Wednesday, August 07, 2024

 Hajji Aminado ang Department of Environment and Natural Resources na nakasiksik lang sa alokasyong pondo para sa Manila Bay Rehabilitation program ang pagtugon sa problema sa basura.


Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa proposed 26.27 billion pesos na budget ng DENR sa susunod na taon, kinuwestyon ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang napakaliit na pondo para sa dredging at desilting operations sa mga estero na kapag barado ay nagiging sanhi ng malawakang pagbaha.


Binanggit ni Magsino ang epekto nito noong manalasa ang bagyong Carina at pinaigting na hanging habagat kaya kanyang inusisa kung bakit sampung milyong piso lamang ang nakalaan para sa paglilinis ng estero.


Paliwanag ni Undersecretary Jonas Leones, maliit na component lamang ito ng Manila Bay rehab dahil ang pangunahing tungkulin dito ay ang implementasyon ng environmental laws, resettlement at pangangasiwa sa solid at liquid waste.  


61,000 tonelada ng basura aniya ang nakokolekta kada araw at ang tanging magagawa ng DENR ay maghatid ng technical assistance at guidance sa local government units na siyang may mandato sa disposal o pagtatapon ng basura.


Gayunman, gamit ang limitadong budget ng ahensya, binigyang-diin ni Leones na nakapagbigay na sila ng pasilidad at equipment bilang suporta tulad ng shredder at backhoe.


Bukod dito, pinag-aaralan na umano ang mga bagong teknolohiya at disposal model na hindi lamang nakasentro sa landfill.


Samantala, ibinida naman ng DENR na tuluy-tuloy ang kanilang "Estero Ranger Program" na nakatalaga sa mga daluyan ng tubig upang magsagawa ng waste cleanup araw-araw at marami na umanong barangay ang gumaya rito.

Free Counters
Free Counters