Saturday, August 06, 2022

HINDI MAKONTROL NA PAGTAAS NG HALAGA NG PETROLYO, NAIS IMBESTIGAHAN UPANG MAKONTRA ANG POSIBLENG SOBRANG PANININGIL NG MGA KOMPANYAN NG LANGIS

Nanawagan si Rep. Marvin Rillo (4th District, Quezon City) sa Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan na imbestigahan, bilang ayuda sa lehislasyon, ang walang kontrol na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo, upang kontrahin ang posibleng sobrang paniningil ng mga kompanya ng langis, at ang sobra-sobrang kita nila sa kapinsalaan ng mga kumukunsumo. 


Nanawagan si Rillo, isang bagitong mambabatas, sa pamamagitan ng inihain niyang House Resolution 153. 


Binanggit niya na batay sa Consumer Act of 1992, o ang Republic Act No.7394, na “It is the policy of the State to protect the interests of the consumer, protect his general welfare, and to establish standards of conduct for business.” 


Sinabi ni Rillo na ang pare-parehong halaga ng pagtaas ng petrolyo ay nangangahulugan ng kakulangan ng malakas na kumpetisyon sa downstream oil industry, na lubhang mahalaga upang mapanatiling patas at rasonable ang presyo sa retail prices. 


Batay aniya sa mga datos, mula ika-3 ng Enero hanggang ika-21 ng Hunyo 2021, ang mga kompanya ng langis ay sabay-sabay na nagtaas ng kanilang mga presyo nang pare-parehong halaga, kung saan ang diesel ay nagkakahalaga ng P44.25 kada litro; gasolina ay P29.50 kada litro; at, ang gaas ay P39.65 kada litro. 


“When Congress passed the Downstream Oil Industry Deregulation Law of 1998, or Republic Act 8479, it established and empowered a Joint DOE-DOJ Task Force on Energy Concerns precisely to aid in thwarting potential abuses by the oil companies, including cartelization by refiners, importers and or dealers, or their representatives, to fix prices,” ani Rillo. 


Kanyang sinabi na ang mga lokal na kompanya ng langis ay nagsasaya ngayon sa sobrang “pricing power” kung saan ay kinokontrol nila ang halaga ng kanilang mga produkto ng petrolyo, itinataas ang agwat at kumikita ng napakalaki, na nagpapahirap sa mga Pilipinong konsyumer o potensyal na price gouging. 


Ipinaliwanag ni Rillo na ang price gouging ay nangyayari kapag ang mga kompnya ng langis ay itinaas ang halaga ng kanilang mga produkto sa antas na mas mataas sa patas at rasonableng presyo.

Free Counters
Free Counters