-PAGTATAYA NG OCTA RESEARCH SA COVID-19 AT MGA REKOMENDASYON NITO HINGGIL SA LOCKDOWN, SINIYASAT NG KOMITE
Sinimulang imbestigahan kahapon ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara, sa pamumuno ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay, in aid of legislation, ang mga kwalipikasyon, pamamaraan ng pagsasaliksik, pakikipagsosyo, pati na rin ang komposisyon ng OCTA Research Philippines, na kinasasangkutan ng mga hula nito sa pagtaas ng COVID-19 at mga rekomendasyon sa lockdown.
Isinagawa ang imbestigasyon batay na rin sa House Resolution 2075 na inihain nina Deputy Speakers Bernadette Herrera at iba pang mga mambabatas.
(Kristine Singson-Meehan, Deputy Minority Leader Stella Luz Quimbo, Deputy Majority Leader Jesus Suntay at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin.)
Nilinaw ni University of the Philippines Professor at OCTA Research Fellow Dr. Ranjit Rye na sila ay isang non-profit at non-stock na organisasyon na binubuo ng mga boluntaryong sosyal na siyentipiko at ilang mga doktor.
Sinabi din niya na ang kanilang COVID Research Team ay walang natatanggap na pondo mula sa anumang mga pampubliko o pribadong samahan.
Kinuwestiyon ni Herrera ang Department of Health (DOH) kung naisaalang-alang ba nila ang mga pagpapakita ng OCTA Research Team sa kanilang pagpapasya.
Sinabi ni Direktor ng DOH Epidemiology Bureau Alethea de Guzman, na walang opisyal na ugnayan sa OCTA sa ahensiya, ngunit tinatanggap nila at isinasaalang-alang ang mga istatistika at hula nito.
“Ang nakikita ko dito, ang feeling ng OCTA they had to take matters in their own hands because hindi nila nakikita ang DOH na nagpe-predict, na nagre-release ng mga impormasyon na ‘to and media really welcomed them. We have to face that reality in this committee hearing and I hope DOH learns something from it,” ani Herrera.
Samantala, ayon kay UP President Danilo Concepcion sa isang liham, ang mga personal na pagkukusa na kinasasangkutan ng ilang mga miyembro ng tauhan ng akademiko at pananaliksik ng UP tulad ng OCTA Research Team, ay walang kaugnayan sa unibersidad.
Hinimok ng Komite si Concepcion na magbigay ng detalyadong ulat ng P15-milyong subsidiya na inilaan sa pananaliksik na natanggap nito mula sa pondo ng Bayanihan 2 sa susunod na pagdinig. Nauna nang sinabi ni Rye na hindi sila nakatanggap ng bahagi ng subsidiya ng unibersidad noong nakaraang taon.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home