Libreng Wi-Fi, kasado na
Naging bungad ng talakayan ang usapin ng internet speed sa ginanap na
pagdinig ng House committee on Information and Communications Technology (ICT)
matapos na aprubahan ang panukalang batas na magbibigay ng libreng Wi-Fi
sa mga pampublikong lugar sa buong kapuluan. Natanong ang NTC at Telcos kung
magkano ang pondong kakailanganin upang matiyak na magiging mabilis ang
internet speed sa bansa kung ikokonsidera ang kasalukuyang 1.8 bilyong pisong
pondo para sa kasalukuyang proyekto ng DICT ng libreng Wi-Fi.
Sinabi ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios na 30 bilyon pisong
halaga ang kakailanganin kung isasama sa pagtatayo ang 100,000 Wi-Fi hotspots
sa buong kapuluan sa loob ng sampung taon.
Layunin ng mga panukala na magkaroon ng libreng free Wi-Fi sa lugar gaya
ng national government offices, public primary at secondary schools, gusali
sakop ng state universities and colleges, public libraries, parks at plazas,
barangay centers, public hospitals at rural health units, at mga public
transportation terminals.
Ayon kay Tarlac Rep Victor Yap, chair ng ICT Committee, matutugunan ng
panukala ang problema ng bansa sa interconnectivity sa pagbibigay ng wireless
access points sa lahat ng pangunahing pampublikong lugar sa pamamagitan ng
broadband hotspots na ikakabit sa DICT o private Internet Service Providers sa
lugar.
Sinabi ni Yap na hinihiling sa ilang panukala na magkaroon ng minimum
internet speed na 10 mbps para sa free public Wi-Fi. Mahalaga aniya ito dahil
kahit libre ang WiFi, bale-wala rin ito kung mabagal ang koneksyon.
Ayon kay Yap, isang halimbawa umano ang karanasan ng DepEd na mayroon
silang sapat na pondo para sa higher bandwidth ngunit sa kasamaang-palad, hindi
makapagbigay ang Telcos ng mabilis na signal ngunit maari umano itong mabago
kung may requirement sa internet speed.
Ayon sa mambabatas, karapatang-pantao ang internet access sa naging
klasipikasyon ng United Nations na itinuring na isa ito sa
pinakamakapangyarihang instrumento sa 21st century upang madagdagan ang libreng
pamamahayag at impormasyon na hihikayat sa mga mamamayan na makilahok sa
pagtatatag ng demokratikong pamayanan.
Ang mga panukala para sa libreng Wi-Fi ay ang mga sumusunod: HB 515 ni Bagong
Henerasyon partylist Rep Bernadette Herrera-Dy, HB 616 na iniakda ni Bataan Rep
Geraldine Roman, HB 660 na inihain ni Kabataan Rep Sarah Jane Elago, HB 1954 ni
Batangas Rep Vilma Santos-Recto, HB 1957 ni Paranaque City Rep Gus Tambunting,
HB 2836 ni Ifugao Rep Teddy Brawner Baguilat, Jr, at HB 3250 na iniakda ni Pangasinan
Rep Marlyn Primicias-Agabas.
Idinagdag ni Yap na marami ang makikinabang sa libreng WiFi na
inaasahang magpapatatag ng ekonomiya sa pagpasok ng mga bagong negosyo at
pamunuan, paglago sa larangan ng turismo, pagpapalaganap ng mga mahahalagang
impormasyon bilang bahagi ng komunikasyon, gayun na rin para sa mabilisan at
agarang pagtugon sa mga nangangailangan sa panahon ng kalamidad at iba pang
panganib.
Sa plenaryo kagabi ay aprubado na sa ikalawang pagbasa ang panukala sa
libreng wi-fi na hayagang pinasalamatan ni Rep. Tambunting.
<< Home