BAWAT PISO AY MAHALAGANG NAGAGAMIT NG DENR LALU NA SA MGA LUGAR NA MADALAS TAMAAN NG KALAMIDAD — REP QUIMBO
Sa pagdinig ng panukalang budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa taong 2025, siniguro ni Rep Stella Luz Quimbo, Senior Vice Chair ng Committee on Appropriations na ang bawat piso ay mahalagang nagagamit nang tama at epektibo para sa kapakinabangan ng mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad at parikular niyang tinukoy ang Marikina City.
Sinabi ni Rep Quimbo na ramdam ng mga taga-Marikina ang panganib na dulot ng pagbabago ng klima.
Ayon sa kanya, noong taong 2022, 2.2 milyong mga pamilyang Filipino ang apektado ng mga bagyong nagresulta sa pagkasira ng mga ari-arian na umabot ₱25 bilyong at nitong nakaraang Typhoon Carina na may kasamang hanging habagat, nagdulot ulit ito ng karagdagang distruksiyon, kasama na rito ang ₱3.04 bilyon halaga dahil sa pagkasira ng mga pananim sa 12 rehiyon at malawakang pagka-damage ng mga inprastraktura.
Idinagdag pa niya na ang mga numerong ito ay hindi lamang basta datos, lalo na para sa kanilang mga taga-Marikina, kundi ito ay sumasalamin sa mga buhay, mga tahanan, at mga pamayanan na tuwing bagyo ay kinakailangang mag-umpisa muli.
Ayon kay Quimbo, ang patuloy na deliberasyon sa budget ay isang mahalagang pagkakataon upang masigurong ang DENR ay mananagot sa pagtupad ng kanilang mandato.
## MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-BABALITA PARA SA ARMED FORCES RADIO, BOSES NG KAWAL PILIPINO
<< Home