Tuesday, May 16, 2017

Amiyenda sa tax reform bill, ok na

Inamiyendahan at inaprubahan ng House committee on Appropriations na pinangungunahan ni Davao City Rep Karlo Alexei B. Nograles, committee chair, ang mga probisyon para ponduhan ang substitute bill sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) upang tukuyin ang paglalaanan ng  dagdag na buwis mula sa panukalang reporma sa buwis.

Sinabi ni NOgrales na para sa tatlong taon, hindi lalampas ng 40 porsiyento ng taunang dagdag buwis na makukuha mula sa petroleum excise tax sa ilalim ng batas ay ilalaan para sa Social Benefits Program kung saan ang  mga kwalipikadong benepisaryo ay bibigyan ng Social Benefit Card.

Gayundin ang alokasyon para sa pagkakaloob ng fuel vouchers sa kwalipikadong prangkisa ng transportasyon ay kukunin mula sa dagdag na buwis na ito. Isang inter-agency committee sa pangunguna ng Department of Finance (DOF), at binubuo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Department of Transportation (DOTr), Department of Energy (DOE), Department of Budget and Management (DBM) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mamamahala sa implementasyon ng programa.

Nakasaad din sa panukala na sa parehong panahon, magkakaroon din ng alokasyon para sa inprastraktura, pangkalusugan, edukasyon at gastusin sa social protection benefits ang mula sa natitirang taunang dagdag buwis.”

Samantala, may ilang pag-amiyenda sa Paragraph G may pamagat na "Health Promotion Fund." Inaprubahan ng Komite ang probisyon ng 50 porsiyento ng koleksyon sa buwis mula sa P10 per liter excise tax sa sugar sweetened beverages (SSB) ay mapupunta sa  General Fund (GF).

Sa natirang 50 porsiyento ng koleksyon sa buwis mula sa SSB excise tax, pinagtibay ng Komite ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na ipinahayag ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua  na 85 porsiyento ng malilikom ay ilalaan sa mga programang prayoridad para sa gobyerno na inisa-isa ni Nueva Ecija Rep Estrellita B. Suansing, ang pangunahing may akda ng panukalang SSB excise tax, walang pagbanggit sa prosyento ng alokasyon, habang ang natitirang 15 porsyento  ay para sa mga magsasaka ng asukal.

Sinabi pa ni Chua na para lamang ito matukoy kung anu-ano ang mga pangunahing  programa na poponduhan kahit hindi nabanggit ang porsiyento ng alokasyon. Magkakaroon ng laya ang mga departamento, ang DBM at Kongreso na mapaliwanag ang pondo ng alokasyon matapos itong makita sa kabuuan.
Free Counters
Free Counters