Sunday, July 26, 2009

Nilatag na ni Nograles ang agenda para sa 3rd regular session ng Kongreso

Inilatag na House Speaker Propero Nograles ang mga mahahalagang panukalang tatalakayin sa pagbubukas ng 3rd regular Session ng pang-labing-apat na Kongreso habang ang mga mambabatas ay sabik na hinihintay ang state of the nation address ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo mamayang hapon na ayon sa kanya ay tutuon sa pagpapapasok ng pamumuhunan sa bansa, paglikha ng mga trabaho, social justice at human development at good governance.

Sinabi ni Speaker Nograles na kanila umanong isabay ang development agenda ng Kongreso alinsunod sa programa din ng Pangulo upang mapabilis ang economic recovery at ang sustained growth sa gitna ng pandaigdigang economic crunch.

Matatandaang bago mag-adjourn sine die ang pangalawang regular session noong madaling araw ng a-siyete ng Hunyo ng kaslukuyang taon, iginiit pang sabihin ng lider ng Kamara na upang maharap ng tuwiran ang pandaigdigang krisi pangpinansiyal, may pangangailangang magpatupad ng repormang mga polisiya na maglikha pa ng maraming mga trabaho at economic opportunities.

Naniniwala ang Speaker na makapagtalakay at makapagpasa ang 3rd regular session ng mga panukalang siseguro ng kanyang tinatwag na sustained in-flow of new investments.

Wednesday, July 22, 2009

Protesta sa harap ng residential homes, ipagbabawal na

Iminungkahi ni Camarines Sur Rep Dato Arroyo na pagbawalan na ang pagsasagawa ng protesta ng mga aktibista sa harap ng mismong bahay ng isang opisyal na kanilang inirereklamo dahil sa alegasyon ng iregularidad at maling gawain.

Sinabi ni Arroyo sa HB06358, bagamat pinahihintulutan ang malayang pagpapahayg ng damdamin laban sa mga opisyal ng pamahalaan, hindi naman umano ito maituturing na absolute right.

Ayon sa kanya, ang karapatang magpahayag at magsagawa ng mapayapang magtitipon upang ipahatid ang kanilang damdamin laban sa isang opisyal ng pamahalaan ay maaari pa ring ipagbawal kung may maapektuhang mas nakararami.

Idinagdag pa ni Arroyo na ang mga masasakop ng panukala ay yaong mga klase ng nagpipiket o nagrarali na wala namang malinaw na mensaheng ipinahahatid o ipinaglalabang katuwiran sa bayan o para sa bayan, bagkus, nagnanais lamang makapanggulo at hiyain ang sinumang nakatirang opisyal sa lugar na gusto nilang guluhin.

Upang maiwasan daw ang gulo o posibleng kaso, hinihikayat ang mga nagnanais na magsagawa ng protesta sa mga pampublikong lugar tulad ng parke.

Ayon kay Arroyo, ang tahanan ay siyang dapat na nagbibigay ng seguridad sa isang tao, na dapat irespeto at bigyan ng paggalang ng ibang tao. Hindi na kailangang makarating sa tahanan ng isang opisyal ang mga taong may ibang opinyon laban sa kanya dahil marami naming ibang lugar na mas naaangkop na pag-usapan kung anuman ang hinaing laban sa opisyal na inirereklamo.

Tuesday, July 21, 2009

Inaprubahan na ng Kamara ang bill sa pagbibigay ng pagkain o food donation act

Pumasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas, ang HB00420 na naglalayong isulong ang pagbibigay o donasyon ng pagkain na kilalaning Food Donation Act of 2009.

Batay sa panukala ni Paranaque Rep Eduardo Zialcita, hihikayatin ang mga hotel, restaurant, grocery store at mga supermarket na magbigay ng pagkain sa mahihirap para malunasan ang problema sa pagkagutom ng mga mamamayang nabubuhay sa mga mahihirap na lugar sa bansa kung tutulong at magbibigay ng mga lumalabis na pagkain ang mga nabanggit na establisimiyento.

Sinabi ni Zialcita na hindi naman lahat ng pagkaing itinatapon ng mga malalaking establisimiyentong ito sa kanilang araw-araw na operasyon ay hindi na maaaring kainin at kadalasan umano ay ligtas at maaari pa namang kanin ang mga ito ngunit dahil sa napakataas na kalidad na ipinaiiral partikular na sa mga restaurant na siyang itinatapon na lamang ang mga sobrang pagkaing naihanda nila ngunit hindi na naisilbi sa kanilang mga parokyano.

Ayon sa kanya, ang mga pagkaing ito na tinaguriang wholesome foods ay yaong mga pagkaing hilaw, luto, naproseso o naihanda na upang isilbi o ibenta sa kanilang mga parokyano.

Ngunit natatakot naman ang may-ari ng mga establisimiyentong ito na ipamigay ang mga pagkaing ito sa dahilang baka maharap pa sila sa problema tulad ng pagsasampa ng kaso laban sa kanila, kapag mayroong hindi magandang resulta sa pamimigay nila ng mga pagkaing ito.

Kaya isinaad sa panukala ang pagtatanggal ng pananagutang sibil o criminal sa mga taong posibleng mag-donate ng mga labis-labis nilang pagkain sa mga taong nagugutom, kapag sila ay simanpahan ng kaso dahil sa kanilang pagkakawangawa.

Hinihintay na lamang ang pagkakapasa ng panukalang ito sa Senado bago pa man maging ganap na na batas ito.

Monday, July 20, 2009

Reimposition ng death penalty para sa mga sidikatong droga, suportado sa Kamara

Naniniwala si House Speaker Prospero Nograles na ang insedenteng pangingidnap at pangri-reyp sa isang minor de edad na anak ng isang government agent ay kagagawan ng mga sindikatong droga na handa i-paralisa ang mga law enforcer dahil sa kawalan ng mabigat na kaparusahan laban sa kanila sa ilalim ng kasalukuyang penal system.

Ito ang naging reaksiyon ni Speaker Nograles ng kanyang sinabi na kumikiling siya na suportahan ang re-imposition ng parusang kamatayan matapos kidnapin, lasingin sa droga at reypin ang anak ng anti-drug agent.

Ngunit nilinaw ni Nograles na personal na inayawan niya ang re-imposition ng death penalty bagamat mariin niyang inihayag na ang naturang isyu ay dapat talakaying ganap ng Kongreso upang malaman na kung talagang may pangangailangan ire-impose ito at isama na rin ang bombings bilang isang krimen na nahahanay sa death penalty.

Ayon sa kanya, dapat pag-aralan din ang panukala na ibalik ang death penalty kung ang pag-uusapan ay illegal drugs at baka mayroon ding mga opsiyon para hindi na dapat pang tratohin sila ng kid gloves.

Sinang-ayunan naman ni Cebu Rep Antonio Cuenco ang panawagan ni Nograles na umpisahan na ng Kongreso ang deliberasyon hinggil sa kontrobersiyal na panukala na masidhing namang inayawan ng Simbahang Katoliko.

Sinabi ni Cuenco na ang abolition ng death penalty ay nakakapg-engganyo pa nga sa mga sindikato na kumanlong ng mga dayuhang chemist dito sa bansa bilang kanilang safe haven.

Ayon sa kanya, ang death penalty para sa mga drug lord ay dapat i-re-impose at ipatupad sa lalung madaling panahon.

Thursday, July 16, 2009

Mga reaksiyon hinggil sa amnestiya para sa Abu Sayyaf

Magkaka-iba ang reaksiyon ng mga mambabatas hinggil sa isyu ng pagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na kasalukuyang tinutugis ng tropa ng pamahalaan sa Southern Mindanao.

Sa panig ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, sinabi niya na pabor siyang bigyan ng amnestiya ang bandidong grupo na ito upang mabigyan na rin ng pagkakataong magkaroon ng kapayapaan sa rehiyon at buong kamindanawan.

Ayon sa kanya, siya ay mula sa Mindanao at hangad niya na mamayani ang kapayapaan sa lugar na ito kaya kailangang mayroong kapayapaan din sa grupong Abu Sayyaf at makakamit lamang ito sa rehiyon kung ang lahat na miyembro nito ay maiengganyong bumalik sa kapatagan, makisalamuha sa bayan, isuko ang kanilang mga armas at itigil na ng tuluyan ang paggawa ng kremin.

Importante rin daw na maunawaan kung ano ang kanilang ipinaglalaban at kung ano ang ginawa sa kanila ng pmahalaan upang sila ay maunawaan at dapat tukuyin ang ugat ng problemang ito.

Ngunit mayroon namang ibang pananaw dito si Paranaque Rep Roilo Golez ng kanyang sinabi na hindi raw nahahanay sa kategoriyang samahang pulitikal ang gruppong ito kaya hindi sila nararapat na mabigyan ng amnestiya.

Hindi pabor si Golez sa mungkahi sa dahilang ang Abu Sayyaf ay itinuturing na terrorist group at ang amnestiya ay maaari lamang ibigay sa mga tao o grupo na nakagawa ng political offenses tulad ng New People's Army o NPA, mga rightist group at MILF.

Idinagdag pa ni Golez na ang Abu Sayyaf ay isang grupong pumapatay ng tao, nagsasagawa ng kidnap-for-ransom at namumugot ng ulo kaya hindi sila dapat kasama sa maaaring bigyan ng amnestiya.

Ayon pa kay Golez, maaaring magbigay ng amnestiya ang pangulo ng bansa dahil ito ay nakasaad naman sa Saligang Batas ngunit ang aksiyong ito ay kailangan pa rin ng concurrence o pagsusog ng Kongreso.

Wednesday, July 15, 2009

Inihalintulad sa Hawaii ang lalawigan ng Aurora

Magtatatag ng Aurora Pacific Economic Zone Authority o APEZA na magsisilbe bilang pangunahing kalakalan sa bansa batay sa inihaing panukala, ang HB06213 ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara para patuloy na lumago at umigting ang ekonomiya ng lalawigan.

Inihalintulad ni Angara ang kanyang distrito sa estadong Hawaii sa America na biniyayaan ng magandang lagay ng panahon at masaganang likas-yaman.

Sinabi ni Angara na sinisimulan na daw ngayon ang mga pangunahing proyektong inprastraktura kabilang na ang pagkompleto sa mga opisina ng APEZA sa Aurora at Subic.

Ayon sa kanya, kailangang umanong paghandaan ang mga darating na panahon upang sila ay makasabay sa mabilis na pag-unlad ng rehiyon kung ang pag-uusapan ay ang kakayanan ng lalawigan sa agrikultura at pangingisdaan dahil sa mataba ang lupa, kagubatan, bundok, malawak na karagatan at bahagyang lamang ang ulan.

Idinagdag pa niya na sa patuloy na proyektong inprastraktura na nag-uugnay sa Aurora at iba pang lalawigan sa Hilagang Luzon, ang likas-yaman nito ay maaring magamit sa lalong ikauunlad ng ekonomiya sa lalawigan.

Kabilang sa mga proyektong nauugnay ang mga kalsada sa Baler-Casiguran at Pantabangan-Maria Aurora ang dalawang paliparan at dalawang daungan

MTRCB ipinabubuwag ng solon

Isinusulong ni ngayon party-list Rep Teodory Casino ang pagpapabuwag sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB at palitan ito ng Movie and Television Classification Board o MTCB.

Layunin ng HB06425 ni Casino na bigyan ng proteksiyon at ang pagsusulong ng freedom of expression sa larangan ng pelikula at telebisyon sa bansa.

Sinabi ng mambababats na sa kasalukuyang MTRCB, dahil sa hangarin nilang matupad at magawa
ang kanilang tungkulin, ay madalas na nalalabag ang karapatan sa malayang pamamahayag na ginagarantiya ng ating Saligang Batas.

Dapat umanong mayroong isang malinaw, tukoy at katanggap-tanggap na dahilan at batayan sa pagbibigay ng klasipikasyon sa lahat ng mga pelikula at programa sa telebisyon.

Batay sa panukala, hindi na bibigyan ng karapatang magbigay ng censor, pagpuputol at tuluyang pagbabawal ipalabas ang isang pelikula o programa sa telebisyon ang MTCB upang makapagbigay ng sapat na laya ang industriyang ito sa pagpapahayag ng kanilang mga ideya.

Dapat din umanong ikonsidera na mayroon ding mga responsableng miyembro ng industriya na may sapat na kakayanan at mga manonood na responsible, matatalino, kritikal at mulat sa politikal na sitwasyon ng bansa, na nararapat lamang bigyan ng mga pelikula at programang maaari nilang pagpilian nang walang naunang censorship.

Tuesday, July 14, 2009

Pagsasapribado ng PNR, sinang-ayunan ni Nograles

Ipinahayag ni House Speaker Prospero Nograles kahapon na dapat dumistansiya muna sa pagmamay-ari ang pamahalaan sa operasyon ng Philippine National Railways o PNR upang maipalawig at maging epesiyente ang gamit nito.

Sinabi ng Speaker na naniniwala siyang mas makabubuti kung ang PNR ay nasa mga kamay ng pribadong sector habang kanyang sinang-ayunan ang pagiging receptive nina Vice President Noli de Castro at Senate President Juan Ponce Enrile sa ideya na ang railway system ay maaaring competitive sa pamamagitan ng pagpasok ng panibagong pamumuhunan at pinaka-epesiyenteng teknolohiya kagaya ng mga pinakamodernong railways system sa buong Asya at iba pang dako ng mundo.

Ayon kay Nograles, sa kasalukuyang global economic downturn, ang pagsasapribado ng mga serbisyong capital intensive ay katanggap-tanggap na opsiyon para makamtan ng gobyerno ang kinakailangang mga revenue na maaaring gamitin para sa mga kagyat at produktibong socio-ecnomic program.

Idinagdag pa ni Nograles na ang kasalukuyang light transit system na ginagamit na sa Metro Manila ay subok nang globally competitive kung ang pagbabatayan ay teknolohiya at ang operational efficiency nito ay nagresulta ng isang viable enterprise na tinatangkilik ng mga bumabiyaheng mamamayan sa kamaynilahan.

Pagbuwag ng NEDA, iminungkahi

Iminungkahi ni Nueva Ecija Rep Eduardo Nonato Joson ang pagbuwag sa National Economic and Development Authority o NEDA dahil sa umano'y bigo nitong pagpapanatili ng integridad, kredibilidad at pananagutan bilang tagapag-isip hinggil sa pang-ekonomiyang talakayin ng gobyerno.

Sinabi ni Joson, nahaharap daw ngayon ang NEDA sa isang seryosong sitwasyon hinggil sa kanilang kredibilidad matapos na ang tanggapang ito ay masangkot sa isang maanomalyang mga kontrata.

Ayon sa kanya, may mga pambabatikos mula sa iba't-ibang sektor para sa NEDA na magkaroon ang tanggapang ito ng pagiging bukas, pagkakaroon ng integridad, kredibilidad at pananagutan. At dapat itong pakinggan ng NEDA.

Sa HB05929 ni Joson, na nananawagan itong buwagin na ang NEDA at palitan ito ng Philippine Economic Development Authority o PEDA na siyang magpapatuloy sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng NEDA tungo sa ikauunlad ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang PEDA ay magsisilbing isang independent economic at planning agency ng gobyerno at ito ay pamumunuan ng pangulo ng bansa mismo.

Ito ay bubuuhin ng dalawang magkahiwalay ngunit mahahalagang sangay, ang PEDA Board at ang PEDA Secretariat, na siyang magbibigay ng check and balance sa lahat ng programang isasagawa ng PEDA.

Lahat ng opisyal at kawani ng NEDA ay ililipat sa PEDA at hindi dapat na maapektuhan ang kanilang security of tenure sa trabaho, pribilehiyo at benepisyo.

Sunday, July 12, 2009

Secretary Angelo Reyes, pinagbibitiw sa puwesto

Pinagbibitiw ng isang mababatas sa Kamara si Energy Secretary Angelo Reyes sa kanyang panunungkulan dahil sa pagkabigo nitong hadalangan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sinabi ni party-list Rep Teodoro Casino na maging pabor sa mga consumer at sa buong bansa kung mag-resign na lamang si Secretary Reyes at bago pa man ito mangyari ay sagutin din niya ang mga paratang sa kanya ng ibat ibang sector na mas pinapanigan at dinidepensa niya ang interes ng mga dambuhalang kumpanyang langis kaysa sa maibsan ang daing ng mga mamamayang Filipino.

Idinagdag pa ni Casino na dapat lamang ipagpatuloy ng House Energy Committee ang deliberasyon nito hinggil iilang mga panukalang may layuning amiyendahan o di kaya ay palitan ang kasalukuyang umiiral na oil deregulation law at panagutin ang kalihim upang maipresenta niya ang kanyang argumento.

Sangayon din daw siyang buklatin at eksaminin ang mga libro o books of account ng tatlong big oil companies ng Commission on Audit o COA at ng Bureau ng Internal Revenue o BIR batay sa kautusan ni Judge Silverio Pampilo, Jr.

Binatikos din ni Casino si Reyes dahil pag-away nito kay Secretary Ralph Recto ng National Economic Development Authority o NEDA na nagsagawa lamang ng kanyang tungkuling ipagpaibayo ang computations na umaapekto sa panghuhuthot ng mga kumpanyang langis sa mga mamimili ng petrolyo.

Friday, July 10, 2009

Tuluyang pagpanaw at pagkubli ng chacha sa kasaysayan, nakini-kinikita ng solon

Naniniwala si party-list Rep Jonathan dela Cruz na darating ang panahon na tuluyan na ang pagpanaw at pagkubli sa kasaysayan ng bansa bago pa man dumating ang takdang araw para talakayin ang pag-amiyenda sa kasalukuyang Konstitusyon.

Sinabi ni dela Cruz na sapat na marahil ang desisyon ng Korte Suprema na wala pa sa panahon ang petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng HR01109 at nakakapagod nang pagdebatihan ang charter change.

Ayon sa kanya, para lamang umano itong isang imbitasyon sa mga miyembro ng Kamara at Senado para i-convene ang constituent assembly sa botong three fourths sa lahat ng miyembro nito.

Imposibleng aniyang makakuha ng botong 213 sa 283 miyembro ng Kamara dahil umaabot lamang ang quorum sa 203 ang dumadalo sa bawat sesyon buhat nang ako ay maging miyembro

Kahit magtagumpay pa ang Kamara na magtipon-tipon para sa ConAss, dagdag pa ng solon, mananatili pa rin itong hadlang para sa panibagong petisyon na ihahain sa Korte Suprema na gugugol ng mahabang oras para muling pag-usapan ito.

Para kay dela Cruz, mayroon lamang isang tiyak na aktibidad ng halalan sa susunod na 11 buwan at iyan ay ang May 2010 elelctions.

Thursday, July 09, 2009

Mabigat na parusa para sa manigarilyo sa loob ng tanggapan ng gobyerno

Wala nang kawani ng gobyerno na maaaring manigarilyo sa loob ng kanilang tanggapan sa sandaling maisabatas na ang isinusulong ng isang mambabatas na panukala na may layuning magbabawal sa lahat ng kawani na manigarilyo sa loob at labas ng kani-kanilang pinagtatrabahuhang opisina.

Sinabi ni Davao Oriental Rep Nelson Dayanghirang, may akda ng HB06503, maglalaan ng mas mabigat na parusa at pagkakakulong sa sinumang susuway sa batas na ito.

Ayon sa kanya, ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas na ito ay nahaharap sa anim na buwang pagkakakulong at pansalamnatalang pagkadiskwalipika sa kanyang trabaho, o makaaaring sabay na matanggap ang mga kaparusahang ito depende sa magiging desisyon ng korte.

Ngunit sinabi rin niya na posible namang magtalaga ng isang lugar sa bawat tanggapan kung saan maaaring manigarilyo ang isang tao, sa gayon ay hindi ito makakaapekto sa kanyang mga kasamahan na hindi naman naninigarilyo.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na layuinin ng batas na ito na bigyang proteksiyon ang kalusugan ng mga taong hindi naman naninigarilyo ngunit nakakalanghap ng usok nito dahil sa mga kasamahan niyang naninigarilyo kahit nasa loob ng opisina at oras ng trabaho.

Batay sa pag-aaral ng Civil Service Commission (CSC), nababawasan umano ang pagiging produktibo ng isang kawaning naninigarilyo ng halos 7% dahil sa oras na nagagamit nito sa paninigarilyo o yaong tinatawag na self-imposed cigarette breaks.

Sinabi pa ni Dayanghirang na ang HB06503 na kilalaning Public Officers and Employees Smoking Ban Act of 2009, ay naglalayong gawing mas episyente sa kani-kanilang mga agwain ang bawat kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng opisyal na oras ng trabaho sa pagtatrabaho at hindi sa paninigarilyo o kung anumang ibang bagay.

Monday, July 06, 2009

Kagandahan ng Intramuros, nalalagay sa panganib

Pina-iimbestigahan nina party-list Reps Liza Maza, Rafael Mariano at Teddy Casino ang reklamo isinampa ng mga empleyado ng Intramuros Administration o IA upang matiyak na maprotektahan ang kanilang karapatan at kapakanan.

Batay sa HR00795 na inihain ng nabanggit na mga mambabatas, hiniling nila na siyasatin ng House committee on civil service ang professional regulation ang naturang alingasngas.

Sinabi ni Rep Maza na karamihan daw sa mga empleyado ay tumagal na ng sampu hanggang tatlumpong taon sa Intramuros administration ngunit na-downgrade sila noong 2008 mula sa casual status naging job orders na lamang at nangyari umano ito nang maglabas ang Commission on Audit ng kanilang audit observation memorandum.

Noong Setyembre 2008, nagkasundo ang pamunuan at mga empleyado ng IA na muli silang magtatrabaho subalit sa job orders status muna habang hinihintay ang Department of Budget and Management (DBM) para linawin ang kanilang benepisyo at paglilinaw din mula sa Civil Service Commission (CSC) sa kanilang appointment status.

Ayon pa sa mga mambabatas, bukod sa pagmamarahas at pagmamalupit ng pamunuan ng Intramuros, tinatakot din ang mga empleyado na tatanggalin sa sila trabaho dahil dinala ang kaso sa CSC para i-apila ang kanilang re-hiring at maisama sa plantilla ang mga casual employees.

Kaya, sa paniniwalang politika ang nasa likod ng pagtatanggal ng mga empleyado sa IA, malamang umanong hindi na mapapanatiling maganda ang Intramuros, ang isa sa makasaysayang lugar sa bansa dahil sa mga karahasan at pagpapahirap na nagaganap dito.

Thursday, July 02, 2009

Hamong matigil na ang daynastiyang politikal sa bansa

Hinamon kahapon ni Nueva Ecija Rep Edno Joson sina Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo at dating Pangulong Joseph Estrada na pangunahan ng mga ito ang pagtugon sa kanyang panawagan sa lahat na mga politiko na nakapagtatag na ng political dynasty sa bansa, kasama ang kanyang pamilya, na huwag lumahok sa eleksiyon sa susunod na taon para ang isang tunay na pagababago sa politika ay maganap.

Tiniyak ni Joson na hindi daw siya tatakbo para sa anumang posisyon sa 2010 upang mabigyang daan ang ilang mga indibidwal na pamunuan ang bansa para ang kapanatilihan ng pagbabago ang mamayani, ngunit inamin naman niya na ang kanyang pamilya ay guilty sa political dynasty na dapat masawata na ngayon.

Sinabi ni Joson na ang thinking niya para magkaroon ng pagbabago sa bansa ay palitan sa election ang lahat ng mga kasalukuyan nanunungkulan at dapat bagong pangalan naman, at least may pag-asa ang lahat.

Tinukoy niya ang pagkaroon ng Umali dynasty sa kanilang probinsiya ngunit palpak din nang palitan umano sila at kasama rin daw sila sa nagharing-uri sa lalawigan kaya guilty din daw sila.

Sa kasalukuyan, dagdag pa ng solon, apat na Arroyo ang miyembro ng Kamara na kabilang sina Pampanga Rep Juan Miguel Mikey Arroyo, Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo, Negros Occidental Rep Ignacio Iggy Arroyo at Kasangga Rep Ma. LourdesArroyo at may mga ulat pang tatakbo ang Pangulong Arroyo sa pagka-representante ng Pampanga.

Kung pakinggan lamang umano siya ng mga politiko, naniniwala si Joson na ang kurapsiyon sa gobyerno ay mababawasan kung hindi man tuwirang mawala na.

Idinagdag pa ni Joson na dapat maipatupad na ang tunay na economic reforms sa bansa sa pamamagitan ng pagpuksa sa kasalukuyang estruktura ng mga oligarch o mga naghaharing-uri.

Problemang pagpapailaw sa buong bansa, tutukan ng Kamara

Pinaaayos ng Committee on Cooperatives Development sa Kamara de Representantes ang National Electrification Administration (NEA), Cooperative Development Authority (CDA), at iba pang electric cooperatives (EC) ang gusot na namamagitan sa mga nabanggit na ahensiya upang matutukan ang mga proyektong pagpapailaw sa buong bansa.

Pamumunuan ni APEC party-list Rep Ernesto Pablo ang imbestigasyon kaugnay sa umano ay pag-abuso sa kapangyarihan at pakikialam ng NEA sa mga EC na nakarehistro sa CDA, partikular na sa problemang kinaharap ng Zambales Electric Cooperative II (Zameco II), Peninsula Electric Cooperative, Inc. (Penelco-Bataan), at Batangas II Electric Cooperative (Batelec II).

Sinabi ni Pablo na tila hindi yata binibigyang pansin ng NEA ang bisa ng makabagong RA09250
na nagtatakda sa Cooperative Code ng Pilipinas.

Ayon kay Pablo, inakusahan umano ng iilang mga miyembro ng mga EC ang NEA na nakikialam ito sa mga usaping panloob, paboritismo at pagsuporta sa ilang EC na nananatiling tapat sa kanila upang makinabang umano ang mga ito ng mga benepisyo.

May alokasyon daw ang NEA sa kaban ng bayan at marapat lamang na magbigay sila ng benepisyo sa buong EC at hindi sa pansariling kapakanan o maging sa iilang miyembro, ayon pa sa kanya.

Nakakalimutan umano ng NEA ang probisyon sa batas na nagbibigay otonomiya sa mga EC sa ilalim ng demokrasyang pangangalaga sa mga miyembro nito.

Sumangayon naman si NEA Administrator Editha Bueno sa mungkahi ng mga mambabatas subalit dapat umanong dumalo sa pagdinig ang 17 mga EC upang maayos ang lahat ng gusot.

Organic fertilizer na lang ang gagamitin ng mga magsasaka

Nanawagan ngayon ang pamahalaan sa lahat ng magsasaka na tangkilikin ang paggamit ng organic fertilizer imbis na gumamit ng chemical fertilizer, na sa kasalukuyan ay mataas ang presyo dahil sa kakulangan ng suplay sa merkado.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Agriculture hinggil sa HR00715 kung saan kinukuwestiyon ni Negros Occidental Rep Jose Carlos Lacson ang sobrang taas ng presyo ng abono at mga pataba na ginagamit sa pagsasaka, nanawagan ang kinatawan ng Fertilizer and Pesticides Authority of the Philippine (FPA) na humanap ng paraan ang mga magsasaka kung papaano silang makakatipid sa kanilang pagsasaka at isinangguni ang paggamit ng organic fertilizer.

Sinabi ng mga kinatawan ng FPA sa komite na pinamumunuan ni Palawan Rep Abraham Mitra na ang organic fertilizer ay walang gastos at malaki ang maitutulong nito sa pagpapababa ng cost of production ng mga magsasaka.

Sinabi naman ni Abuno party-list Rep Robert Estrella na ang artipisyal na kakulangan ng pestisidyo ay resulta ng mataas na gastusin sa pagpapadala ng produktong ito sa bansa.

Ayon sa kanya, ang bansang Pilipinas ay nag-aangkat ng mga produktong ito, maliban lamang sa organic fertilizer at ang mga chemical fertilizer tulad ng urea, phosphorous, potassium at ammonia ay inaangkat natin sa ibang bansa at tayo lamang ang naghahalo o nagbe-blend ng mga kemikal na ito upang makagawa tayo ng fertilizer.

Wednesday, July 01, 2009

Umaasa pa rin si Nograles na matuloy ang automation

Nagpahayag ng kompiyansa si House Speaker Prospero Nograles na hikayatin pa rin ng mga lider politikal ang Commision on Elections o Comelec na ipatupad ng ganap ang tunay na mga intensiyon ng elections automation law at isalba ang programa sa ganap na pagkamatay nito.

Sinabi ng lider ng Mabang Kapulungan na dapat lamang umanong hanapan ng win-win situation at solusyon ang alingasngas at problema sapagkat naniniwala umano siya sa integridad ng Comelec sa pamumuno ni Chairman Jose Melo at umaasa pa rin siya sa kakayanan ni Melo na maisalba ang poll automation program.

Iginiit pa ni Nograles na ang kagandahan umano ng fully automated elections ay ang pagkakaroon ng malinis, tapat, mabilis at kapanipaniwala na proseso ng eleksiyon.

Ayon sa kanya, ang nasyunal at local na mga eleksiyon sa taong 2010 ay mahalaga para sa socio-economic at political transformation ng bansa at ang sunod-sunod na mga hamong pandaigdigan at local, kasama na rito ang iilang mga sakunang natural at mga gawang-taong krisis, ay nangangailangan ng kagyat na pagsunod sa epektibo, hayag at demokratikong pamamahala.

Dahil dito, umapila ang speaker sa lahat ng sector sa lipunan – ang mga kritiko at yaong hindi nagbibigay ng kanilang commitment – na bigyan ang lahat na mga kasali sa isyu ng automation ng tsansa upang maresolbahan ang anuman at lahat na mga suliranin na maaaring makadiskaril sa naturang programa.

Mga international school, sisiyasatin

Nagpahayag ng pagkabahala si A-Teacher Rep Ulpiano Sarmiento sa naglipanang mga paaralang tinaguriang international school sa buong bansa na ayon sa kanya ay maaaring nakakalito lamang sa publiko.

Dahil dito, pinarirebisa ni Sarmiento sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) ang mga panuntunan sa paggamit ng terminong “international” bilang bahagi ng mga paaralan para maseguro na ito ay ginagamit lamang ng mga educational institution na naaayon sa kurikolum.

Sinabi ni Sarmiento na atas umano ng DepEd at CHED ang kagyat na pagrebisa ng mga existing regulation ng mga ito upang maprotektahan ang mga mag-aaral at mga magulang sa eskuwelahang mandarambong sa pamamagitan ng kanilang pagpapakilalang mayroon silang internationally accepted curriculum.

Ayon sa kanya, naisagawa na ang pag-review hinggil sa paggamit ng mga terminong “university” at “montessori” nitong nakaraang mga buwan at natuklasan na sa polisiya ng mga nabanggit na ahensiya, wala umanong corporate entity na nagbabalak na magtatag ng educational institution na maaaring gumamit ng mga naturang termino hanggang ang mga ito ay nakapag-comply sa pinaka-minimum na requirement nito.

Si Sarmiento ay nagmungkahi nito bilang reaksiyong lamang sa isang artikulong nailathala sa pahayagan na nagtatanong kung iilan ba sa mga tinatawag na international school ay talagang ganap na international.
Free Counters
Free Counters