Thursday, July 07, 2022

BAKUNA PARA SA COVID-19 BOOSTER, IBINAHAGI NG KAPULUNGAN SA MGA KAANAK NG MGA KINATAWAN NG KAPULUNGAN AT KAWANI

Upang masiguro na walang maiiiwan pagdating sa kaligtasan ng lahat laban sa malubhang epekto ng sakit na COVID-19, muling nagdaos ang Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamamagitan ng CONGVAX na programa nito, ng bakunang COVID-19 booster ngayong Huwebes, para sa mga kaanak ng mga mambabatas, congressional staff at mga kawani ng Secretariat.  


Sa pagkakataong ito, ang mga dependents ay kabilang sa pediatric group na may edad mula 12 hanggang 17 taong gulang.  Ayon kay Medical and Dental Service Director Dr. Jose Luis Bautista, ang pediatric group ang pangunahing pinagtutuunan ng pagbabakuna. 


Ang partikular na grupo ay pinayagan kamakailan ng Department of Health (DOH) na mabakunahan sa labas ng mga ospital. Sinabi rin ni Bautista na pinapayagan silang magbigay ng bakuna sa mga senior citizen, gayundin sa mga immunocompromised ng kanilang pangalawang anti-COVID-19 booster na bakuna. 


Ipinahayag din niya na mayroon na lamang haggang ngayong araw upang makapagbakuna ang mga interesado.  


Mula pa sa unang bahagi ng taong kasalukuyan, sinabi ni Bautista na sinisikap na nilang isagawa ang pagbabakuna ng isang beses lang, hindi tulad noong mga nakaraan na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay isinagawa sa loob ng dalawang araw, karaniwan ay Huwebes hanggang Biyernes. 


“We don’t do that anymore. We concentrate on one day because we found out that it would be more effective for everyone,” paliwanag ni Bautista. Samantala, kasalukuyang nasa zero ang tala ng positibong kaso ng COVID-19, ayon kay Bautista.  Aniya, sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kamakailan lang, ang pagbabakuna ng booster laban sa COVID-19 ay magsisilbing karagdagang proteksyon sa mga bata. 


Kabilang sa mga nabakunahan sina Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas at Legislative Operations Department Deputy Secretary General Atty. David Robert Amorin. 


Isinagawa ng Medical and Dental Service ang drive-thru pagbabakuna sa North Steel Parking Building, Batasan Pambansa Complex sa Kapulungan ng mga Kinatawan.

Free Counters
Free Counters