DOJ, COA, SolGen: ILEGAL ang JVA ng Tadeco , BuCor -- Alvarez
Ipinagkibit
balikat lamang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang bintang ng Tagum
Agricultural Development Co. (Tadeco) tungkol sa desisyon ng Department of
Justice (DOJ), Commission on Audit (COA) at Solicitor General (SolGen) na
ideklarang ilegal ang kasunduang upahan nito ang 5,308 ektaryang lupa ng Bureau
of Corrections (BuCor) para taniman ng saging.
Sino umano
ang niloloko ng Tadeco at ang hirap sa kanila, sila lang ang nagsasabi na
walang problema ang kontrata nila habang lahat ng ahensya ng gobyerno ay
sinasabing ilegal ang kontrata nila at labag sa konstitusyon, ayon pa kay Alvarez
habang sinasagot niya ang paratang ng Tadeco.
Idnadag pa
ni Alvarez na nililihis umano ng Tadeco ang usapin at dapat umano pag-usapan na
lamang ang kontrata at tingnan ito kung talo ba yung gobyerno o hindi at kung meron
bang iregularidad sa kontrata na to o wala.
Hinimok
ni Alvarez ang mga opisyal ng Tadeco na sagutin na lang ang mga legal na tanong
imbes na guluhin ang isyu.
Sinabi pa
ng Speaker na ang upa ng Tadeco na P5,308 kada ektarya sa lupa ng BuCor at
P1.80 na binibigay nito sa ahensya bilang share sa benta ng kada kahon ng
saging ay hindi pabor sa gobyerno.
Ang upa
dapat ay P25,000 hanggang P35,000 kada ektarya, na siyang lease rate raw at
undeveloped na lupa, habang ang P1.80 naman ay mababang-mababa, ayon kay
Alvarez.
Ayon pa
kay Alvarez, hindi ipinapaalam ng Tadeco sa BuCor ang kita nito sa bentahan ng
saging kaya hindi alam ng ahensya kung tama ang binibigay ng kumpanya na profit
share.
Nagsagawa
ng kanya-kanyang imbestigasyon ang DOJ, COA at SolGen sa joint venture agreement
ng Tadeco at BuCor upang alamin ang legalidad nito. Pare-pareho nilang nakita
na ILEGAL ang kontrata.
Sa joint
hearing ng House Committee on Good Government at Committee on Justice noong
Mayo 9, nag-testify si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II at nirekomenda niyang
pawalang-bisa ng pangulo at ng BuCor ang JVA.
Nirekomenda
rin ni Aguirre na ideklara ng pangulo ang lupa ng Davao Prison and Penal Farm
(DPPF) na alienable at disposable bago ito isailalim ng BuCor sa kasunduan at
kaukulang bidding ayon sa batas.
Napag-alaman
naman ng COA na 1,024 ektarya lamang ng lupaing ari ng pamahalaan ang maaaring
ipa-lease sa pribadong kumpanya ayon sa 1935 at 1987 Constitutions, na siyang
batas nang unang pumasok sa kasunduan ang Tadeco at BuCor.
Nag-isyu
naman noong Abril 27 si Solicitor General Jose Calida ng legal opinion na
ilegal ang JVA dahil labag ito sa Commonwealth Act 141 o Public Land Act, na
nagsasabing hanggang 50 taon lang maaaring upahan ng pribadong kumpanya ang
anumang lupang ari ng pamahalaan samantalang ang JVA ng Tadeco at BuCor ay
tatagal hanggang 2029 sa halip na hanggang 2019 lang.
Dagdag pa
ni Calida na ang pagpapaupa ng lupa ng gobyerno sa pribadong kumpanta ay hindi
sa paraang JVA kundi sa public bidding ayon sa Public Land Act.
<< Home