Thursday, March 09, 2017

Danyos perwisyo sa HR victims, paiigtingin

Nais bigyan ng Kongreso ng matibay na mandato ang Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB) para isaayos ang pagbabayad-pinsala sa  mga biktima ng human rights violations sa panahon ng rehimeng Marcos.

Inaprubahan ng House committee on Human Rights sa pangunguna ni committee vice chairperson Amin Partylist Rep Sitti Djalia A. Turabin-Hataman, ang HB04574 na iniakda nina Quezon City Rep Jose Christopher Y. Belmonte at Sorsogon Rep Evelina G. Escudero na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10368 o ang “Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.”

Sinabi ni Turabin-Hataman na ang panukala ay isa sa prayoridad ng Kamara na kinokonsiderang amiyendahan upang palawigin ang mandato ng HRVCB hanggang 2018 para tugunan ang may mahigit na 75,000 aplikante na naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Escudero, pinagtibay ang RA 10766 para pahabain ang pagpapairal ng HRVCB hanggang 2018 upang palawakin at matiyak ang bisa ng lupon sa pamamagitan ng karagdagang taunang pondo at ang budget ceiling para makatulong sa kakayahang magpasiya at maayos na pagganap sa tungkulin, gayundin ang pagbabawas sa mandatory publication ng orihinal na listahan ng eligible claimants mula sa tatlong beses hanggang isa lamang, nang sa gayun ay mapadali ang inaasahang pagbabayad-pinsala.

Ipinaliwanag ni Belmonte na lumitaw ang ilang paghamon sa pagpapatupad ng RA 10368 dahil sa ‘di inaasahang pangyayari nang ito’y isabatas. Halimbawa aniya, binibigyan lamang ng hanggang ika-12 ng Mayo 2016 ang HRVCB para kumpletuhin ang kanilang tungkulin. Base ito sa pagsasabatas ng RA10766 na nagpalawig sa buhay ng HRCVB hanggang Mayo 12, 2018.

Sinabi ni Belmonte na sa ilalim ng HB04574 ay iminungkahi niya ang pag-amiyenda sa Section 13, Paragraph 3 ng of RA 10368 na nagbibigay ng karagdagang pondo na mas mataas sa 15 percentage ceiling mula sa kasalukuyang batas para kumuha ng karagdagang contractual employees ang HRVCB dahil nililimitahan nito ang kakayahan ng naturang tanggapan na magpasiya sa lahat ng aplikante at gampanan ang ibang kinakailangang administrative at operational functions.

Layon din ng panukala na amiyendahan ang Section 14 ng RA 10368 para ang taunang pondo ng Board ay kukunin sa interes mula sa P10 bilyong pondo na nagkakahalaga ng P10 milyon bilang paunang pondo at hindi lalampas ng P100 milyon bawa’t taon.
Free Counters
Free Counters