-MABILIS AT MAAYOS NA PAGPASA NG 2022 PAMBANSANG BADYET, IPINANAWAGAN NI SPEAKER VELASCO
Nanawagan si Speaker Lord Allan Velasco ng isang ‘swift and smooth’ o ‘mabilis at maayos’ na pagpasa ng panukalang P5.024-trilyong pambansang pondo para sa 2022, upang maiwasan ang reenacted spending program at matiyak ang patuloy na operasyon ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na pandemya ng COVID-19.
(“We in the House of Representatives, need to get our act together to ensure swift and smooth passage of the 2022 national budget in order for the government to continue operating and provide much-needed services to the Filipino people as it is expected to,” ani Velasco.)
Ipinahayag ni Velasco ang panawagan sa pagsimula ng deliberasyon ng Committee on Appropriations sa Kamara, na pinamumunuan ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap, ng huling pambansang badyet na ipatutupad sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
(“Our aim is to pass the House version of the 2022 national budget by September 30 before we go on an break in time for the filing of certificates of candidacy for all elective positions for the May 2022 elections,” ani Velasco.)
Sinabi ni Velasco na ang pangkalahatang layunin ay upang malagdaan ni Pangulong Duterte ang 2022 General Appropriations Act sa buwan ng Disyembre, upang maiwasan ang reenacted budget, na maaaring magpabagal sa kaunlaran ng ekonomiya at mahadlangan ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan.
Ang deliberasyon sa badyet ay nagsimula tatlong araw matapos na isumite ni Pangulong Duterte, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management – sa Kamara ang National Expenditure Program (NEP), na gagabay sa lehislatura sa pagrepaso at deliberasyon ng planong paggasta ng pamahalaan sa susunod na taon.
Ang panukalang 2022 pambansang badyet ay nakasentro sa pagbabalik ng Pilipinas sa landas tungo sa ganap na pag-ahon sa mapangwasak na epekto ng pandemya.
Katumbas ang P5.024-trilyon ng 22.8 porsyento ng gross domestic product ng bansa at mas mataas ito sa 11.5 porsyento ng kasalukuyang 2021 pambansang badyet.
Sa bawat sektor, ang social services sector ang makatatanggap ng pinakamalaking bahagi ng 2022 NEP na nagkakahalaga ng P1.922-trilyon, na ilalaan sa mga serbisyong may kaugnayan sa kalusugan tulad ng patuloy na implementasyon ng Universal Health Care Act, pagbili ng mga bakuna para sa COVID-19, pagbili ng mga personal protective equipment, at iba pa. Prayoridad rin ang mga programang may kaugnayan sa edukasyon, kabilang na ang implementasyon ng Universal Access to Tertiary Education.
Kasunod nito ay ang economic services sector, na paglalaanan ng P1.474-trilyon na ang kalakihan ay susuporta sa mga pangunahing programa sa ilalim ng Build, Build, Build infrastructure program.
Maglalaan naman ng P862.7-bilyon sa general public services sector, P541.3-bilyon bilang pambayad-utang, at P224.4-bilyon sa defense sector.
Sa mga kagawaran at ahensya, ang sector ng edukasyon na kinabibilangan ng Department of Education, State Universities and Colleges at ang Commission on Higher Education, ay makatatanggap ng pinakamataas na alokasyon na nagkakahalaga ng P773.6-bilyon.
Ito ay susundan ng Department of Public Works and Highways na may P686.1-bilyon; Department of Interior and Local Government na may P250.4-bilyon; Department of Health and Philippine Health Insurance Corp., P242-bilyon; Department of National Defense, P222-bilyon; Department of Social Welfare and Development, P191.4-bilyon; Department of Transportation, P151.3-bilyon; Department of Agriculture and National Irrigation Authority, P103.5-bilyon; Department of Justice, P45-bilyon; at Department of Labor and Employment, P44.9-bilyon. #
<< Home