HAZARD AT NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PAY SA MGA FREELANCE WORKERS, ISINUSULONG SA KAMARA
Iminungkahi ni Pangsinan Rep. Christopher V.P. de Venecia sa Kamara ang kapakanan at kaligtadan ng mga freelance na manggagawa, sa pamamagitan ng paggagawad ng sapilitang hazard pay, at night shift differential pay para sa kanila.
Sa pamamagitan ng House Bill 615 ni de Venecia, bibigyan ng kapangyarihan ang mga freelance na manggagawa na humingi ng bayad para sa mga serbisyong ipinaglingkod nila sa pamamagitan ng ilang legal na paraan.
Ipinanukala din dito ang pagpataw ng mga parusang sibil sa mga walang prinsipyong partido sa pag-arkila, gayundin ang gawing krimen ang hindi pagbabayad ng sahod sa mga freelance na manggagawa.
Sinabi ni De Venecia na isa sa pinakamalaking kawalan ng isang freelance na Pilipinong manggagawa ay ang hindi pagbabayad sa kanilang mga serbisyo.
“More often than not, the freelance worker does not pursue any course of action to demand payment for lack of remedial channels, fear of retribution, or lack of resources to pursue legal action,” aniya.
Ang iminungkahing “Freelance Workers’ Protection Act” ay nagtatadhana na ang sinumang partido na umaarkila na kumukuha o nagpapanatili ng mga serbisyo ng isang freelancer na manggagawa ay dapat na lumagda ng kontrata sa kanya, bago paglungkuran ng mga nasabing serbisyo.
Ang mga freelance na manggagawa ay babayaran din ng isang night shift differential na hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang regular na sahod, para sa bawat oras ng trabaho na ipinaglingkod sa pagitan ng alas 10 ng gabi at ala-6 ng umaga.
Ang mga freelance na manggagawa na nakatalaga sa mga mapanganib na lugar ay babayaran rin ng hazard pay, na katumbas ng hindi bababa sa 25 porsiyento ng kabuuang bayad para sa panahon ng naturang destino gaya ng napagkasunduan sa kontrata.
Ang mga lalabag ay papatawan ng parusang sibil. Samantala, lahat ng freelance na manggagawa ay magpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sila ay may karapatan sa tax relief sa loob ng takdang panahon na naaayon sa RA 10963, o ang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act” at RA 9178, o ang “Barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.
<< Home