Tuesday, May 16, 2017

‘Impeachment complaint laban sa Pangulo, bunasura kaagad

Nangailangan ng halos limang oras ang House committee on justice para patayin sa isang upuan lamang at sa ‘unanimous’ na boto ang impeachment complaint na ihinain ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano.

Bago mag-alas-dos ng hapon kahapon ay tuluyan nang idineklara ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng nasabing komite, na “insufficient in substance” ang impeachment complaint laban kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

“Forty two 42 stood up to declare that the complaint is insufficient in substance,” deklara ni Umali bago nagbotohan din ang mga ito sa sufficiency in form ng reklamo kung saan 42 rin ang sumang-ayon na hindi sufficient in form ang reklamo ni Alejano.

Bagama’t nasa impeachment proceedings sina Alejano at Albay Rep. Edcel Lagman ay hindi nakaboto ang mga ito dahil hindi sila miyembro ng komite ni Umali.

Sinimulan ng justice committee ang impeachment proceedings pasado alas-nuwebe ng umaga kahapon kung saan agad na binakbakan ni House majority leader Rodolfo Fariñas, ang sufficiency in form ng reklamo.

Tinanong ni Fariñas si Alejano kung mayroong personal knowledge sa kanyang reklamo tulad ng bank accounts ng Pangulo at ng kanyang extrajudicial killings at iba pa.

Inamin naman ni Alejano na wala siyang personal knowledge subalit may mga rekord umano itong hawak na magpapatunay sa kanyang reklamo laban sa Pangulo.

“Example po sa kaso ni former President Erap Estrada, meron pong endorsers, meron pong complainant at meron pong witnesses. Ngayon po, dun sa isyung bribery, pagbibigay ng P10 million o iba pang pera na nakasaad dun, hindi naman sinabi ng complainant or even the endorsers na nakita nila ‘yung bribery, it was the witnesses,” ani Alejano.

Pero hindi ito pina­kinggan ng komite at sa halip ay idineklara na propaganda lamang umano ang reklamo ni Alejano at nanganganib umano ito sa kasong perjury at ethics complaint.
Free Counters
Free Counters