Monday, April 17, 2017

Mga ipinasarang klinika, isinabit ng DOH sa IS

Konektado umano sa hinihinalang Kuwaiting teroristang si Hussein Aldhafiri na isa umanong miyembro ng Islamic State at idineport ng mga awtoridad noong Biyernes ang ipinasarang walong medical clinic na ng Department of Health.

Ang sinabing mga sinuspindeng mga klinika ni Health Secretary Paulynn Jean Ubial ay iniimbestigahan dahil ang mga ito ay umano’y nagkakaroon ng monopolyo sa pagsasagawa ng pre-employment medical examination para sa mga migranteng  manggagawang patungo sa Kuwait.

Hiniling ni Ubial kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ipatigil agad ang pagpapadala ng mga migranteng manggagawa para sa pre-employment medical examination sa walong klinika.

Ayon sa sulat ni Ubial, kabilang sa mga klinikang ito ang Abakkus Medical Diagnostic Services na nasa Palanan, Makati City habang ang pito pa na pawang nakabase sa Malate, Manila ay ang Agoncillo Medical Clinic, Ruben Bartolome Clinic, Global Medical Clinic, Orion Medical and Diagnostic Center, Our Health Medical and Diagnostic Center, Our Lady of All Nations Laboratory, at San Marcelino Medical Clinic.

Si Acts-OFW Rep Aniceto Bertiz ang nagbigay sa mga reporter ng mga kopya ng sulat ni Ubial.

Pinaiimbestigahan din ni Bertiz ang iligal na koleksyon umano sa mga migranteng manggagawa ng Winston Q8 Certification Solution na ang may-ari umano ay si Aldhafiri.
Free Counters
Free Counters