PRICE FREEZE SA MGA LUGAR NA NILINDOL HINILING SA KAMARA
Hinikayat ni Pinuno Party-list Rep. Howard Guintu ang ilang ahensiya ng gobyerno na magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity matapos ang magnitude 7 na lindol na yumanig sa northern Luzon noong Miyerkules.
“The Price Act or Republic Act (RA) 7581 provides that prices of primary commodities or basic necessities shall be frozen at the prevailing rate for a maximum of 60 days in areas that have been declared a disaster area o under a state of calamity or emergency,”ayon kay Guintu.
Iginiit pa ng kongresista na dapat siguruhin ng Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensiya ng gobyerno na mayroong sapat na supply ng mga pangunahing bilihin sa Abra at iba pang lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Northern Luzon.
Dapat din umanong siguruhin na walang nagsasamantala sa nasabing trahedya.
Ang DTI ang may hurisdiksyon sa mga pangunahing bilihin kabilang na ang mga pagkaing delata, processed marine products, locally manufactured instant noodles, bottled water, bread, processed milk, coffee, candles, laundry soap, detergent, at salt.
Ayon pa kay Guintu, dapat magtulungan para mabawasan ang bigat na dinadala ng mga filipino sa Norte na sinalanta ng bagyo at kung kinakailangan ay hingin pa ang tulong ng pulisya para mamonitor ang price freeze.
<< Home