-PANUKALANG PHILIPPINE AUDIOVISUAL ARCHIVES, APRUBADO NA
Inaprubahan na sa isang joint meeting na technical working group (TWG), ng Special Committee on Creative Industry and Performing Arts na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, at Committee on Public Information na pinamunuan naman ni Manila Rep. Cristal Bagatsing, ang substitute bill na magtatatag sa Philippine Audiovisual Archives (PAVA).
Magsisilbing imbakan ng mga audiovisual works ang PAVA, kabilang na ang pagpapatupad ng mga polisiya at programa para sa pangangalaga ng mga ito.
Isinasaad sa panukala na ang mga materyales ay makukuha sa pamamagitan ng pagbili, deposito, at donasyon o handog ng mga indibiduwal o mga institusyon.
Bukod pa rito, bibigyan ng kapangyarihan ang PAVA na tukuyin kung anong audiovisual works ang maaaring ma-akses ng publiko.
Ang mga pagmamay-ari at tungkulin ng Philippine Film Archive of the Film Development Council of the Philippines (FDCP-PFA) ay ililipat sa PAVA kapag ito ay naisabatas na.
Tinitiyak naman sa panukala na ang lahat ng mga kawani ng FDCP-PFA ay hindi makakaranas ng pagkawala ng posisyon o pagbaba sa mga sahod kapag nailipat na sila sa PAVA.
Tiniyak ng Komite na ang mga probisyon ng panukala ay masusing tinalakay at binigyang halaga ang mga komento ng mga nagsusulong ng panukala sa paglalatag ng substitute bill.
Ang panukala sa pinagsama-samang House Bills 1745, 2320, 4332, 8171 at 8924, ay tatalakayin ng dalawang Komite sa kanilang magkasanib na pagdinig bago ito aprubahan.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home