad at aklat na kinakailangan para maipatupad ang programang ito at ang lokal na pamahalaan ang bumalikat ng gastusin para lamang maipatupad ang programang ito.

Ayon pa kay Fuentes, possible daw na matulad lamang sa programang kindergarten kung ipagpipilitan ng DepEd na palawigin ang basic education ngunit wala naming sapat na pondo para ito ipatupad.

Para naman kay Cebu City Rep Rachel Marguerite Del Mar, marami umanong naghihirap na pamilya ang lalong hindi makakapag paaral ng kani-kanilang mga anak kung matutuloy ang dagdag na dalawang taon sa elementarya at high school.

Ang kahirapan daw ang problema at maraming bata ang hindi na makapasok ng paaralan dahil hindi kaya ng kanilang mga magulang at sa kasalukuyan daw, marami ang halos wala nang mailaman sa kanilang sikmura kaya paano umano maaasahang maiintindihan nila ang kanilang pinag-aaralan kung kumakalam ang sikmura nila, kaya hayaan na lamang muna ang ganitong sitwasyon at ito na lang ang pagbutihin.

Mga opisyal ng barangay, dadagdagan ng kompensasyon

Nais ni AGAP Party-list Rep Nicanor Briones na madagdagan ang buwanang kompensasyon na tinatanggap ng mga opisyal ng barangay bilang pagkilala sa kahalagahan ng kanilang kontribusyon sa lipunan bilang mga frontliners ng pamahalaan.

Sinabi ni Briones na layunin ng kanyang panukala, ang HB00685, na itaas mula sa dating P1,000 at P600, ay gawing P10, 000 at P6, 000 ang natatanggap ng mga punong barangay at mga miyembro ng sangguniang barangay, ingat-yaman ng barangay, kalihim ng barangay, at mga barangay tanod.

Ayon kay Briones, dapat nang baguhin ang kalakarang ito dahil ang mga opisyal ng barangay at empleyado dito ang itinuturing na mga frontliners, ng pamahalaan at siyang direktang nakakasalamuha ng mamamayan ngunit sila pa ang may pinakamababang sweldo.

Idinagdag pa ni Briones na nasa batas naman ang mga gawain at responsibilidad na ginagampanan ng mga opisyal ng baranagy at empleyado nito tulad ng pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang nasasakupan, kaya dapat lamang na may sapat din silang benepisyong natatanggap.

Partikular na aamiyendaha ng HB00685 ang Section 393 ng Local Government Code o ang Compensation and Benefits of Barangay Officials, kung saan ang mga barangay officials kasama na ang mga tanod at miyembro ng lupon ng tagapamayapa ay makakatanggap ng buwanang kompensasyon at hindi na lamang simpleng honoraria, at iba pang benepisyong nasasaad sa batas.

Monday, August 23, 2010

Ahensiyang mangangalaga ng mga kabayong pang-karera, itatatag

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang pagtatatag ng isang ahensya na mangangasiwa sa pag-aalaga ng mga kabayo na ginagamit sa karera.

Sa ilalim ng HB00224 na inihain ni ni Manila Rep Amado Bagatsing, sinabi nito na ang karera ng kabayo ay isa na ngayon sa pandaigdigang larangan kaya’t ang lahat ng aspeto hinggil dito ay dapat lamang na mapasailalim sa pangangalaga ng isang ahensya na titiyak sa pagmamantine ng propesyonalismo ng larangan, kalidad ng pangangalaga, operasyon at paglilisensya sa lahat ng kawani sa larangan, at ang mapagkakatiwalaang operasyon ng tayaan sa karera ng kabayo.

Tatawaging Charter of the Philippine Thoroughbred Horseracing Authority, ang panukala ay may layuning tiyakin ang pagtatatag ng ahensya na magsusulong ng isang mahusay, mapagkakatiwalaan at isang tapat na paglilingkod sa industriya upang mapanatili ang pagtitiwala ng publiko at maseguro ang kaunlaran, at pagbubukas ng bagong oportunidad sa trabaho at iba pang kabuhayan para sa mamamayan.

Ang ahensya ay itatatag sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo na siya namang bubuwag sa Philippine Racing Commission na itinatag sa ilalim ng PD No.420.

Friday, August 20, 2010

Mga whistleblower, mapoptoteksiyunan na

Ipinanukala nina Bayan Muna Reps. Teodoro Casiño at Neri Javier Colmenares na mabigyan ng proteksiyon at pabuya ang mga whistleblowers o mga taong nagbubulgar ng mga katiwalian at irigularidad sa gobyerno.

Sa HB00132 nina Casiño at Colmenares, layunin nito na mahikayat ang mga may alam sa mga katiwalian laban sa mga opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon at pabuya sa mga
ito.

Sinabi ni Casiño na may mga tao na may nalalamang katiwalian sa loob ng pamahalaan ngunit mas pinipili na lamang ang manahimik dahil sa posibilidad na haraping hirap kapag magsimula na silang magsalita.

Ayon pa sa kanya, marami umanong whistleblowers ang nawalan ng ganang magsalita at ipagpatuloy ang kanilang pagiging saksi dahil na rin sa kawalan ng proteksyon na dapat sana ay ibinibigay ng pamahalaan.

Marami rin sa mga whistleblowers ang napipilitang magtago na lamang dahil imbis na sila ang maging dahilan upang mahuli ang mga tiwali, sila pang umano ang tinatakot ng mga taong naakusahan ng katiwalian.

Ito umano ang dahilan para lalong mamayagpag ang mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno dahil mas madalas ay umuurong ang whistleblowers.

Barangay at SK elections, ipagpapaliban

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang pagpapaliban ng eleksyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakdang ganapin sa buwan ng Oktubre upang bigyang-daan ang pag-audit sa nakaraang automated national election at upang maiwasan ang epekto ng inflation na dulot ng dalawang magkasunod na halalan.

Sinabi ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte, may-akda nh HB00062, na nagtatakda ng halalan sa Mayo 2011, samantalang inihain naman ni Minority Leader Edcel Lagman ang HB00104 na naglilipat ng petsa ng halalan sa huling Lunes ng Oktubre 2012.

Ayon kay Villafuerte, pagtutuunan umano ng pamahalaan ang pag-audit ng nakaraang automated elections at busisiin ang mga naging suliranin, pagkakamali at kakulangan na kinuwestyon at
tinuligsa ng iba’t ibang sektor, at maiwasto ito para sa mga susunod pang halalan.

Sa ilalim naman ng panukala ni Lagman, muling bubuhayin nito ang limang-taong termino ng mga opisyales ng barangay, na pabor aniya para sa mahabang pagsasanay sa lokal na pamamahala at maiiwasan na rin ang matinding tunggalian at away maging sa mga magkaka-pamilya dulot ng eleksyon..

Ayon kay Lagman, mababawasan na umano ang madalas na halalan at makakatipid ang pamahalaan ng halagang P3B na inilaan sa barangay election sa ilalim ng 2010 General Appropriations Act na maaaring ilaan sa basic socio-economic services, pag pondo sa inamiyendahang agrarian reform program na kapos sa pondo at rehabilitasyon ng iba’t ibang proyekto ng pamahalaan.

Malalaking sweldo ng mga opisyal sa GOCCs, binatikos

Naniniwala sina Cagayan de Oro Rep Jose Benjamin Benaldo at Kalinga Rep Abigail Faye Ferriol na labis-labis ang tinatanggap na sweldo ng mga opisyal ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at hindi ito makatarungan lalo na kung marami ang naghihirap at nagugutom na mamamayang Pilipino.

Sinabi ni Benaldo na ang buong akala niya ay ang National Power Corporation (Napocor) na nasa kanyang lalawigan ang may malaking pasweldo na kung saan ultimo umano ang mga janitor doon ay tumatanggap ng hindi bababa sa P20, 000 kada buwan kasama na ang libreng paggamit ng kuryente ng mga empleyado ng Napocor.

Ayon sa kanya, noong nanunungkulan pa siya bilang konsehal sa Cagayan de Oro, iyon ang nakarating sa kanya habang ipinagpipilitan nilang maibaba ang singil sa kuryente sa kanilang lugar dahil mahirap lamang ang karamihan doon pero libre pa ang pagkonsumo nila ng kuryente habang ang karamihan ay hilahod para lang makabayad kaya ayon sa mambabatas ikinagulat niya ang napabalitang umano’y labis-labis na sweldo at benepisyo ng lahat ng GOCCs.

Naniniwala rin si Ferriol na dapat nang makialam ang Kongreso at magpasa ng batas kung saan magkakaroon na ng salary standardization ang mga GOCCs, partikular na ang sweldo ng mga opisyal at members of the board nito.

Pabor din sila na buwagin na ang mga GOCCs na nagiging pabigat na sa pamahalaan at hindi na nakakapagpasok ng salapi sa kaban ng bayan dahil, ang dahilan umano kaya mayroong mga GOCCs ay upang ito ang humawak ng mga negosyo na hindi maaaring hawakan ng pamahalaan, at magpasok ng salapi sa kabang bayan.

Ayon naman kina Las Pinas Reps Mark Villar at Party-list Rep Bernadette Herrera-Dy, dapat pag-aralang mabuti ang tungkulin ng bawat GOCC bago ito pagdesisyunang buwagin.

Junior police sa bansa, muling bubuhayin

Bubuhaying muli sa pamamagitan ng pagsasabatas ni Manila Rep Carlo Lopez ang junior police upang makatulong ang mga ito sa mga otoridad at mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng mga batas at mga lokal na ordinansa.

Naghain si Lopez sa Mababang Kapulungan ng HB00120 na naglalayong itatag ang National Junior Police Force na bubuuhin ng mga kabataang nasa idad 15 hanggang 20 anyos na maglalayong boluntaryong sumali sa organisasyon.

Sa ilalim ng panukala, ang magnanais maging junior police ay makakatanggap ng allowances o honoraria na magmumula sa Local Government Units (LGUs).

Nakasaad din sa panukala na kapag binigyan ng rekomendasyon ng kanilang school principals, ang mga junior police force ay agad na itatalaga ang mga ito at isasailalim sa pamamahala at pangangalaga ng mga local executives.

Ang mga miyembro ng national junior police force na magkakapagsilbi ng apat na taon ay maaari nang makapasok sa regular police force nang hindi na dumadaan sa written examinations.

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Lopez, ang bawat pulis ay nagsisilbi sa 1000 mamamayan at ang ratio na ito ay labis na mahirap para sa kapulisan kaya kung mahihikayat umanong tumulong ang mga kabataan ay malaking tulong ito sa bayan.

Wednesday, August 18, 2010

Pagdaradag sa IRA, hiling sa Kongreso

Makatatanggap ng mas malaking bahagi ng Internal Revenue Allotment (IRA) ang mga Local Government Units (LGUs) sa sandaling naisabatas ang panukalang naglalayong pahintulutan ito.

Sa panukala ni Eastern Samar Rep Ben Evardone, posibleng makatanggap ng 60 porsiyentong bahagi, mula sa dating 40 porsiyento, ng IRA ang mga local na pamahalaan.

Layunin ng HB00149 na amiyendahan ang RA07160 o ang Local Government Code of 1991 upang madagdagan ang pondong ginagamit para sa pagpapaunlad ng mga lalawigan lalo na yaong itinuturing na kabilang sa mahihirap na probinsiya.

Sinabi ni Evardone, nagawa ng maitaas ang IRA ng mga lokal na pamahalaan mula sa dating 11, ay naging 40 porsiyento ito dahil sa pagsasabatas ng RA07160, ngunit batay na rin sa mga pag-aaral, lumabas na hindi sapat ang pagtaas na ito upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan sa mga lalawigan.

Ayon pa sa kanya Evardone, layunin ng batas na harapin at bigyang pansin ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan, partikular na ang mga nasa lalawigan dahil ito umano ang unang hakbang para maiangat ang mamamayan mula sa kahirapan.

Tuesday, August 17, 2010

National identification card, isinusulong

Isinusulong ngayon ni Albay Rep Al Francis C. Bichara ang pagtatatag ng national identification card na maglalaman ng mahahalaga at pangunahing mga impormasyon ng bawat mamamayan ng bansa.

Sinabi ni Bichara na nakasaad sa kanyang panukalang HB00131 ang boluntaryong magkakaroon ng VIP card ng bawat Pinoy at mga dayuhang pinili ng manirahan sa Pilipinas, anuman ang idad nito.

Ayon kay Bichara, kung magkakaroon ng iisang identification card ang bawat Pinoy, mas mapapadali ang pakikipag-ugnayan ng bawat mamamayan sa pamahalaan.

Idinagdag pa niya na ang VIP card ay magsisilbing katibayan ng pagkakakilanlan ng isang tao sapagkat ito ay maglalaman ng permanenteng serial number, pangalan, litrato, tirahan/residente, kapanganakan, kasarian, taas at timbang, nasyunalidad, tipo ng dugo, polling precinct, barangay/munisipalidad/lungsod o probinsiya, at ang kalagayan at pangangailangang medikal nito.

Ani Bichara ang, VIP card ay maaaring gamitin sa pagsisiguro kung ano ang tunay na kalagayan ng isang tao, kung siya man ay may asawa o wala, kapanganakan at iba pang personal na kaalaman. Magagamit ito kung nais kumuha ng pasaporte o lisensiya sa pagmamaneho.

Magagamit din daw ito kung nakikipagtransaksiyon sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HMDF).

Maaari ring umano itong gamitin ito sa mga pagkakataong mayroong kinalaman sa pagpasok sa paaralan o sa unibersidad o anumang institusyong may kinalamanb sa edukasyon o paglinang ng talinoo sa pag-a-apply ng trabaho.

Kung may magkamaling gumawa ng palsipikasyon sa ibibigay na impormasyon ng taong nagnanais magkaroon ng VIP card, parusang isang taong pagkakakulong o di kaya’y multang di bababa sa P10,000 ang ipapataw dito.

Monday, August 16, 2010

a news item


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Thursday, August 05, 2010

Iminungkahing mga military pilot na lamang ang gamitin sa PAL

Iminungkahi ni Capiz Rep Jane Castro na pansamantalang gamitin ang mga piloto sa military upang maiwasang maantala ang operasyon sa Philippine Airlines at mabawasan ang epekto sa mga mananakay ng Philippine Airlines (PAL).

Sinabi ni Castro na malaki na ang epekto sa mga biyahero at sa turismo ng bansa ay naaapektuhan dahil sa pag-alis ng mga piloto ng PAL ngunit dapat pa rin umanong tingnan ang sitwasyon sa military kung makakaapekto ba ang pagtulong ng mga military pilots upang hindi naman maantala ang operasyon nito.

Naniniwala si Castro na wala nang makakapilit pa sa mga nagbitiw na mga piloto na bumalik dahil hindi na sila masaya sa natatanggap nilang sweldo mula sa PAL.

Ayon pa kay Castro, dapat munang bigyan ng solusyon ang pangunahing problema na magkaroon ng mga pilotong maaaring magpalipad ng mga eroplano ng PAL para mabawasan ang epekto sa ekonomiya ng bansa, sa turismo at higit sa lahat, sa mga pasahero.

Ang pagbibitiw ng mga piloto umano ay naging sanhi upang maparalisa ang operasyon ng PAL at maraming pasahero ang naantala ang biyahe at ang pinaka-solusyon dito ay pansamantalang hiramin at gamitin ang mga military pilot ng bansa.

Samantala, upang maiwasan ang exodus ng mga piloto, nanawagan si Castro sa mga namamahala sa PAL na gumawa ng paraan at gawin ang lahat ng mga ito upang maayos ang gusot sa pagitan ng mga empleyado nito lalo na sa usapin ng suweldo.

Multi-lingual education at literacy program, isinusulong

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang magtatatag ng multi-lingual education program na naglalayong maiangat ang literacy program ng gobyerno.

Sinabi ni Valenzuela City Rep Magtanggol Gunigundo na sa HB00162 na inihain niya, layunin nito na gamiting pangunahing salitang gagamitin o primary medium of instruction (MOI) sa pagtuturo ang diyalektong ginagamit ng mga bata mula sa pre-school hanggang sa matapos ang elementarya.

Sa ilalim ng kanyang panukala na kikilalanin bilang Multi-Lingual Education and Literacy Act of 2010, ang first language o ang salitang ginagamit ng bata, English at Filipino ay ituturo bilang magkakaibang aralin sa elementarya.

Simula sa Grade IV, ang English at Filipino ay unti-unting ituturo at gagamitin bilang MOI sa pag-aaral sa elementary at isasama ito sa school curriculum subjects samantalang sa high school naman ay gagamitin na ang English at Filipino bilang MOI, at ang first language naman ay gagamitin bilang auxiliary medium.

Mananatili naman ang kasalukuyang polisiya sa ginagamit na MOI sa kolehiyo na isinusulong at ipinatutupad ng Commission on Higher Education (CHED).

Inaatasan din ang Department of Education (DepEd) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na siyang magbigay ng lahat ng kinakailangang rekisitos, kagamitan, mga pasilidad na susuporta na kinakailangan upang mapaunlad, mapatatag, at maisaayos ang mother tongue instruction tulad ng mga pagsasanay sa mga guro, pagbibigay ng mga manuals, learning modules, textbooks, audio-visual aides at iba pang kinakailangang gamit sa pagtuturo.

Ayon kay Gunigundo ang HB00162 ay sumusunod lamang at sumusuporta sa Section 5 ng Republic Act 8980, o ang Early Childhood Care and Development Act, kung saan pibnahihintulutan nito ang paggamit ng salitang ginagamit ng isang bata bilang MOI.

Naniniwala rin si Gunigundo na mas mabisang paraan ito upang mas maintindihan ng mag-aaral ang mga itinuturo sa kanila. Base na rin umano ito sa mga pag-aaral na ginawa kung saan anpatunayan na mas maraming mag-aaral ang mas nakakaintindi kung ano ang kanilang pinag-aaralan kung ito ay itinuturo sa sarili nilang wika.

Tuesday, August 03, 2010

Pabahay at palupa sa Marikina, isinusulong ng mambabatas

Pagtutuunan ng ibayong pansin ni Marikina City Rep Romero Federico Quimbo na bigyan ng pabahay ang mahigit 45 porsiyentong residente sa kanyang distrito na walang lupa at bahay bilang tugon sa programang pabahay ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sinabi ni Quimbo na hindi lamang pondo ang kailangan sa programang ito kundi ay isang mabisang batas na magbibigay ng sariling lupa at bahay sa mga informal settlers.

Isiniwalat ni Quimbo, dating pangulo ng Home Development Mutual Fund (HDMF) at katulong ni dating Bise-Presidente Noli de Castro sa programang pabahay na sa 257,813 na populasyon ng ikalawang distrito ng Marikina na may 13.62-square kilometers at kinabibilang ng Concepcion Uno at Dos, Fortune, Marikina Heights, Nangka, Parang at Tumana, mayroong mahigit sa 116,015 o 45 porsiyento ang informal settlers.

Ayon sa kanya, ang magiging pangunahing adhikain niya ay ang bigyan ng sariling tahanan ang kanyang mga kababayan sa distrito, kasama na ang pangkalusugan, edukasyon at livelihood.

Bukod sa ospital ng Department of Health na nagbibigay ng serbisyo sa buong lalawigan ng Rizal, nais din ni Quimbo na bigyan ng makabagong pasilidad na tutugon sa kalidad ng health care bilang pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Idinagdag pa ni Quimbo na hikayatin niya ang mga estudyante na magpakita ng kanilang galing sa akademya dahil ito ang kailangan umanong bigyan ng ibayong pansin at hindi ang pagpapatayo ng mga bagong gusaling paaralan.

Monday, August 02, 2010

Pagtatag ng preschool program sa mga pampublikong paaralan, isinusulong

Nais ng isang mambabatas na maitatag ang pre-school program sa lahat ng mga pampublikong paaralan at isama ang values formation sa ituturo sa mga pampublikong eskwelahan.

Sinabi ni Cebu City Rep Rachel Marguerite del Mar nakasaad sa isinumite niyang HB00025 na magiging hiwalay na level ng pag-aaral ang preschool at ituturing itong prerequisite para makapasok sa elementarya.

Ayon kay del Mar, ang preschool age ang pinakatamang taon para turuan ang mga bata dahil sa mga edad na ito ay nagsisimula na silang maging interesado sa mga bagay-bagay sa kanilang paligid.

Nakasaad din sa panukala ni Del Mar ang pagsasama ng values formation bilang mahalagang bahagi ng pag-aaralan sa lahat ng pampublikong paaralan mula sa preschool, elementarya, hanggang sa high school.

Ayon pa sa kanya , ang mga paghahandang dapat gawin ng isang guro na nagnanais magturo ng values formation ay dapat magkaroon ng tama at kinakailangang kagamitan, paghahanda, kaalaman at iisang pang-unawa at pagkakaintindi kung papaanong magturo na mauunawaan at matututunan ng kanilang estudyante.

Dapat din umanong may iisa ring ihahanda o ihahaing lesson plan, paraan ng pagtuturo, paraan kung papaanong ituturo ang bawat aralin, at ebalwasyon sa kanilang mga estudyante upang maging epektibong maipapatupad ng batas na ito.
Free Counters
Free Counters