-PAGTALAKAY SA 2022 ₱297.13-B PANUKALANG BADYET NG DND, TAPOS NA SA KOMITE
Tinapos na (ngayong araw) kahapon sa isang hybrid na pagpupulong ng Committee on Appropriations sa Kamara, na pinangunahan ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, Vice Chairperson ng Komite, ang pagtalakay sa panukalang ₱297.13-bilyong badyet ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).
Ipinahayag ni DND Secretary Delfin Lorenzana na ang halagang ₱221.60-bilyon ay ilalaan para sa DND at mga sangay na ahensya nito, habang ₱75.53 bilyon naman ay para sa pensiyon at gratuity fund ng mga beterano at mga retirado nang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Samantala, kasama sa mga layunin ng DND ang: 1) protektahan ang soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa; 2) pagtataguyod ng sariling katatagan; 3) pagkamit ng pinakamataas na pamantayan ng kakayahan at kahandaan sa mga sakuna; 4) pagpapaigting ng operasyon sa pagsuporta sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad; at 5) mabuting pamamahala.
Ayon kay Lorenzana, ilan sa mga espesyal na probisyon ng 2022 NEP ay nasa Quick Response Fund ng ahensya, na mag-aalok ng tulong pinansyal sa mga biktima ng panganib likas man o kagagawan ng tao, pagsasagawa ng mabilis na pagsusuri ng mga kinakailangan matapos ang kalamidad, gayundin ang paglalaan ng pondo para sa iba pang mga gastusin na kinakailangan, upang mabawasan o maibsan ang epekto ng mga kalamidad.
Samantala, tinalakay naman ni Iloilo Rep. Raul Tupas, Chairman ng Committee on National Defense and Security ang mga inisyatiba ng Kamara upang matulungan ang DND, tulad ng mga panukalang batas na lumilikha ng Self-Reliant Defense Posture Program, pati na rin ang mga panukalang magbibigay ng libreng tulong-legal sa mga opisyal at tauhan ng AFP at sa iba pang mga ahensiya ng seguridad.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home