Monday, August 23, 2021

-HANDA NA SA PAGBALANGKAS NG PAMBANSANG BADYET SA PAGBABALIK NG SESYON NGAYONG HAPON NG KAMARA

Balik-sesyon na ang Kamara ngayong hapon matapos ang dalawang linggong suspensyon, dahil sa ipinatupad na Enhance Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), sa gitna ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, kailangan ng dobleng trabaho ang isagawa ng Kamara sa mga nakabinbing panukala na dapat sana ay natapos na subali’t nagpatupad ang pamahalaan ng pinakamahigpit na uri ng quarantine sa loob ng dalawang linggo.


(“We will tackle as many bills and resolutions as possible to make up for the time lost during the ECQ,” ani Velasco.)


Sinabi ni Speaker na inaasahan ng Kamara na matatanggap nila ang isusumiteng National Expenditure Program (NEP) mula sa ehekutibo, na naglalaman ng panukalang P5.024-trilyong pambansang pondo para sa 2022.


Kapag natanggap na ito ng Kapulungan, sinabi ni Velasco na sisimulan na ng Komite ng Appropriations, na pinamumunuan ni ACT-CIS Rep. Eric Yap ang deliberasypon sa badyet sa lalong madaling panahon.






(“We are ready to carry out our constitutional duty of carefully scrutinizing the NEP, and eventually pass a national budget that is truly reflective and responsive to the needs of Filipinos, as COVID-19 continues to wreak havoc on people’s lives and the economy,” ani Velasco.)


Noong ika-2 ng Agosto, nagpasya ang liderato ng Kapulungan na suspindihin ang mga sesyon sa plenaryo, habang nasa ilalim ng ECQ ang NCR, mula ika-6 hanggang 20 ng Agosto.


Sa panahon ng dalawang linggong lockdown, lahat ng mga pagdinig at pagpupulong sa Kapulungan ay idinaos sa pamamagitan ng videoconferencing, at ang mga tanggapan sa Kongreso ay isinara. Ilang mga kawani lamang mula sa Secretariat na may mahahalaga at partikular na tungkulin ang pisikal na pumasok sa kani-kanilang tanggapan.


Ayon pa kay Velasco, ang mga hakbang ay kinakailangan dahil sa pagsisikap ng mga kinauukulan na mapahinto ang mabilis na pagkalat ng mas mabagsik na Delta coronavirus variant sa NCR at mga rehiyon sa buong kapuluan. 


Sa ipinalabas na memorandum ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, isinasaad rito na magbabalik-sesyon ang Kapulungan sa ika-23 ng Agosto, sa pamamagitan ng hybrid platform.


Ang sesyon sa plenaryo ay idaraos mula alas 2 hanggang alas 5 ng hapon, na pisikal na dadaluhan lamang ng Speaker o ng kanyang mga itinalagang pangalawang opisyal; ang Majority Leader at Minority Leader o ang kanilang mga kinatawan; at limitadong kawani mula sa Secretariat, sa bulwagan ng Kongreso. Ang mga mambabatas ay makadadalo sa sesyon sa pamamagitan ng videoconference. #

Free Counters
Free Counters