HINDI MAKONTROL NA PAGTAAS SA PRESYO NG LANGIS SA BANSA, PINASISIYASAT
Pinapabusisi ni Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo sa House Committee on Energy ang hindi makontrol na pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Layunin ng isinusulong na pagdinig ni Rillo na mapigilan ang posibleng overpricing o pagpapataw ng mga kompanya ng langis ng hindi makatwirang presyo ng kanilang mga produkto.
Sa inihaing House Resolution 153 ay binigyang din ni Rillo na base sa Consumer Act of 1992 ay dapat protektahan ng estado ang intres at kapakanan ng publiko at magtakda ng batayan sa tamang pagnenegosyo.
Paliwanag ni Rillo, ang magkakasabay at pare parehong halaga ng pagtataas sa presyo ng mga oil companies ay nagpapakita ng kawalan nila ng masiglang kumpetisyon na mahalaga para mapanatiling patas at makatwiran ang presyo ng petrolyo sa bansa.
Binanggit din ni Rillo na dahil sa Downstream Oil Industry Deregulation Law of 1998 ay malaya ngayon ang mga local oil companies na magtakda ng presyo kung saan maari silang mas kumita ng malaki.
Ayon kay Rillo, ang ganitong patakaran ay daan para maisahan ng mga oil companies ang mamamayang Pilipino dahil sa umano'y maaring pagpapataw nila ng presyo na mas mataas sa patas at resonableng halaga.
<< Home