MGA ANTI-DRUG ABUSE COUNCILS, NAIS NG MAMABABATAS NA MAPASAILALIM NG INSTITUSYON
Alinsunod sa deklarasyon sa polisiya ng estado na pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan, lalo na mula sa mapanganib na epekto ng mga ipinagbabawal na gamot, isinusulong ni Rep. Julienne Baronda (Lone District, Iloilo City) ang pagsasailalim ng mga anti-drug abuse councils (ADACs) sa institusyon sa buong kapuluan.
Sa ilalim ng kanyang House Bill 756, lahat ng lokal na pamahalaan (LGUs), mula sa mga lalawaigan hanggang sa mga lungsod, munisipyo at mga barangay, ay imamandato na magtatag o mag-organisa sa kani-kanilang mga nasasakupan, ng ADACs na siyang mangunguna sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga lokal na programa at aktibidad sa anti-drug abuse.
Ang ADAC ay magiging isang multi-sectoral council na kabibilangan ng mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon sa mga komunidad, na siyang mangunguna sa pagpaplano, pagpapatupad at pagmomonitor ng mga naturang lokal na programa at proyekto para sa anti-drug abuse.
Imamandato rin sa mga LGUs ang pagpapakilos, pagpapalakas at tiyakin ang mga tungkulin ng ADAC; aprubahan ang mga komprehensibong lokal na mga hakbangin sa anti-drug upang, mabura na ang pagkalulong sa droga; at maglaan ng sapat na pondo na hindi bababa sa dalawang porsyento ng kanilang taunang pondo para sa anti-illegal drug-related programs, aktibidad at operasyon bilang mandatory items sa kanilang mga badyet.
“The entire community, not only the government, should take part in this fight if we want to completely eradicate the drug problem of our country,” ito ang nakasaad sa paliwanag ni Baronda sa kanyang panukalang batas.
<< Home