Tuesday, May 16, 2017

Rice shortage at cartel tatalupan sa Kamara

Pinasisiyasat ni Manila Rep Manuel ‘Manny’ Lopez sa House committee on agriculture and food at House special committee on food security ang posibilidad ng ‘rice shortage’ na bunga umano ng pansamantalang pagtigil ng importasyon ng bigas batay sa kautusan ng pamahalaan.

Sinabi ni Lopez na sinang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ng mga magsasaka na pansamantalang itigil ang importasyon ng bigas dahil sa mas masaganang ani ngayong 2017 kumpara noong 2016 na itutuloy din pagkatapos ng anihan batay sa rekomendasyon ni Agriculture secretary Emmanuel Piñol.

Kasabay nito, pinuri ni Lopez si Pangulong Duterte at Secretary Piñol sa mga hakbangin nitong protektahan ang interes ng mga magsasaka at mamamayan laban sa pagmanipula ng presyo ng bigas na umano’y kontrolado ng ilang malalaking negosyante ng butil sa bansa.
Nauna rito, inihain ni Lopez ang Resolusyon bilang 951 para siyasatin ang umano’y rice shortage at ‘rice cartel’ na posible umanong nag-ugat sa kautusan ng pamahalaan na itigil ang importasyon.
Free Counters
Free Counters