IKALAWANG COVID-19 BOOSTER ROLLOUT SA KAMARA, UUMPISAHAN NA
Nag-abiso Kamara sa pamagitan ng CongVax na ang COVID-19 rollout ng ikalawang booster dose ay isasagawa sa Huwebes, Aug. 04, sa pamamagitan ng “drive-thru” na sistema sa North Steel Parking Building sa loob ng Batasan Compound, mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
May 350 doses lamang ng bakuna ang available dito, kaya first come, first served basis ang paiiralin.
Ayon sa CongVax, isang official Facebook page sa Congress, ang pagtuturok ay para sa mga kongresista, congressional staff, mga kawani ng Kamara at kani-kanilang dependents na pasok sa 2nd booster vaccination.
Kabilang dito ang mga 50-anyos pataas, at mga 18 hanggang 49-anyos na may comorbidities.
Para sa iba pang paalala o gabay ukol sa COVID-19 vaccination, maaaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng CongVax.
Matatandaan na inilunsad ng Kamara ang CongVax program noong nakalipas na 18th Congress, bilang parte ng pagsisikap ng Kapulungan na maproteksyunan ang mga mambabatas at mga kawani laban sa COVID-19.
Samantala, tuloy-tuloy ang mahigpit na pagpapairal ng health protocols sa Batasan Complex, sa gitna ng pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Maliban sa pagbabakuna, mayroon ding regular at libreng antigen test kada linggo, para sa mga mambabatas, empleyado at media.
<< Home